Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 02/05/97
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

PROTEKTOR NG KURATONG BALELENG GANG IBINULGAR
KURATONG CONNECTIONS IBINULGAR NG ISANG DPA
TATLONG HENERAL NG PNP IIMBESTIGAHAN
SOLIDO GANG WALANG KINALAMAN SA AKING KANDIDATURA - ERAP
TATLONG ANGGULO SA BISHOP DE JESUS MURDER SINUSURI
DIGMAAN-RELIHIYON NAGBABADYA
NATIONAL PATRIMONY KUKUWESTIYUNIN NG MALAKANYANG
AIDS VICTIM KAKASUHAN NG CHILD ABUSE
MGA PULIS MAYNILA PALYADO NA
BUHAY NG MAG-AMANG REVILLA PINAGTANGKAAN


Protektor ng Kuratong Baleleng Gang ibinulgar

KINILALA na ng "police asset" ng Traffic Management Group (TMG) ang mga sinasabing protektor ng Kuratong Baleleng Solido Gang.

Sa ekslusibong panayam, inihayag ni agent "Joy" na tatlong heneral ng Philippine National Police (PNP) ang nasa likod ng operasyon. Aniya, ang pangunahing layunin ng grupo ay makalikom ng pondo para sa umano'y kandidatura ni Joseph Estrada sa 1998.

Ayon sa intelligence report ng Special Operations Unit ng TMG, ang Solid Group ng Kuratong ay mayroon nang mga tao sa iba't-ibang ahensiya ng gobyerno, base sa impormasyon mula sa isang Deep Penetration Agent ng TMG na nagngangalang "Joy".

Kabilang dito ang Judicary, Land Transportation Office (LTO), Department of Interior and Local Government (DILG), PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), mga pulitiko at maging mga negosyante. Isa rito'y mataas na opisyal ng gobyerno.

Isinasangkot din sa report si Chief Superintendnent Reynaldo Wycoco sa Kuratong Solid Group. Na-frame-up umano ni Wycoco si Major Renato Laurinaria matapos maka-enkwentro nito ang Kuratong sa Lexus noong Oktubre. Si Laurinaria ay sinampahan ng kasong "robbery extortion" ni Wycoco Ayon din sa report, ibig unahan ni Wycoco ang grupo ni Laurinaria dahil malalansag na niya ang Kuratong Solid Group.

Ayon naman kay Wycoco, ibig lamang gumanti ni Laurinaria. Maliban kay Wycoco, dalawa pang heneral ng PNP ang sinasabing sangkot sa Solido Gang. Hindi naman naniniwala ang mismong hepe ng Trafcom sa mga alegasyon.

Gayunman, pina-i-imbestigahan pa rin ni PNP Chief Recaredo Sarmiento ang mga alegasyon.

Back to Top


Kuratong connections ibinulgar ng isang DPA

ANG OPERASYON laban sa Kuratong Solido Gang ay isinagawa ng grupo ni Chief Inspector Renato Laurinaria ng Traffic Management Group. Ito'y sa kabila ng umano'y matinding pressure mula sa mga sinasabing protektor ng grupo sa loob ng PNP at militar.

Nagsimula ito ng kanilang maka-enkwentro ang Solido Gang sa tapat ng Lexus noong Oktubre ng nakaraang taon.

Ayon kay agent Joy, ang Deep Penetration Agent na ginamit para makakalap ng impormasyon sa Solido Gang, bago nagkaroon ng enkwentro sa Lexus ay nanggaling sa nightclub ang mga Kuratong, kasama ang dalawang heneral at kinilala niya ang mga ito.

Isang miyembro ng Kuratong na dinala sa PNP Hospital ay nawala kinabukasan. Ayon kay agent Joy, isang miyembro ng Traffic Management Group ang dumukot ng record ng suspek. Matapos ang ilang araw, hinuli si Laurinaria.

Ayon kay General Reynaldo Wycoco, nang-extort ito ng mahigit sa P50,000.

Ayon naman sa Chief Inspector, tinira siya dahil sa panahong iyon ay nalalansag na niya ang Kuratong.

