
Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 12/11/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.
LAKAS HITS ORETA COMPANY
LAMBASTS PIRMA (GIGI) / HONASAN
BINASAHAN NG KASONG MURDER
SUSPECT OWNS CRIME
LEADERS TO PUSH FOR ROLLBACK
MAGIC SUGAR
CARPARK SUICIDE: MANDALUYONG
BATTERED WOMAN
LAGDAMEO / MONDAY HEARING
MICHAEL / LAST CONCERT
Subject: LAKAS HITS ORETA COMPANY
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Napikon na si Pangulong Ramos sa mga paghahamon sa kanyang
patunayang wala na siyang planong magtagal sa Malakanyang sa
pamamagitan ng paglagda sa anti-PIRMA (People's Initiative
for Reform, Modernization and Action) campaign.
Binatikos din ng Lakas ang anti-PIRMA campaign ni
Congresswoman Tessie Aquino-Oreta na anila'y ginagamit lang
nito sa pamumulitika.
Binalikan ngayon ni Pangulong Ramos ang mga naghahamon
sa kanyang pangunahan niya ang paglagda sa signature
campaign laban sa grupong PIRMA.
Ayon sa Pangulo, sapat na ang salita niya para
mapatunayang hindi siya pabor sa pagbabago ng Konstitusyon.
Iginiit naman ni Executive Secretary Ruben Torres, wala
talagang pondo ang PIRMA para isagawa ang planong pagbabago.
Naniniwala naman ang PIRMA na malawak na ang nakuha
nilang suporta sa charter change.
Binatikos ng Lakas ang pagtatatag ni Aquino-Oreta ng
grupo laban sa charter change na anila'y labag sa batas.
Ayon kay Lakas Deputy Secretary General Reynaldo Maclang,
ginagamit lang ni Aquino-Oreta ang isyu para sa ambisyon
nitong maging senador.
Ayaw namang magpatalo ni Aquino-Oreta sa isyu ng
pagbabago sa Konstitusyon. Malaki ang kanyang tiwala na
marami pang lider ng bansa ang lalagda sa kanyang manifesto.
Matagal ng nagpahayag si Speaker Jose de Venecia na
kokontrahin niya ang anumang kampanya para amyendahan ang
Saligang Batas.
Tinitiyak naman ng chairman ng House committee on
appropriations na may pondo sa isang referendum, basta ito
ay isasabay sa Barangay Election sa 1997.
Ayon kay Cong. Rolando Andaya, P400 million sa P2
bilyong budget ng Comelec at P500 million sa P71 billion
internal revenue allotment (IRA) ng mga lokal na pamahalaan
ang maaaring gamitin sa referendum.
Subject: LAMBASTS PIRMA (GIGI) / HONASAN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Nakatakdang mag-isyu ng opisyal na pahayag si Jaime Cardinal
Sin tungkol sa posisyon ng simbahan sa signature campaign na
nagpapalawig sa termino ng Pangulo.
Una rito, binatikos ni Cardinal Sin ang nasabing plano
na isang paglabag sa demokrasya.
Samantala, hindi i-uurong ni Senador Gregorio Honasan
ang kanyang panukalang pag-aalis sa pribelehiyo ng simbahan
sa pagbubuwis.
Ito'y sa kabila ng matinding oposisyon ng iba't ibang
sektor.
Gayunman, patuloy pa rin niyang pinag-aaralan ang
panukala. Nilinaw din ni Honasan na hindi niya ginagamit ang
isyu para malihis ang atensyon ng mamamayan mula sa planong
pag-amyenda sa Konstitusyon.
Subject: BINASAHAN NG KASONG MURDER
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Binasahan na ng kasong murder si Alberto "Ambet"
Antonio, pangunahing suspect sa Arnie Tuadles murder case sa
Pasig Regional Trial Court.
Not guilty plea ang ipinasok ng huwes pagkatapos na
manahimik si Antonio.
