Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 02/11/97
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

RAPE CONVICT NAGMAMAKAAWA KAY PANGULONG RAMOS
DENTAL CHECK-UP NI JALOSJOS PWEDENG GAWIN SA LOOB NG MCJ
57 KILOS NG SHABU NASAMSAM; 3 DAYUHANG TRAFFICKERS TIKLO
PANGULONG RAMOS NA-STROKE?
MGA SENADOR, NILILIGAWANG NG MALAKANYANG
ISANG CON-CON PARA SA KONSTITUSYON - PHILCONSA
TAKBO PARA SA KAPAYAPAAN
2 DOKTOR, SABIT SA MEDICAL MALPRACTICE
KAKAIBANG TAXI


Rape convict nagmamakaawa kay Pangulong Ramos

HINILING ng sentensiyadong si Leo Echegaray kay Pangulong Ramos na patawarin na siya at ibaba na lamang sa habambuhay na pagkabilanggo ang kanyang parusa.

Ito ang nakasaad sa isang sulat na ipinadala niya sa Pangulo. Si Echagaray ay nakatakdang ma-lethal injection ngayong darating na Agosto.

Kasabay nito, tatlong mga propesyonal ang nag-apply bilang berdugo sa death chamber ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa. Unang-unang masasalang sa bagong death chamber si Leo Echegaray, nahatulang nang-rape sa kanyang 10 taong gulang na anak noong 1992. Ayon kay Superintendent Juanito Leopando, tanging ang pagpapaganda na lamang sa labas ng chamber o ang landscaping ang tinatapos.

Ilang beses nang sumulat si Echegaray kay Barangay Chairman Martin Dinio para iparating ang lahat ng sama ng loob niya. Aniya, si Dinio ang nag-udyok sa kanyang asawa na mag-reklamo.

Samantala, isang protestanteng ministro, isang doktor, at isang dentista ang nag-apply sa Muntinlupa bilang berdugo sa lethal injection chamber sa loob ng nasabing piitan.

Ayon kay Prisons Director Vicente Vinarao, ang tatlo ay sumulat sa kanya matapos nilang malaman na nangangailangan ng "plebotomist" o ang mag-iinjection sa inmate sa loob ng death chamber. Tumanggi si Vinarao na ibigay ang pangalan ng tatlo dahil confidential ito.

Napag-alaman ng ABS-CBN News na ang doktor ay nakatira sa Cotabato City, habang ang dentista at ang ministro ay naninirahan sa labas lamang ng Metro Manila. Ayon sa Republic Act 8177, labag sa mga medical professionals na bawian ng buhay ang isang tao.

Handang-handa na raw ang Bureau of Prisons para sa gaganaping execution sa darating na Agosto. Hinihintay na lamang nila ang court order mula sa hukuman para sa nakatakdang araw.

Back to Top


Dental check-up ni Jalosjos pwedeng gawin sa loob ng MCJ

HINAHARANG ng prosecutors ang panibagong balak ni Congressman Romeo Jalosjos na makapagpa-check-up sa kanyang dentista.

Sinabi ni Assistant Chief State Prosecutor Leonardo Guiyab, na hindi dapat payagan ni Makati Regional Trial Court Judge Roberto Diokno na makalabas ng kulungan si Jalosjos dahil hindi naman matindi o delikado ang kalagayan ng mambabatas.

Binigyan naman ni Diokno ng 24 oras ang Makati Health Department at si Bureau of Jail Management and Penology doctor, Abraham Abellla, para tugunin ang pahayag ng prosekyusyon.

Samantala, mayroon hanggang sa susunod na Martes si Jalosjos para humarap sa House ethics committee para ibigay ang kanyang panig sa posible niyang suspensyon.

Sinabi naman ni committee chairman Egmidio Bondoc, na maaaring sa Makati City Jail na sila magsagawa ng pagdinig kung hindi papayagan ng korte na makalabas ng kulungan si Jalosjos.

Back to Top


57 kilos ng shabu nasamsam; 3 dayuhang traffickers tiklo

NASAMSAM ng Western Police District ang 57 kilo ng high-grade shabu sa isang buy bust operation sa Ermita, Manila.

Kasabay nito, tatlong dayuhang pinaniniwalaang sangkot sa Hong Kong Triad ang bumagsak din sa kamay ng mga awtoridad.

Matapos ang dalawang buwang surveillance ng WPD Manila City Hall Detachment, nadakip sina Jorge Wong, isang Hong Kong national, at mga Taiwanese na sina Chou Su Seng at Liang Mang.

Unang nadakip si Wong sa isinagawang buy bust operation ng grupo ni Chief Inspector Carlos Baltazar.

Ayon sa intelligence report, isinasagawa ang negosasyon sa pagbebenta ng shabu sa Orosa Street, Ermita, sa harap ng Casino Pilipino. Nakuha kay Wong ang 150 gramo ng shabu. Sa interogasyon, itinuro ni Wong ang dalawa pang kasama.