Sinabi ni agent Joy na noong Disyembre, ang Kuratong ay nagkaroon ng party sa isang resort sa Laguna. Isang dating heneral naman ang dumalo dito. Ayon pa kay agent Joy, ang lahat ng impormasyon na ito ay naipasa niya sa PNP Chief, bago pa ang raid sa Kuratong safehouse.

Hinamon naman ni Sarmiento ang agent na magbigay ng ebidensiya. Base sa impormasyon mula kay agent "Joy", naka-ugat na rin ang sindikato sa Judicary, LTO, at DILG. Sangkot rin ang ilang mga negosyante. Aniya, mayroon nang tigka-kalahating milyong piso para sa ulo niya at ni Chief Inspector Laurinaria.

Back to Top


Tatlong Heneral ng PNP iimbestigahan

IIMBESTIGAHAN ng Senado ang umano'y pagbibigay-proteksiyon ng tatlong heneral ng PNP sa Kuratong Baleleng Solido Gang. Nangangamba ang mga senador na nagagamit ng sindikato ang intelligence information ng PNP sa kanilang operasyon.

Dalawa sa mga nabanggit na heneral ay sinasabing malapit kay Pangulong Ramos. Ito ang umano'y naging pasaporte nila upang makuha ang mataas na posisyon sa PNP.

Si Chief Superintendent Leandro Mendoza ay graduate ng Philippine Military Academy Class 69. Isa siya sa senior aide ni Pangulong Ramos nang hepe pa ang pangulo ng Philippine Constabulary.

Si Chief Superintendent Hermogenes Ebdane ay isa rin sa mga naging aide ni Pangulong Ramos. Siya ay mula PMA Class 71. Siya'y naging hepe ng Western Police District matapos magsilbi sa Presidential Security Group.

Si Chief Superintendent Reynaldo Wycoco ay PMA Class '68. Itinalaga siyang puno ng Police Assistance Reaction Against Crime (PARAC) sa ilalim ng DILG, at ngayo'y hepe ng Task Force Dragon na responsable sa paglutas sa mga kidnapping.

Sina Chief Superintendents Mendoza, Wycoco at Ebdane ay sinasabing malalakas na kandidato sa pagkapinuno ng Philippine National Police, at kung masusunod ang tradisyong seniority, isa sa kanila ang papalit kay Director General Recaredo Sarmiento.

Mahigpit na itinanggi nina Wycoco at Mendoza ang mga akusasyon. Minaliit ito ni Mendoza at itinuring lamang niya itong isang masamang biro.

Duda naman si Wycoco na merong mas malalim na motibo sa pagkakasangkot sa pangalan nilang tatlo nina Mendoza at Ebdane.

Sinikap ng ABS-CBN News na kunin ang panig ni Ebdane subalit ito'y nasa London ngayon. Nababahala ang Senado sa pagkakatukoy sa tatlong heneral. Binalewala naman ni Pangulong Ramos ang ulat ngunit ini-utos na rin niyang masiyasat ito.

Back to Top


Solido Gang walang kinalaman sa aking kandidatura - Erap

ITINANGGI ni Bise Presidente Joseph Estrada na may kinalaman ang mga kidnapping at robberies ng Solido Gang para sa kanyang kandidatura.

Matapos ang pahayag ni Estrada na muling bubuhayin ang Presidential Anti-Crime Commission (PACC) para mapuksa ang kriminalidad, sinabi naman ng National Bureau of Investigation (NBI) na maaring mas maging makapangyarihan sila kaysa sa Philippine National Police sa paglaban dito.

Ito'y kung lalagdaan ang Senate Bill 435 at 1061, na magbibigay ng eksklusibong awtorisasyon sa NBI na mag-imbestiga at mag-"prosecute" ng mga suspects sa mga karumal-dumal na krimen.

Nais din ng NBI na matukoy ang mga kasong dapat nilang hawakan.

Gayunman, nangangailangan ang NBI ng 5,000 mahuhusay na tauhan para matugunan ang dumaraming kriminalidad.

