11 miyembro ng Kuratong Baleleng nahuli
LABING-ISANG miyembro ng Kuratong Baleleng Solido Gang ang nasakote ng mga tauhan ng Traffic Management Group.
Ang grupo ang siya umanong nasa likod ng Miladay robbery-holdup sa Makati, pananambang sa isang traffic pulis ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sunud-sunod na bank robbery sa Metro Manila.
Sa P30 milyong halaga ng mga alahas na nakuha sa Miladay Jewelry Store sa Makati, iilang piraso na lamang ang nabawi ng grupo ng TMG mula sa lungga ng kilabot na Kuratong Baleleng Solido Gang.
Ayon kay Teresa Gomez, comptroller ng Miladay, P1.5 milyong halaga na lamang ng alahas ang natira. Kasama sa mga naaresto na miyembro ng Kuratong Baleleng Solido Gang ay ang lider na sinasabing tauhan ng Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP), ex-army at takas sa bilanggo na si Joel Arnan.
Kasama ni Arnan na naaresto ay ang kanyang asawa na si Lelet. Ang mga kasamahan ni Arnan sa Solido Gang ay pawang mga dating sundalo at Philippine Constabulary (PC).
Ayon kay Police Inspector Renato Laurinaria, na siyang namuno sa operasyon, ang grupong ito ang siyang responsable sa 20 porsiyento ng mga krimeng nagaganap sa Metro Manila.) Kasama dito ang pagpatay sa isang NAIA traffic police at isang Metro Manila Development Authority (MMDA) traffic aide noong Disyembre.
Ayon kay Laurinaria, may kaugnayan din ang grupo sa carnapping gang na napatay naman sa Lexus Nightclub noong nakaraang taon.
Malalaking personalidad ang nasa likod ng Kuratong Baleleng
NALANSAG na nga ang Solid Group ng Kuratong Baleleng sa pagkaka-aresto ng 11 suspek, ngunit ayon na rin sa mga miyembro ng arresting team, nananatili ang misteryo kung sino ang nagpapatakbo sa naturang grupo.
Ayon sa impormasyon na nakalap ng arresting team, kabilang rito ang ilang mga pulitiko, miyembro ng gabinete, opisyal ng pulis at militar.
Isang miyembro ng grupo ang nasugatan at naaresto matapos ang shootout sa may Lexus sa Timog Avenue, noong isang taon. Dinala siya sa Philippine National Police General Hospital, ngunit nang i-check ito ng Task Force Limbas kinabukasan, wala ang suspek at nawala rin ang record nito.
Isang Philippine Army captain ang inaresto ng grupo kamakailan dahil nagmamaneho umano ito ng isang carnapped vehicle. Subalit ito'y hiningi ng isa pang opisyal ng PNP na sinasabing ka-klase ng suspek sa Philippine Military Academy.
Ayon sa operation report ng Task Force Limbas, napakalaki ng sindikato ngunit maaaring pino-protektahan ng ilang opisyal ng PNP at ng militar.
Isang "deep penetration agent" o DPA, ang unang naka-penetrate sa sindikato at kanyang nai-record ang pag-uusap na ito sa isang babae at isang lalakeng miyembro ng Kuratong Solid Group, bago sila naaresto.
Tumanggi namang magsalita si General Sarmiento tungkol dito.
Bukas, ihahayag na ang ilan sa mga sinasabing malalaking isdang sangkot sa Kuratong Baleleng Solido Group.
Birth certificate ng biktima ni Jalosjos tunay
"AUTHENTIC" ang birth certificate ng 11-taong gulang na si Roselyn Delantar.
Ito ang tiniyak ngayon ng prosekusyon sa harap ng mga kuwestiyon tungkol sa tunay na edad ng biktima. Tunay at walang kaduda-duda ang birth certificate ni Roselyn Delantar. Ito ang mariin na sinabi ngayon ni Chief State Prosecutor Jovencito Zuno.
Kinuwestion ng kapatid ni Congressman Romeo Jalosjos na si Dominador, sa Manila Regional Trial Court ang naturang birth certificate. Ngunit ayon sa private lawyer ni Roselyn, ang tunay na ina na mismo ng bata ang maaaring magpatunay ng kanyang edad. Sa paratang ng pre-trial hearing sa March 12, inihahanda na ng prosecution si Roselyn.