Isa pang buy bust operation ang isinagawa sa parking lot ng Diamond Hotel kung saan nakuha sa oto ni Chou ang mahigit 50 kilo ng shabu. Di-umano, ang shabu ay ididiliver sa iba't-ibang parte ng Metro Manila.

Tinatayang mahigit P100 milyon ang halaga ng high grade shabu. Ang grupo umano ay miyembro ng big time illegal drug syndicate na Hong Kong Triad.

Samantala, pinaghahanap ng Bustos, Bulacan police ang 25 kalalakihan na nakatakas sa Rodaphil Foundation Treatment, isang drug rehabilitation center.

Base sa report, 50 pasyente ang tumakas dakong alas 10:00 ng umaga habang binibigyan sila ng merienda. Agad nahuli ang kalahati. Karamihan sa mga nakatakbo ay mula Nueva Ecija at Metro Manila.

Back to Top


Pangulong Ramos na-stroke?

UMUGONG ngayon ang mga balitang nag-collapse si Pangulong Ramos dahil sa mild stroke. Nguni't mahigpit itong itinanggi ng Malakanyang.

Diumano, nagsimula ang higing sa Senado, dahilan upang umusok ang mga linya sa Malakanyang. Na-delay ang pulong ng gabinete ngayong hapon at naging kapuna-puna umano ang pagkukumpol ng mga elemento ng Presidential Security Group sa Palasyo.

Gayunman, pinabulaanan ito ni National Police Chief Recaredo Sarmiento na dumalo sa isang seremonya doon at maging ni PSG Chief, Brig. Gen. Jose Calimlim.

Ayon kay Sarmiento, wala naman siyang napunang kaka-iba sa pagkilos ng Pangulo.

Back to Top


Mga Senador, nililigawang ng Malakanyang

ISA-ISA nang nilalapitan ng Malakanyang ang mga senador upang kumbinsihing pumayag sa planong pagbabago sa Konstitusyon. Sa Kongreso naman, iniipit na rin umano ng Palasyo ang pagpapalabas ng pondo.

Ayon sa ilang mga source sa Lakas-NUCD, iniipit ng Department of Budget ang huling installment ng kanilang mga "pork barrel" funds para sa taong nakaraan. Kada punta nila kay Budget Secretary Salvador Enriquez, ipinapaalala niya na maiipit ang pera oras na kontrahin nila ang planong amyenda sa Konstitusyon.

Ayon kay NPC Congresswoman Daisy Avance Fuentes, hindi naman siguro namumulitika si Enriquez. Tuloy pa rin ang oposisyon ng NPC laban sa charter changes kahit alam nila ang kanilang limitasyon. Kung anu-anong scenario ang malilikha kung hindi matutuloy ang gusto ng administrasyon.

Ngunit hati rin ang NPC sa kanilang posisyon. Si Congressman Romeo Salalima ay naghain ng resolusyon na naglalayong amyendahan ang Saligang Batas upang ma-regionalize ang senatorial elections.

Inamin na rin ng ilang senador na bumaligtad na ang ilang kasamahan nila na dating tutol sa pag-amyenda sa Konstitusyon. Anila, tumitindi ang "pressure" mula sa Malakanyang.

Maraming kongresista ang naniniwalang tuloy-tuloy na ang charter changes, lalo na at na-veto ng Pangulong Ramos ang isang probisyon sa 1997 budget na nagsasabing hindi maaaring i-realign ang anumang pondo para sa charter changes.

Kinilala ni Speaker Jose de Venecia ang "prerogative" ng Pangulo na mag-veto sa anumang panukalang-batas.

Back to Top


Isang Con-Con para sa konstitusyon - PHILCONSA

ISUSULONG naman ng Philippine Constitutional Association o Philconsa, ang isang constitutional convention para sa pag-amyenda ng Konstitusyon.

Ayon sa Philconsa, ito ang kundisyon nila bago isulong ang pagbabago sa Saligang Batas. Tinanggap ng Philconsa ang hamon ng Pangulong Ramos; pamunuan ang pag-amyenda sa Saligang Batas. Ang Philconsa ay samahan ng mga abogado na nagbabantay sa Saligang Batas.

Ayon sa pangulo nito, kikilos lamang sila kung papayag ang Pangulo sa isang Constitutional Convention. Bagamat hindi pa gaanong plantsado ang plano, posibleng umpisahan ang kampanya sa Abril. At sa Mayo, isasabay sa barangay elections ang halalan para sa mga kinatawan ng mga congressional districts. Sa huling buwan ng taong ito ang plebesito.

Kinatigan ito ni Fr. Joaquin Bernas. Tutol naman ang simbahan sa anumang pagbabago sa Saligang Batas.

Ayon naman sa Comelec, bukod sa magastos na ang Con-Con, hindi na nila ito kakayanin pa. Naniniwala ang Philconsa na posibelng mabuo ang Constitional Convention bago ang halalan sa 1998. Ito ay kung mabilis na ipapasa ng Kongreso ang batas para dito at may sapat na pondo ang pamalahaan para sa nasabing political exercise.