Nagtitimpi ang pamilya Tuadles habang binigyan ni Judge
Martin Villarama ng 40 minuto si Antonio para makahanda sa
pagbasa ng kasong murder.
Nguni't nanaig ang korte sa kabila ng paghingi ng
postponement ni Antonio. Tumangging magbigay ng kaniyang
plea si Antonio at si SPO4 Juanito Nieto, ang umano'y
bodyguard niya. Ayon sa batas, not guilty plea ang ipapasok
ng judge.
Si SPO1 Honorio Cartalla, ang imbestigador ng Tuadles
killing, ay nagbigay ng plea of not guilty.
Si Nieto at Cartalla ay kinasuhan bilang mga accessory.
Tumangging makilahok sa arraignment ang abogado ni
Antonio, si Atty. Josue San Pedro dahil sa nakabimbing
petition sa Korte Suprema na humihiling ng Temporary
Restraining Order (TRO).
Sa gitna ng laban sa procedural issues ay nasiyahan din
sa naging resulta ang maybahay ni Tuadles. Aniya, kahit
papaano ay tumatakbo ang kaso.
Subject: SUSPECT OWNS CRIME
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Tahasang inamin ni Rolando Abria, ang principal suspect sa
Chui massacre sa Quezon City, na siya ang sumaksak at umubos
sa pamilya.
Nguni't hindi kumbinsido ang mga pulis. Anila, sangkot
lahat silang tatlo. Maari ring may kinalaman talaga ang
unang dalawang suspect na sinampahan na ng kaso.
Konsiyensiya ang nagtulak kay Abria upang sabihin umano
ang totoo.
Inaako niya ang responsibilidad sa pagpatay sa pamilya Chui
noong Abril 13, 1996.
Gayon man, hindi rin niya idinidiin sina Leonardo
Gaspan at Joel de Juan, ang dalawang umamin ng krimen
nguni't bumawi ng kanilang pahayag.
Si Gaspan at De Juan ay unang nasangkot sa pahayag rin
ni Abria na sabay-sabay silang dumating sa tahanan ng mga
Chui bandang hapon.
Nguni't ayon sa pulisya, kasamang masasampahan ng
kasong multiple homicide ang mga ito. Iniipon lamang nila
ang mga ebidensiya.
Pinalaya kahapon ng korte sina Gaspan at De Juan dahil
sa pagbawi ng kanilang pag-amin. Pansamantalang silang
nakakalaya, nguni't hindi nangangahulugan na lusot na sila
sa responsibilidad.
Iniimbestigahan ng Central Police District Command ang
kuneksiyon ng unang dalawang suspect na nakasuhan at ang
huling tatlong suspect na nahuli kamakailan.
Subject: LEADERS TO PUSH FOR ROLLBACK
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Isusulong ng Mababang Kapulungan ng Congreso ang hakbang
para mapababa ang presyo ng langis bago mag-pasko.
Ayon kay House Speaker Jose de Venecia, posibleng
bumaba na ang halaga ng mga produktong petrolyo sa world
market matapos na magbenta muli ng langis ang Iraq.
Magsusumite kay Pangulong Ramos ng panukala ang House
committee on energy para sa kaukulang pagbabawas sa
kasalukuyang presyo ng langis.
Sumang-ayon naman ang Pangulo na maaaring bumaba ang
presyo ng crudo sa world market sa susunod na buwan.
Subalit, ang pagbago ng lokal na presyo ng langis ay
depende sa oil deregulation program ng gobyerno.
Subject: MAGIC SUGAR
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Nakakumpiska ang Bureau of Food and Drugs (BFAD) ng mga
pakete ng magic sugar na nagtataglay ng sodium cyclamate sa
dalawang lugar sa Metro Manila.
Ito'y mula sa Indonesia na pinaniniwalaang ipinupuslit
ng maliliit na mga negosyante.