Samantala, ala-6:00 ng umaga umalis ng kanyang selda si Congressman Jalosjos upang mag-paopera ng kanyang namamagang ipin. Ang pagbunot ay ginanap sa Forbes Park, kung saan naghihintay ang kanyang dentista.
Habang isinasagawa ang pagbunot, naghihintay naman ang mga prosecution lawyers sa Makati RTC upang sampahan ng reklamo si Judge Roberto Diokno. Hindi man lamang daw ipinaalam sa kanila ng korte ang plano ng kongresista.
Kasunod ng "CONSTANCIA", isang administrative complaint pa ang isasampa ng mga private prosecutors sa Korte Suprema. Pinag-aaralan naman ng Department of Justice, kung sila'y magsasampa naman ng "motion to inhibit".
Ayon kay Judge Roberto Diokno ang pagpayag niya na tumungo sa dentista si Congressman Jalosjos ay hindi nangangahulugan na ito ay pinapaboran niya. Ito ay isa lamang karapatan ng isang bilanggong katulad ng kongresista.
Ang pagbigay ng "treatment" sa mga bilanggong nangangailangan nito ay nakasaad sa dokumentong ito. Dito ibinase ni Judge Diokno ang kanyang desisyon.
Idinagdag pa nito na sa ganitong pagkakataon ay hindi niya na kailangang ipaalam pa ito sa panig ng prosecution. Ang kaso ng kongresista ay itinuturing ni Judge Diokno na ordinaryo lamang. Nakahanda siyang bumitaw sa kasong ito, kung may mga nagdududa sa kanyang integridad.
Pari nang-abuso ng isang bata, nagtatago
ISANG pari sa lalawigan ng Bukidnon, ang nang-abuso ng isang batang miyembro ng kanyang simbahan. Si Reverend Father Arturo Silvestre ng Philippine Ecclesiastical Catholic Apostolic Vicar Encarnand, ay pinaghahahanap ngayon ng mga awtoridad.
Isang break-away group ng Philippine Independent Church, ang grupong itinatag ni Rev Fr. Arturo Silvestre. Nag-recruit ng mga pangunahing miyembro ang pamilya ng biktima at sinuportahan naman ni San Fernando Mayor Jeremias Santacera, upang makapagtayo ng simbahan. Ngunit mula nang maitatag ay nagsimula na rin umanong mag-milagro sa mga batang kaanib nito.
Si Jennifer, na ngayon ay pitong buwang buntis, ang nagbulgar na noong nakaraang taon nagpamasahe si Father at pagkatapos pinuwersa siya. Itinago si Jennifer sa Agusan del Sur, upang umano'y ipalaglag ang dinadala. Nagsagawa ng rescue operation sina Major Cesar Ouano ng Central Intelligence Group Northern Mindanao.
Ngayon, si Jennifer ay naghihintay manganak sa piling ng mga magulang nito sa bayan ng San Fernando. Galit at panghihinayang kay Fr. Silvestre ang umiiral ngayon sa pamilya ng biktima.
Tatlong ulit tinungo ng ABS-CBN News at ng CIG agents ang simbahan ni Fr. Silvestre. Si Fr. Marcelino Marcelo ang naabutan dito. At ayon kay Major Cesar Ouano, tumakas na ang suspek at naiwan pa ang ilang kagamitan.
Dahil sa kontrobersya, binoycott ang simbahang itinatag ni Fr. Silvestre.
Sa isang napakalayong lugar at maraming relihiyon, hindi nalalayong malakas ang impluwensiya nito sa mga taong halos dumedepende ng araw-araw na pamummuhay sa kanilang paniniwala.
Magdamag na nagbantay ang ABS-CBN News, CIG agents at Mayor Santacera, ngunit walang Fr. Silvestreng lumilitaw at nananatiling sarado ang bibig ng mga residente.
Samantala, pinuna ni Senadora Leticia Ramos-Shahani, ang dalawang kapulungan ng Kongreso dahil sa matagal nang pagkakabinbin ng Rape Bill. Ayon kay Shahani, noon pang 1988 niya iniharap ang panukalang pagtatakda sa rape bilang "public crime". Anya, ang patuloy na pagkaka-antala ng pagpapatibay sa batas ay lumilikha ng duda sa sinseridad ng kongreso para masugpo ang paglaganap ng rape.
Dalawang bala ka lang!
PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang isang babaeng sinasabing pangunahing source ng lumalaganap na shabu sa Laguna. Hinihinalang "rub-out" ang motibo ng naturang pamamaslang na naganap sa Calamba.
Tatlong taon umanong namahagi ng shabu si Lorna Molina sa Laguna. Sabado ng gabi nang mapatay siya, hindi ng mga pulis, kundi mga kasamahan din niya at dalawang bala ang tumapos sa kanyang buhay.
Wanted si Molina at nasa Order of Battle ng Laguna PNP. Sakay ng motorsiklo si Molina at alalay nito. Dalawang kalalakihan din ang sakay ng isa pang motor nang bigla silang tumigil sa kahabaan ng Barangay Real Highway.
Maraming kuneksiyon si Molina at isa sa mga ito ang nakatunog na may trouble siya.
Samantala, walang batayan para masabing nawala sa kamay ng pulis ang 22 kilo ng shabu na nakumpiska sa Cavite noong Nobyembre ng 1996.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Illegal Drugs, sinabi ni Chief Superintendent Efren Fernandez, na hindi pa rin tapos ang kanilang imbestigasyon.
Hiniling na rin ng Senado na magsagawa si Cavite Governor Epimaco Velasco ng hiwalay na imbestigasyon sa umano'y nawawalang shabu.
"Filipino First" Policy pinairal ng SC sa pagbenta ng Manila Hotel
PINIGILAN ng Korte Suprema ang pagbebenta ng Manila Hotel sa Renong Berhad ng Malaysia. Sa halip, ini-utos ng Korte Suprema na ibenta ang 51 porsiyento ng Manila Hotel, sa Manila Prince Hotel, pag-aari ng publisher at banker na si Don Emilio Yap.
Sa 29 na pahinang desisyon ng Korte Suprema, binigyang-diing dapat manaig ang "Filipino First" na probisyon sa konstitusyon. Sinabi rin ng Supreme Court na bahagi na ng "National Patrimony" ang Manila Hotel.
Inatasan na rin ng Korte Suprema ang Government Service Insurance System o GSIS, Manila Hotel, ang Committee on Privatization at ang Office of the Government Corporate Counsel, na ayusin na ang mga dokumento para sa pagbebenta.
Oil deregulation hiniling na pigilin
HIHILINGIN ng mga militanteng grupo na pigilan ng Korte Suprema ang napipintong ganap na deregulasyon ng langis sa Sabado, ika-8 ng Pebrero.
Ayon sa Buklod o Bukluran ng Mamamayan Laban sa Oil Deregulation, mistulang Diyos ang tatlong kompanya ng langis na magdidikta sa presyo ng isang mahalagang produkto. Ito ay pagsasa-isantabi umano ng pamahalaan sa obligasyon nito.
Samantala, ipinasa na ng Senado ang 1997 Budget na umaabot sa P433 bilyon. Labing walong senador ang sumuporta at dalawa naman ang bumoto laban sa budget.
Binatikos nina Senador Alberto Romulo at Miriam Defensor Santiago ang pag-singit ng mga Congressional Initiatives ng mga politiko. Anila, gagamitin lang ng mga ito ang budget para sa 1998 elections.
Shellfish vendors hindi pa rin nasiyahan sa pag-alis ng ban
INALIS na ng Department of Health ang "ban" sa pagbebenta ng shellfish, ngunit hindi pa rin nagagalak ang mga magtatahong sa Cavite, Sa dahilang kakaunti pa lamang ang tumatangkilik sa tahong at talaba. Mula sa dating P40 isang tabo ng tahong, ibinaba na ito sa P25, ngunit mangilan-ngilan pa rin ang kumakagat na mamimili.
Ngunit hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga magtatahong na babalik ang kanilang mga suki sa mga susunod na araw.
Si Aling Norma ay 32 taon ng nagtitinda ng tahong at talaba, medyo maginhawa ang buhay nila noon. Katunayan, isang anak niya ang nagtapos ng Medical Technology course, dahil sa paglalako niya ng tahong. Ngunit naging miserable ang kanilang buhay mula ng manalasa ang "red tide" at ipagbawal ang pagkain ng shellfish.
Umaasa ang mga magtatahong na sa pahayag ng Department Of Health tungkol sa lifting ng ban sa pagbebenta ng shellfish, ay hudyat upang manumbalik ang sigla ng mga mamamayan sa pagkain ng tahong at talaba at maging daan para maisalba ang sisinghap-singhap na industriya ng shellfish.