Nagbabala rin ang Philconsa na mapanganib ang balak ng Malakanyang na pakialaman ang judicial power ng Korte Suprema.

Ayon kay Philconsa President Exequiel Garcia, nagsisilbing taga-balanse ang Korte Suprema sa kilos ng Palasyo. Kung mawawala ito ay mistula na ring isang diktadura ang iiral na administrasyon.

Back to Top


Takbo para sa kapayapaan

MAGLULUKSA ang mga paaralang Katoliko sa araw ng libing ni Jolo Bishop Benjamin de Jesus sa Valentine's Day.

Bukod sa mga misa, ilang aktibidad din ang isasagawa sa mga Catholic Schools bilang pag-kondina sa karumal-dumal na pagpatay sa obispo. Naniniwala ang mga opisyal ng simbahan na may malalim na motibo sa pagpatay kay Bishop De Jesus.

Samantala, isang bagong sandata para makamit ang kapayapaan ang sinimulan kaninang umaga ng ilang kinatawan ng mga grupong relihiyon.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsama-sama ang ilang pari, pastor, seminarista at ilang sibilyan para tumakbo para sa kapayapaan. Madilim pa nang magsimulang tumakbo ang grupo. Mula sa University of the Philippines ay tumakbo ang grupo hanggang Luneta.

Si Fr. Robert Reyes ng U.P. Parish Church, ang nag-organisa ng "Run for Peace". Alay hindi lamang para sa kapayapaan ang takbo kundi para rin sa napaslang na obispo ng Jolo, si Bishop Ben de Jesus. Naniniwala ang mga lumahok na ang kapayapaan ay di imposibleng makamit.

Ayon pa kay Fr. Reyes, ang mga pagtakbong kagaya nito ay magpapatuloy. Sa ganitong paraan man lang ay makatulong sila para makamit ang kapayapaan para sa lahat ng Pilipino.

Back to Top


2 doktor, sabit sa medical malpractice

DALAWANG doktor sa Medical Center Paranaque ang maaring makulong at mawalan ng lisensya matapos itong ireklamo ng isang ginang dahil sa "medical malpractice".

Unang nagpakunsulta kay Dra. Carmen Perez si Elenita Torres, isang businesswoman, noong December 5. Ayon sa doktora, may bukol ang kanyang kaliwang ovary at kailangan itong tanggalin agad.

Disyembre 10, ng itakbo ng kanyang asawa sa Medical Center Paranaque si Elena dahil sa matinding pananakit ng kaliwang bahagi ng kanyang tiyan.

Matapos ang isinagawang operasyon ay hindi pa rin nawala ang sakit kung kayat' muli siyang inoperahan ng mga doktor.

Sa halip na gumaling ay lalo pang grumabe ang kondisyon ni Elena. Sa ikatlong beses na pagbalik nito sa ospital, ay hindi na sila hinarap pa ng mga doktor. Sa takot na mamatay ang kanyang asawa ay dinala niya si Elena sa Philippine General Hospital sa Maynila. Dito nila nalaman ang buong katotohanan.

Batay sa medical records ng PGH at Manila Doctors, normal ang kanang ovary ni Elena, at ang bukol na nakita ng mga doktor sa Medical Center Paranaque ay ang nagbuhol-buhol na bituka ni Elena. Namamaga rin ang apdo ni Elena. Hindi makita ng mga doktor ang kaliwang ovary ni Elena dahil sa natatakpan ito ng buhol-buhol na bituka. Sinikap kunin ng ABS-CBN News ang panig ng mga doktor, subalit wala na sila sa kanilang klinika.

Back to Top


Kakaibang taxi

KAPAG kantahan ang pinag-usapan, di padadaig ang mga Pinoy. Nagsulputang parang mga kabute ang mga sing-along joints, karaoke at videoke bars. Kaya naman pati taxi ay naki-ride na rin.

Ang pagkanta ay bahagi na ng buhay ng pangkaraniwang Pinoy. Sa paghehele kay beybi, kapag dumidiskarte, sa mga simpleng kasayahan, o kahit sa CR, kapag nais nating guminhawa ang pakiramdam.

Sa dami ng mga karaoke at videoke bars ngayon na patok sa panlasang Pinoy, ano nga ba ang bago?

Si Cris ay isang taxi driver at ito ang kanyang taxi, ang Mary Lord taxicab. Anong say mo sa top-of-the-line videoke system na ito? Di ba cool? At kung ang boses n'yo naman ay parang pinupunit na yero, no problem, pag-tripan mo na lang ang mga pelikula ala-HBO.

At "zero backlog" din sa taxing ito. Kaunting charge lang sa cellfone at may "line to heaven" ka na. Marami nang taxi, matindi ang kumpetisyon, kaya ang sagot: bagong gimik.

Pero paalala lang sa pasahero. Kung videoke ay libre, hindo po ang pamasahe.

Back to Top

Go Back To News Service Index