Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 02/17/97
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

2 PANG BANGKAY SA NAG-CRASH NA EROPLANO NATAGPUAN
EROPLANONG SINAKYAN NI BISHOP ANTONIO BINARIL - AOPA
ABU SAYYAF NAGRE-RECRUIT NG MGA BAGONG MIYEMBRO
PROTESTA LABAN SA CHARTER CHANGE PANGUNGUNAHAN NI CORY AT ERAP
SEC. TORRES PINAGBIBITIW SA TUNGKULIN
MAKASAYSAYANG KUWEBA NASIRA DAHIL SA TREASURE HUNTING
MIGUEL DI TOTOONG NAGPAKAMATAY - RODRIGUEZ FAMILY
KASO LABAN KAY JALOSJOS IPINABABASURA
NIGHT SPOTS SA QC IKINANDADO
2-TAONG GULANG NA MOUNTAINEER!


2 pang bangkay sa nag-crash na eroplano natagpuan

DALAWA sa anim kataong sakay ng sumabog at bumagsak na eroplanong Beechcraft Baron ang nakuha na ng Philippine Coast Guard sa karagatan ng Naic, Cavite.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakukuha ang labi ng apat na iba pang pasahero.

Ang mga bangkay ay natagpuan kaninang umaga ng Philippine Coast Guard na lulutang-lutang sa karagatan ng Naic, Cavite.

Hangos ang mga kamag-anakan, kaklase, at ka-trabaho sa daungan ng Coast Guard sa pangambang ang na-recover na katawan ay dalawa sa anim na sakay ng six-sitter plane na Beechcraft Baron na pag-aari ng Airlink. Hindi agad ipinakita ito sa pamilya dahil halos ay kalas na ang katawan ng mga biktima.

Sa pamamagitan ng suot na singsing sa kaliwang kamay, nakilala ang isa sa mga nasawi na si Roselyn Manalo, 30, ng Airlink Flight Operations. Nakilala naman ang Centro Escolar University (CEU) Tourism student na si Arvin Baniquit sa pamamagitan ng kanyang underwear.

Pansamantalang itinigil ng Coast Guard ang paghahanap sa nalalabi pang sakay ng eroplano na nakilalang sina Christopher Llamas, ang piloto ng eroplano; Ian Laguatan, student pilot; Myrna Bautista, ng Finance Department ng Airlink at isa pang on-the-job trainee (OJT) na si Alfredo Uy.

Ang eroplano ay nakita ng ilang mangingisda na bumulusok sa karagatan ng El Praile Island at Corrigidor, Bataan. Galing ito ng Mindoro pabalik na ng Maynila. Pinangangambahang ang iba pang biktima ay nasa ilalim pa ng dagat kasama ng eroplano. Panalangin ng pamilya na sana sila ay nakaligtas.

Back to Top


Eroplanong sinakyan ni Bishop Antonio binaril - AOPA

BINARIL ang eroplanong sinakyan ni Bishop Antonino Nepomuceno pag take-off nito sa Jolo kaya ito bumagsak.

Ito ang ini-ulat ng Aircraft Owners and Pilots Association batay sa sarili nilang imbestigasyon. Ngunit hindi naniniwala ang simbahang Katoliko rito.

Pitong beses binaril ang Beechcraft RPC 1919 pagka-take-off nito sa Patikul Airport sa Jolo noong Biyernes. Ito ang napag-alaman ng AOPA na nagsagawa ng sarili nilang imbestigasyon sa insidente.

Bukod kay Bishop Nepomuceno, nasawi rin sa trahedya ang dalawang tauhan ni Senador Francisco "Kit" Tatad na sina Edison Tamondong at Edwin Ponce de Leon.

Napilitang sumakay sina Nepomuceno sa eroplano dahil napuno ang regular Philippine Airline flight noong araw na inilibing si Bishop De Jesus.

Unang nai-ulat na pinilit ng piloto ng eroplano na lumipad sa ibang direksiyon kabila ng pagtutol ng control tower.

Hindi naniniwala ang Catholic Bishop's Conference of the Philipines na sinabotahe ang eroplano.

Nakatakdang ilibing si Bishop Nepomuceno sa Cotabato City subalit wala pang eksaktong petsa habang hinihintay pa ang desisyon ng mga kapatid na uuwi galing Amerika.

Pansamantala, ang labi ni Bishop Tony ay nakahimlay sa Our Lady of Grace Parish sa Kalookan City.

Mahabang panahon ang inilagi ni Bishop Tony sa Cotabato City sa kanyang paglilingkod para sa simbahan kaya't doon siya ililibing.

Nagtungo na kaninang umaga sa Jolo ang tatlo kataong "team" na binubuo nina Senior Aviation Safety Regulatory Officers Ernesto de Leon, Tranquillano Nictao at Captain Virgilio Bergonio para imbestigahan ang insidente. Inaasahang malalaman na bukas ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano.

Back to Top


Abu Sayyaf nagre-recruit ng mga bagong miyembro

PATULOY ang pagre-recruit ng Abu Sayyaf ng mga bagong miyembro sa Basilan, sa pangunguna ng kanilang lider na si Abdurajak Janjalani.