Rescue operation sa crash site naantala
NAANTALA ang isinasagawang rescue operation sa labi ng eroplanong Cesna Citation ng AirSpan Philippines, sa Mount Balatucan, Misamis Oriental sa Mindanao, matapos hilingin ng mga New People's Army (NPA) sa naturang lugar na sila na lamang ang magsasagawa ng pag-recover sa mga katawan ng mga piloto na nina Romeo Cruz at Elmer Quizon.
Ayon kay Ka "Triumph", lider ng local NPA, umiiwas sila sa posibleng engkwentro sa Philippine Army.
Gayunman, nagsasagawa na ng clearing operation ang Seventh Infantry Batallion na naka base sa Camp Evangelista, para bigyang daan naman ang grupo ng Oro Rescue Nine Thousand, na siyang lead group sa operasyon.
Si Defense Secretary Renato De Villa ang personal na namahala sa rescue operations.
Ayon kay Rene Sia, Rescue Operation Chief, maaaring "miscalculation" ang nangyari sa pagdaan ng eroplano sa Mount Balatucan.
Alitang Oreta at Maganto muling nabuhay
MULING nabuhay ang alitan sa pagitan nina Metro Manila Development Authority Chairman Prospero Oreta at Metro Traffic Force Chief Romeo Maganto.
Ito'y kaugnay ng ipinahayag ni Maganto sa Radio dzMM kanina na ipagpapatuloy niya ang kanyang mga proyekto bagamat hindi ito aprubado ng MMDA.
Kapwa na sila makikita sa kalsada ngayon. Kung may "yellow lanes" si Oreta, may "express lanes" naman si Maganto.
Dalawang linggo na ang nakakalipas ng unang ipatupad ang "express lanes". Bagamat hindi ito aprubado ni Chairman Oreta. Ngayon ay metrowide na ang coverage nito. Wala pa ring huhulihin at wala pa ring magmumulta.
Ayon kay Chairman Oreta, ayaw na niyang paki-alaman pa ang mga ginagawa ni Maganto.
Maaalalang huling nag-away ang dalawa tungkol sa "push-ups" para sa jaywalkers, pero nagkasundo rin sila agad. Ngayon nais na lamang ni Oreta na maayos na ang trapiko sa Kamaynilaan. Bagamat hindi nagkakasundo ang dalawa, pareho naman ang layunin nilang maayos ang daloy ng trapiko sa kamaynilaan.
Go Back To News Service Index
10 natatanging Pilipino pinarangalan
SAMPUNG natatanging Pilipino ang ginawaran bilang Outstanding Young Filipinos ng 1995 at 1996.
Kabilang rito ay ang mga sumusunod bilang Outstanding Young Filipinos para sa taong 1995: Liza Macuja, para sa Arts (Dance); Carlos Siguion Reyna, Arts (Cinema); Eddie Dorotan, Community Development; Arturo Pesigan, Medicine; Elma Muros Posadas, Sports;
Ang mga 1996 awardees naman ay kinabibilingan nina Jovianney Cruz, Arts (Music); John Lu Go Koa, Business; Ramon Paje, Gov't Service; Rafael Cruz Bundoc, Medicine; Graciano Yumul Jr., Science; Mansueto "Onyok" Velasco, Sports.
Sa isang maikling seremonya sa Malakanyang, pinuri ng Pangulo ang kanilang tagumpay sa pagsisikap na makilala sa Pilipinas at maging sa buong mundo.
Samantala, isang ulirang ina ang tinaguriang Bayaning Pilipino para sa taong ito ng ABS-CBN.
Si Norma Gohetia ng Davao City, ay napili dahil sa kanyang determinasyon na patapusin ng pag-aaral ang kanyang walong anak at tulungan din ang 600 pang pamilya sa kanilang lugar sa pamamagitan ng pagtatayo ng ibat-ibang business organizations, sa kabila ng maralita nitong kalagayan at sakit na Parkinson's disease.
Ang iba pang mga pinarangalan ay ang Besao Multi-Purpose Cooperative para sa Samahang Pilipino; Davide Family para sa Pamilyang Pilipino; at Encarnacion Montales para sa Bayaning Pilipino sa Asya-Pasipiko.