Samantala, unti-unting naglalaho ang pag-asa ng mga opisyal ng PNP na naunang nasangkot sa Kuratong Baleleng rubout na mabibigyan sila ng patas na paglilitis. Ito'y matapos pagtibayin ngayon ni Pangulong Ramos bilang isang batas ang Republic Act 8249 na maglalagay sa ilang ranggo ng militar at PNP sa hurisdiksiyon ng Sandiganbayan.

Matatandaang sa dating batas, pinayagan nang malitis ng Quezon City Regional Trial Court ang kaso nina Lacson. Inakusahan ng mga opisyal ang Malakanyang ng pakikipagsabwatan sa mga mambabatas.

Back to Top


Tatlong anggulo sa Bishop De Jesus murder sinusuri

TATLONG anggulo ang pinag-aaralan ngayon ng mga nag-iimbestiga sa pagkakapaslang kay Jolo Bishop Benjamin de Jesus. Naniniwala si PNP Chief Recaredo Sarmiento na malulutas ang kaso sa loob ng isang linggo.

Kinondena ng National Council of Churches in the Philippines ang pagpatay kay Bishop de Jesus. Nanawagan din ang NCCP sa pamahalaan na agad bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng Obispo.

Ayon kay Bishop Roman Tiples Secretary-General ng NCCP, ang pagpatay kay Bishop de Jesus ay tanda ng muling paglala ng peace and order situation sa bansa. Nangako naman si Pangulong Ramos na agad malulutas ang krimen.

Ang pagkakapaslang kay Bishop de Jesus ay isang malaking pagkawala sa mga Badjao ng Sulu. Nagkakaisa ngayon ang mga Muslim at Kristyano sa lalawigan para mahuli ang salarin. Ipinatutupad ngayon ng militar ang gun ban sa Jolo, Sulu.

Ayon kay Marine Forces Commander Brig. Gen. Edgardo Espinosa, ilang checkpoints din ang kanilang inilagay sa ilang lugar sa munisipalidad. Kilala ang Sulu, kung saan parang laruan na lamang sa mga residente ang baril.

Back to Top


Digmaan-relihiyon nagbabadya

NAGBANTANG maglunsad ng "digmaang-relihiyon" ang mga Muslim kung hindi mai-"impeach" sina Supreme Court Chief Justice Andres Narvasa at Associate Justice Josue Bellosillo.

Dahilan ito sa pagbibigay nina Narvasa at Bellosillo sa Iglesia Ni Kristo ng limang ektaryang lupain sa Culiat, Tandang Sora, Quezon City.

Ayon sa mga Muslim, kanila ang naturang lupain dahil donasyon ito sa kanila ng Libyan Government. Ang impeachment complaint ay isinampa nina Attorney Blo Umpar Adiong at Mosib Bubong sa House Secretary General kaninang umaga.

Isang paksyon umano ng mga Muslim ang nagbenta ng lupain sa Iglesia Ni Kristo. Subalit ang pinang-hahawakan lang umanong dokumento ng Iglesia ay isang "conditional deed of sale".

Samantala, sinalakay ng buong puwersa ng WPD Swat Team ang Muslim area sa Isla Malaki, Baseco Compound sa Port Area, Manila. Ito'y matapos muntik sumiklab ang kaguluhan sa naturang lugar sa pagitan ng umano'y mga Muslim at Kristiyanong sangkot sa illegal drug trafficking.

Nagsagawa ng house-to-house saturation drive ang grupo sa pinagtataguan umano ng mga armadong grupo. Nakakuha ang Swat ng shabu at parapernalya sa isang abandonadong bahay na pag-aari umano ng isang "Abs", lider ng isang Muslim gang.

Back to Top


National Patrimony kukuwestiyunin ng Malakanyang

KUKUWESTIYUNIN ng Malakanyang sa Korte Suprema ang isyu ng "national patrimony" sa kaso ng Manila Hotel.

Inatasan na ni Pangulong Ramos ang Office of the Solicitor General na linawin sa Korte Suprema kung ano ang nasasakupan ng "national patrimony".