Batay sa report, naaakit ang ilan na sumanib sa rebeldeng grupo dahil sa alok na salapi.

Ayon sa mga residente ng Basilan, lumalawak na ang puwersa ng Abu Sayyaf dahil sa kapabayaan ng mga lokal na opisyal ng gobyerno.

Magugunitang ang mga Hayudini, pangunahing suspek sa pagpatay kay Bishop Ben de Jesus, ay dating miyembro ng Abu Sayyaf.

Umaasa naman si Basilan Governor Gerry Salapudin, na mapahina ang recruitment kapag natuloy ang paglagda ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa isang kasunduang pangkapayapaan.

Samantala, dahil sa walang judge sa Jolo, Sulu, karamihan sa mga nahuhuli ng mga awtoridad ay hindi nakakapagpiyansa at nabubulok na lamang sa kulungan.

Ang pagpaslang kay Bishop De Jesus ay di na bago sa mga taga-Jolo. Ito'y dahil sa walang sinusunod na batas rito. Pati ang di pagpiyansa sa mga suspeks ay pangkaraniwan na rin. Wala ring huwes na maglilitis sa anumang kaso.

Si Adapit Apsan, 20, ay hinuli dahil sa pananampal ng kanyang girlfriend. Siya ay tatlong linggo na sa kulungan. Ang 12-taong gulang na si Ferdinand Dama naman, ay na-aresto ng mga awtoridad dahil sa pagnanakaw. Labing dalawang araw na rin siyang nakakulong.

Hulyo pa ng 1996, ng umalis ang judge sa naturang bayan dahil sa nanganganib anila ang buhay nito.

Sa kasalukuyan, 15 na ang nakakulong sa nasabing selda at wala na itong pag-asang makalaya ng pansamantala.

Ayon pa kay Chief Inspector Jalad, dahilang patong-patong na ang kaso, pati ang hepe ng pulisya ay tumatayo na rin bilang prosecutor dahil sa kakulangan ng abogado. Hindi naman maaring kasuhan ng illegal detention ang mga pulis dahil nakasampa na ang kaso sa korte at problema na ito ng hukuman.

Back to Top


Protesta laban sa charter change pangungunahan ni Cory at Erap

PANGUNGUNAHAN nina dating Pangulong Cory Aquino at Vice President Joseph Estrada ang mga kilos protesta laban sa mga tangkang pag- aamyenda sa Konstitusyon.

Nababahala na rin ang simbahan sa umano'y planong pagtatatag ni Pangulong Ramos ng diktadura ngunit pinawi ng Pangulo ang mga pangambang ito.

Handang manguna si dating Pangulong Cory Aquino sa mga kilos protesta laban sa mga planong pagbabago sa konstitusyon na aniya'y makapaghahati lamang sa bansa.

Ipinaalala ni Mrs. Aquino ang huling pagkakataong pumayag ang mga Pilipinong magtagal sa puwesto ang isang presidente na nauwi sa pagkawala ng demokrasya sa bansa.

Kinatigan din ito ni Vice President Joseph Estrada. Dapat aniya'y sundin na lang ni Pangulong Ramos ang yapak ni Mrs. Aquino na hindi nakinig noon sa mga nag-uudyok sa kanya.

Bagama't nangangamba, wala namang plano ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na maki-isa sa mga kilos protestang binabalak ng mga pulitiko laban sa charter change.

Itinanggi naman nina Presidential Management Staff Chief, Alexander Aguirre at Defense Secretary Renato de Villa ang umano'y panibagong banta ng kudeta.

Bago siya bumalik ng Maynila, kinuwestiyon naman ng Pangulong Ramos ang kredibilidad ng mga nagdududa sa kanyang katapatan sa demokrasya. Aniya higit na niyang napatunayan ito kaysa sa kanila.

Back to Top


Sec. Torres pinagbibitiw sa tungkulin

PATAY na ang mga planong buuin ang Kongreso bilang isang constituent assembly para amyendahan ang Konstitusyon.

Ibinasura ng 19 na senador ang plano at binatikos ng mga ito ang umano'y lihim na mani-obra ng Malakanyang para itulak ang pagbabago ng Saligang Batas.

Samantala, pinagbibitiw nina Vice President Joseph Estrada at Senate President Ernesto Maceda si Executive Secretary Ruben Torres sa tungkulin.

Ayon kay Maceda, dapat ay naging maingat sa paglalabas ng pahayag si Torres bilang "alter-ego" ng Pangulo. Tinawag naman ni Estradang iresponsable ang pagbibigay ni Torres ng sarili nitong opinyon.

Hihilingin naman nina Lakas Senators Juan Flavier at Leticia Ramos-Shahani na magpaliwanag sa harap ng partido si Torres.

Back to Top


Makasaysayang kuweba nasira dahil sa Treasure hunting

BUKOD sa mga nasisiraan ng isip dahil sa paghahanap ng sinasabing Yamashita treasure, nasisira din mismo ang ilan sa likas na yaman ng bansa.

