Bishop De Jesus ng Jolo pinaslang
BINARIL at pinatay ng tatlong di pa kilalang salarin si Bishop Benjamin de Jesus sa harap mismo ng cathedral ng Jolo, Sulu. Ito ang kauna-unahang pagkakataong napatay ang isang obispo ng simbahang Katoliko sa bansa.
Nagbabala si dating senador Santanina Rasul na maaaring sumiklab ang bagong digmaan sa Mindanao dahil sa pagkakapatay kay De Jesus.
Sa ulo binaril si Bishop De Jesus kaninang umaga. Papasakay sana si De Jesus sa kanyang jeep na nakaparada sa harapan ng Cathedral ng Jolo, nang lapitan siya ng dalawang lalaki.
Bumunot ang isa ng baril at kaagad pinaputukan sa ulo ang pari. Hinabol pa ng mga pulis ang dalawang suspects, ngunit nakipagpalitan ito ng putok. Isa pang sibilyan ang nasaktan sa naganap na habulan.
Si De Jesus ang isa sa tumulong para mapalaya ang dalawang Kastilang madre na kinidnap ng Abu Sayyaf. Tumulong rin siya sa pagpapalaya ng pastor na si Charles Walton. Pina-iimbistigahan na ni National Police Chief Recaredo Sarmiento ang insidente. Kinundena ng mga senador ang pangyayari.
Ayon naman kay AFP Southern Commmand Chief, Major General Romeo Padiernos, hindi pa kailangang maki-alam ang militar sa naganap na pagpatay kay De Jesus. Ang kaso anya, ay itinuturing nilang "police matter" at ang mga nagtatangkang gawin itong "religious war" ay di magtatagumpay.
Pinayuhan naman ng simbahang Katoliko ang lahat ng mga pari na huwag magpapadala sa karahasan at ipagpatuloy ang pagtuturo ng kapayapaan.
Reprimand lamang ang posibleng ipataw kay Jalosjos
"REPRIMAND" at hindi suspensiyon ang posibleng ipataw ng Kongreso sa miyembro nitong si Congressman Romeo Jalosjos.
Ayon kay Congressman Prospero Nograles, kung makapagbibigay naman ng magandang paliwanag si Jalosjos ay posibleng baligtarin na lang ng Kongreso ang rekomendasyon nito.
Ang pagdinig ng House ethics committee ay posible ring isagawa doon sa Makati City Jail kung hindi papayagan ng korteng lumabas si Jalosjos.
Samantala, pinabulaanan ng warden ng Makati City Jail ang balitang pagbibigay nila ng "special treatment" kay Jalosjos. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kongresista sa ABS-CBN Channel 2, ang tanging TV station na naglabas ng ulat na ito.
Ito ang bagong opisina ng jail warden. Kung dati'y masikip at sobrang init, ngayon ay bagong pintura at may airconditioner. Mayroon na ring malaking sofa na puwedeng pagpahingahan at kumpleto pa sa kagamitan ang banyo!
Ang lugar na ito ay dating "records section". Ang mga materyales na ginamit sa pagpapaganda ay nagmula kay Congressman Jalosjos. Kapalit nito ay ginagamit ng kongresista ang kwarto bilang "visitor's area".
Inamin din ng inspector na tinanggap nila ang iba pang donasyon mula sa kongresista. Aniya, hindi siya natatakot mawalan ng trabaho dahil ang lahat ng nagaganap sa loob ng Makati Jail ay aprubado ng Bureau of Jail Management and Penology.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kongresista sa Channel 2, nang magpumilit ang ABS-CBN News na makunan ng panig si Jalosjos. Samantala, maaring imbestigahan ng Kongreso ang pagbibigay ng VIP treatment kay Jalosjos kung may matatanggap silang reklamo kaugnay nito.
Walang "Capital Flight" mula sa Binondo
PINABULAANAN ng Federation of Filipino-Chinese Community na nagbanta na ang mga negosyante na alisin ang kanilang mga negosyo sa bansa dahil sa sunud-sunod na kidnapping sa Binondo.
Sa isang pulong, sinabi nilang walang katotohanan ang mga nakakaalarmang pahayag ni Teresita Ang-See, presidente ng Citizen's Action Against Crime.
Ang pinakahuling pahayag ni Ang-See ay mayroon ng mga vigilantes na nakakalat sa Binondo, dahil nawawalan na ng tiwala ang mga Filipino-Chinese sa mga pulis. Agad pinatawag ng pederasyon si Ang-See na tumanggi namang magbigay ng pahayag.
Samantala, naka-"tap" ang telepono sa bahay ng kidnap victim na si Tomy Wong. Naniniwala ang asawa ni Wong na buhay pa rin ito matapos kumpirmahin ng Manila police na hindi kay Wong ang nakitang bangkay na lulutang-lutang sa Pasig River.
Ayon kay Minda Wong, maaring malaking sindikato o ma-impluwensiya ang mga dumukot sa kanyang asawang si Tommy dahil kayang-kaya nilang mag-tap sa telepono sa bahay ng biktima.
Mula nang maganap ang kidnapping noong Enero 20, nawalan ng dial tone ang telepono ng mga Wong. Nang gabi bago naganap ang pag-kidnap kay Wong, isang lalaki umano ang bumili ng sigarilyo sa kanilang tindahan.
Mula nang mawala si Wong, tumigil nang pumasok sa Chang Kai Shek School ang apat na anak ni Wong dahil sa takot. Dalawang suspects ang dinampot ng Western Police District noong nakaraang linggo subalit pinawalaan din dahil sa kawalan ng ebidensiya.