Sa Guadalupe, Makati, at Quiapo sa Maynila, ang
bagsakan ng sodium cyclamate na mula sa mga negosyanteng
Muslim. Ito ay isang artificial sweetener na
pinaniniwalaang may epekto sa kalusugan.
Ang magic sugar ay ipinagbibili sa halagang P20
hanggang P30 sa bawat 10 gramo. Ito ay halos 30 beses na
mas matamis sa ordinaryong asukal.
Kadalasan ang gumagamit nito ay mga nagtitinda ng
palamig dahil ito ay mura.
Inamin din ng mga vendors sa Guadalupe na matagal na
silang gumagamit nito.
Ipinagbawal sa bansa ang pagpasok ng sodium cyclamate
noong 1970, sapagkat posibleng ito ay maging sanhi ng
cancer, subalit wala pang katiyakan dito.
Tiniyak naman ng BFAD na wala nang dapat na ipangamba
rito ang publiko.
Sa ngayon ay ginagamit sa halos 50 mga bansa ang sodium
cyclamate, gayung ito ay may basbas din ng World Health
Organization.
Tiniyak din ng BFAD ang mahigpit na pagmomonitor sa mga
gumagamit ng magic sugar, lalo na sa mga palamig. Sa
ngayon, problema nila kung sino ang nasa likod nito at paano
ipinupuslit ang produkto.
Subject: CARPARK SUICIDE: MANDALUYONG
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Balot pa rin ng misteryo ang kaso ng magkasintahang nakitang
patay sa loob ng isang kotse sa carpark ng isang shopping
mall.
Wala pa ring linaw kung ano ang talagang ikinamatay
nina Renato Ignacio at Ellen del Rosario.
Natagpuan ang dalawang wala ng buhay sa carpark ng
isang shopping mall sa Mandaluyong City noong linggo ng
gabi.
Hinihinala ng pulisya na sa overdose ng carbon monoxide
namatay ang dalawa dahil may kemikal silang naamoy mula sa
kotse ng buksan nila ito.
Ngayon, sinasabi ng pamilya ni Ignacio na ito ay hindi
matahimik. Iba't-ibang kakatwang bagay ang kanilang
nararanasan.
Mga pinggan na walang gumagalaw subalit nagbabagsakan.
Mga ilaw na namamatay at nagsisindi ng kusa. Pinto sa
kuwarto ni Renato na minsan ay hindi mabuksan at tila may
humahatak sa loob. At ang pagkakalampagan ng mga rehas na
bakal kahit na walang taong lumalapit. Ang paboritong aso ni
Renato ay tila nagdadalamhati sa biglaang pagpanaw ng amo.
Hangga't wala ang resulta ng awtopsiya, sina Renato at
Ellen lamang ang siya pa ring nakakaalam sa dahilan ng
kanilang pagkamatay.
Subject: BATTERED WOMAN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Dahil sa tindi ng pagiging seloso, nilaslas ng isang house
painter ang mukha ng kanyang asawa para tuluyan na raw na
pumangit at hindi na maagaw pa ng iba.
Mahal na mahal ni Juanita Francisco ang asawa niyang si
Angelito kung kaya't hindi ito nagsumbong sa pulis at
nagpagamot na lamang sa ospital matapos ang insidente.
Subalit, pag-uwi niya sa kanilang tahanan kagabi, bigla
umanong pinagsusuntok ng kanyang asawa ang kanyang mukha na
may mga hiwa pa at katatahi lamang.
Agad nagtungo ang biktima sa pulisya upang ireklamo ang
asawa nito. Subalit, mariin namang itinanggi ng suspek ang
pananakit.
Gaya ng karamihan sa "battered women", matagal na
tiniis ng babae ang panggugulpi ng asawa dahil mahal niya
ito. Madalas umanong magselos ang lalaki ng walang
kadahilanan.
Kagabi, naubusan na siya ng pasensiya at nagpasyang
ipakulong na rin sa wakas ang asawa.