Ayon naman kay Manila Prince Hotel President at Legal Counsel Adolf Azcuna, hindi pa pinal ang desisyon ng Korte Suprema sa pagbebenta ng bahagi ng Manila Hotel. Anya, maari pa ring mag-apila ang gobyerno sa loob ng 15 araw mula nang ilabas ang desisyon.

Samantala, sa year 2007 pa tataas ang singil sa tubig. Ayon kay Metro Manila Waterworks and Sewerage System(MWSS) Administrator Angel Lazaro, 10 taon pa mula ngayon bago tumaas ang water rates. Nilinaw niya na ang gobyerno ang magpapatupad nito at hindi ang concessionaires na nanalo sa MWSS bidding.

Sa pagdinig ng Senado, inamin naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary at MWSS Board Chairman Gregorio Vigilar, na magkaroon ng "nominal water rate increase" sa susunod na taon dahil naman sa pagtaas ng inflation at adjustment sa foreign currency.

Inaalam ng Senado ang "computation" na ginamit sa pagtataas ng water rate para protektahan ang publiko.

Back to Top


Aids victim kakasuhan ng child abuse

KAKASUHAN ng Justice Department ng kasong child abuse si AIDS victim Sarah Jane Salazar, dahil sa pakikipag-relasyon sa 16 anyos na si Che-Che Atizado.

Ayon kay Senior State Prosecutor Hernani Barrios, sasampahan si Salazar ng four counts ng child abuse dahil sa pisikal na pang-aabuso at pakikipagtalik nito sa isang menor de edad.

Sakaling madiin sa mga nasabing kaso si Sarah, irerekomenda ng prosekyusyon ang piyansang P120,000. Maari pa siyang makulong ng hanggang 42 taon.

Back to Top


Mga pulis Maynila palyado na

LABING-PITO lamang sa 107 pulis Maynila ang nakapasa sa "proficiency firing test" na ibinibigay sa mga tauhan ng Western Police District kahapon.

Ang nasabing test ay isang pagsubok sa kakayahan ng 3,000 WPD policemen na magpaputok at makatama sa kanilang target. Sa 83 mga "enlisted personnel" na bumaril, 11 lamang ang pumasa.

Samantalang sa panig ng mga opisyal, anim lang ang pumasa sa 24 na kumuha ng test.

Ayon naman sa ilang pulis na bumagsak, pang-professional daw ang firing range at napakalayo ng mga targets kung kaya't mahirap tamaan ito.

Back to Top


Buhay ng mag-amang Revilla pinagtangkaan

SASAMPAHAN ng mga kasong tangkang pagpatay at pang-aabuso sa tungkulin ang 14 na pulis ng Imus, Cavite, sa pamumuno ni Senior Inspector Omega Jireh Fidel.

Sinabi ni Cavite Vice Governor Ramon "Bong" Revilla Jr., na may mga indikasyon na hindi operasyon laban sa droga ang pakay ng grupo ni Captain Fidel kundi ang buhay niya at ni Senator Ramon Revilla.

Pinabulaanan naman ni Imus Mayor Ireneo Maliksi na may kinalaman siya sa umano'y tangkang pananambang sa mag-amang Revilla. Bagama't hindi binanggit ang pangalan ni Maliksi, may palagay ang mayor na siya ang pinatutungkulan sa mga balita.

Binigyang-diin ni Sr. Insp. Fidel na lehitimo ang isinagawa nilang anti-drug operation noong Huwebes. Aniya, tumanggap sila ng ulat na may bilihan ng droga sa loob ng Angelus Memorial Garden na sangkot ang isang Taiwanese.

Kinuwestiyon naman ni Bong Revilla ang motibo ng operasyon. May hinala si Revilla na ang tangkang ambush ay may kaugnayan sa pinag-ibayo niyang kampanya laban sa droga.

Nagpahiwatig si Maliksi na protector din ng drug pusher si Sen. Revilla. Ayon kay Mayor Maliksi, gumaganda na ang imahen ng Imus sa mata ng mga local at foreign investors at ang paglalarawan sa Imus bilang isang war zone ay malaking balakid sa pag-unlad ng kanilang bayan.

Back to Top

Go Back To News Service Index