Ayon kay Mrs. Wong, natakot lang ang kanyang limang taong gulang na anak na kilalanin ang mga ito sa police line-up. Ang bata ay kasama ni Wong sa kanilang awto nang dukutin ang biktima. Itinanggi ng mga naunang suspek na sangkot sila sa pag-kawala ni Wong.
Sinusundan ng WPD ang anggulong si Wong ay taga-turo sa kidnapping for ransom syndicate ng mga Filipino-Chinese na puwedeng mabiktima.
Sa ngayon ay sarado na ang negosyo ng mga Wong, habang nangangapa pa rin ang pulis kung ano talaga ang nangyari kay Wong.
Adik, nanggahasa ng 4-taong gulang
DAHIL sa shabu, isa na namang batang babae ang naging biktima ng rape. Ang suspect: isa ring bata.
Ang biktima ay apat na taong gulang lamang. wala pang malay sa takbo ng buhay. Naglalaro sa basketball court na ito ang biktima nang dalhin sa isang silid ng suspect. Sinasabing dito nangyari ang panggagahasa. Ang suspect ay 13-taong gulang lamang.
Ayon sa ina ng biktima, anak niya mismo ang nagturo sa gumahasa sa kanya. Walang dudang ang bata ay nagalaw. Bawal na gamot ang sinisisi ng pamilya ng suspect kung bakit ito ay nagkaganito.
FVR nadismaya sa desisyon ng Korte Suprema
HINDI nasiyahan si Pangulong Ramos sa desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang bid ng isang kompanyang Malaysian sa Manila Hotel. Hihilingin ng Malakanyang na muling ikonsidera ng Korte Suprema ang desisyon nito na itinuturing ng Pangulong Ramos na malaking balakid sa programa ng pagsasa-pribado ng pamahalaan.
Matindi ang pagkadismaya ni Pangulong Ramos sa sunod-sunod na dagok na tinatanggap ng pamahalaan hingil sa privatization. Pinakahuli na rito ang desisyon ng Korte Suprema na ibenta kay Manila Bulletin publisher, Emilio Yap, ang Manila Hotel, sa halip na katigan ang Malaysian company na nanalo para sa bidding nito.
Nangangamba si Pangulong Ramos na makasasama ang naturang desisyon sa hangarin ng gobyerno na makaakit ng karagdagang investors sa bansa.
Kataka-taka naman, ayon kay Finance Secretary Roberto de Ocampo, na ngayon lamang pumasok ang isyu ng patrimony sa pagbenta ng Manila Hotel, gayung dalawang taon nang nakabinbin ang pagsasapribado nito. Pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagsusumite ng motion for reconsideration sa Korte Suprema. Sinabi ng Pangulo na isa lamang itong pagpapakita ng respeto sa kataas-taasang hukuman. Higit na mas mahalaga, ani Pangulo, na maituwid ng mga ahensiya ng pamahalaan kung anu-anong asset ng gobyerno ang dapat na ibenta sa Pilipinong negosyante lamang.
Oil deregulation
SIMULA sa Biyernes ng hating-gabi, ilulunsad ng Bagong Alyansang Makabayan o "Bayan", ang "24-hour countdown protest vigil" sa harap ng tanggapan ng Petron.
Bahagi ito ng dalawang araw na kilos-protesta at noise barrage laban sa napipintong oil deregulation sa a-8 ng Pebrero.
Bukas, sisimulan na sa Davao City ng Bayan-Mindanao, ang kanilang kilos protesta. Hindi ang pagtutol sa deregulasyon ang igigiit ng grupo kundi ang "repeal" sa batas na bumuhay sa oil deregulation.
Sa Naga City, sasalubungin din ng malawakang kilos-protesta ang deregulasyon.
Sa Cebu City, nagbabala ang Land Transportation Office na sususpindehin nito ang lisensiya ng mga driver na susuporta sa nationwide transport strike bukas.
Sinabi naman ni Cebu City Mayor Alvin Garcia, na ilang bus ng gobyerno ang kanilang ipalalabas simula para sa mga mai-"stranded" na pasahero.
Samantala, kumpleto na ang senatorial line-up ng Partido ng Masang Pilipino para sa halalan sa 1998. Ayon sa PMP, pinili nila ang pinaka-mahuhusay at pinakamagagaling.
Kabilang umano sa mga senatorial bets ng partido sina PDP Laban head, Aquilino Pimentel; Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Misamis Oriental Gov. Vicente Emano, broadcast journalists Loren Legarda at Noli de Castro.
Go Back To News Service Index
WPD proficiency firing
NAG-UMPISA nang magsanay ang may 3,000 tauhan ng Western Police Distirct sa pagpapaputok ng baril na matagal-tagal na rin nilang pinapangarap.
Isa-isang dumating ang mga "men of the hour". Mga rookies, mga beterano, mga payat at mga matataba. Bihirang magtungo ang mga ito sa nasabing himpilan. At kung pumunta man, ay papagalitan lang ni commander dahil may ginawang kapalpakan.
Subali't, iba daw ang araw na ito. Dahil, at long last, mapapaputok na nila ang kanilang kinakalawang at panahon pa ng Hapon na sandata.
Ngunit, hindi lamang pagpapaputok ang kanilang sinasanay. Siyempre, ang importante tamaan nila ang mga target. At dahil nanigas na ang mga daliri at halos nakalimutan na nila ang bumaril, nagkawindang-windang ang takbo ng mga bala nila.
Gayunpaman, natutuwa sina kabo, sarhento at koronel dahil libre ang bala at wala silang ginasta. Problema nga raw ang bala, kung kaya't hindi sila nagsasanay. Maliit nga naman ang kanilang sahod. At mahal ang bala kung kaya't mabuti pa raw na ibili na lang nila ng gamit para sa pamilya.