Sasampahan ng kasong serious physical injuries ng mga
awtoridad ang suspek, samantalang ang biktima naman ay
lalayo muna raw upang magpahilom ng kanyang mga sugat.
Subject: LAGDAMEO / MONDAY HEARING
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Produkto lang daw ng imahinasyon ni Senate President Ernesto
Maceda ang pagkakabanggit nito sa dalawa umanong opisyal ng
Public Estate Authority (PEA) na kasama sa secret meeting ni
then PEA General Manager Amado Lagdameo sa Bangkok,
Thailand.
Ito ang iginiit ng PEA habang isang prayer rally rin
ang isinasagawa ng mga empleyado nito bilang suporta kay
Lagdameo.
Inaasahang mag-iisa si Lagdameo sa pagdinig ng Senado
sa Lunes kaugnay sa PEA-Amari landscam.
Ayon kay Senador Juan Ponce Enrile, chairman ng komite,
posibleng makasuhan ng tax evasion at paglabag sa anti-graft
law ang mga mapapatunayang sangkot sa landscam.
Ayon sa PEA, hindi nila kilala si Ben Cuervo o si Steve
Sison, mga binanggit sa report na kasama ni Secretary
Lagdameo sa pag-negotiate ng deal sa Amari.
Naunang sinabi ni Senador Maceda na dating PEA director
si Cuervo na nagdeposito ng mahigit sa P6 milyong matapos
mapirmahan ang kontrata sa Amari.
Binanggit din sa report ang isang Steve Sison ng PEA na
umano'y kasama ni Lagdameo sa isang secret trip sa Bangkok
noong isang taon. Nguni't ayon sa tagapagsalita ng
PEA, hindi nila kilala ang dalawa.
Nagpirmahan din ang mga empleyado ng PEA ng manifesto
para suportahan ang kanilang opisyal.
Bagama't tinatanggap umano nila ang imbestigasyon ng
Malakanyang at Senado, binabale-wala naman ito ni Maceda.
Inakusahan ni Maceda ang karamihan sa PEA na sangkot sa
iba't ibang anomalya.
Aayon naman sa Pangulo, bagama't nagbitiw na sa
tungkulin ang assistant general manager ng PEA na si
Justiniano Montano, hindi pa rin siya ligtas sa maaring
pagkakasangkot sa naturang land deal.
Subject: MICHAEL / LAST CONCERT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Umalis na sa bansa kaninang 12:00 ng tanghali ang "King of
Pop" na si Michael Jackson.
Ito'y higit na mas maaga sa kanyang scheduled
departure. Si Jackson at ang mga kasama nito ay sakay ng
private plane na may tatak na Kingdom Entertainment mula sa
old Manila International Airport (MIA).
Naging simple at tago ang kanyang pag-alis. Marami pa
ring nag-abang para makita si Jackson sa huling pagkakataon.
Bagamat nabigo ang marami sa kanila, marami rin namang
nagsabing sulit na sulit ang pagpunta dito ng "King of Pop".
Kagabi, mas maraming tao ang pumunta sa huling araw ng
concert ni Jackson.
May isa ring Pinay natupad ang matagal nang pinangarap.
Ngunit hindi lang para sa mga fans naging masaya ang
pagdating ni Michael Jackson.
Ayon sa kanyang entourage, isa ang Pilipinas sa mga
pinakamaganda at pinaka-masaya nilang napuntahan. Naging
"memorable" din ang history tour sa Pilipinas dahil isang
Filipino designer ang nakapag-design ng costumes ni Michael.
Gumamit si Frederick Peralta ng piling-piling mga
materyales para sa King of Pop. Bagamat naging mahirap, ay
pinilit ng staff ni Peralta na tapusin ang costumes ni
Michael sa loob lamang ng dalawang araw.
Isa sa apat na costumes na ginawa ni Peralta ang
isinuot ni Michael noong pangalawang araw ng kanyang
konsyerto.
Go Back To News Service Index