Isa na dito ang kuweba ng Pamitinan sa Montalban, Rizal. Mabato at magubat ang lugar na ito sa Montalban. Parte ito ng pambansang kasaysayan. Ito rin ang binabanggit na alamat ng nag-uumpugang bato na pinigil ni Bernardo Carpio.

Dito sa Pamitinan Cave sa Montalban, Rizal sinasabing naganap ang unang sigaw ng Katipunan. Sa mga batong ito isinulat nina Andres Bonifacio at ng Katipunan ang deklarasyon na labanan ang pamahalaang Espana.

Umaabot hanggang sa 1880 ang mga sulat sa kuweba, mga tanda na ito ay pugad ng rebolusyon. Daan-daang mga sundalong Hapon ang nagtago rin dito, hanggang sa nagpakamatay sa pagtapos ng World War II.

Dahil dito, marami ang naghuhukay sa paniwalang nagbaon ng kayamanan ang mga Hapon, at nasisira tuloy ang kuweba. Sinisira ang mga kuweba sa kabila ng proklamasyon ng Pangulong Ramos na ito'y isang protected area.

Bukod dito, may mga pribadong grupo na umaangkin sa kuweba. May mga titulo silang ipinapakita sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Back to Top


Miguel di totoong nagpakamatay - Rodriguez Family

SA ISANG linggo pa malalaman ang resulta ng otopsiya ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bangkay ng namatay na aktor na si Miguel Rodriguez.

Ayon sa pamilya ni Rodriguez, hindi totoo ang mga espekulasyon na nagpakamatay si Miguel. Nakiusap ang pamilya at mga kaibigan ng yumaong aktor sa media na tigilan na ang mga haka-haka sa kanyang pagkamatay.

Ayaw pa ring humarap ang pamilya Rodriguez sa media. Pero ayon sa isang kamag-anak na nakausap ng ABS-CBN News, talagang collapse of the pancreas ang dahilan ng pagkamatay ni Miguel.

Ito'y batay sa eksaminasyon ng kanilang family doctor na unang tumingin sa aktor na natagpuang patay sa kanyang townhouse sa Las Pinas noong Valentines Day. Nananatiling off limits sa media ang burol ni Miguel sa simbahan ng San Heronimo sa Alabang.

Ayon sa habilin ng aktor nung buhay pa ito, sarado din ang kanyang kabaong. Pero sa dalawang pagkakataon ay binuksan ito ng pamilya para kina Edu Manzano at Philip Salvador para patunayang wala itong tama ng baril.

Wala anilang basehan ang alegasyong nag drug overdose o nag-suicide si Miguel. Mula pa noong isang taon ay naging aktibo sa simbahan si Miguel dala ng kanyang pagsali sa isang Catholic Charismatic Community.

Tinigil na rin nito ang kanyang pagda-drugs noong 1995, ayon sa isang showbiz insider. Nakatakdang ilibing si Miguel sa San Heronimo sa Miyerkules.

Back to Top


Kaso laban kay Jalosjos ipinababasura

INAASAHANG made-desisyonan na ng Court of Appeals ang petisyon ni Congressman Romeo Jalosjos na humihiling na ibasura ang kaso laban sa kanya.

Sinimulan nang dinggin ng Appellate Court ang mga argumento ng lahat ng partido.

Ayon kay Atty. Manuel Lazaro, abogado ni Jalosjos, hindi dapat ituloy ang kaso laban sa kanyang kliyente dahil sa hindi magkakatugmang testimonya ng batang complainant.

Sinabi naman ni Atty. Lourdes Cruz, isa sa mga abogado ni Rosilyn Delantar, na hindi inabuso ni Makati RTC Judge Roberto Diokno ang kanyang kapangyarihan nang ipa-aresto niya si Jalosjos.

Samantala, makakatikim na naman bukas ng pansamantalang kalayaan si Congressman Jalosjos. Pinayagan ni Judge Diokno si Jalosjos na dumalo sa pagdinig ng House ethics committe upang ipaliwanag ang ginawa niyang pagtatago sa batas bago siya naaresto.

Si Jalosjos ay aalis sa Makati City Jail ganap na 6:00 ng umaga at kailangang makabalik ganap na 4:00 ng hapon.

Back to Top


Night spots sa QC ikinandado

LIMANG "night spots" sa Quezon City, ang ipinasara ni Mayor Mel Mathay Jr. dahil sa mga ulat na ginamit na front ang mga ito sa prostitusyon.

Personal na pinangasiwaan ni Mayor Mathay ang pagpapasara sa mga night spots na pinaniniwalaang front ng prostitusyon.

Kasama ng kanyang mga alipores, ikinandado ni Mathay ang "Big Wig Beer Garden" at "Maginoo Gay Bar" sa Quezon Avenue; "Palace Sauna and Massage Parlor" sa Timog Avenue; "Flirtation" sa Aurora Boulevard; at "Hype Club" sa Scout Ybardolaza.

Sa Hype Club, laking gulat ni Mathay nang salubungin siya ng anunsiyo na nakalipat na ito sa Timog Avenue. Ngunit ayon sa mga residente, pawang maliliit na bahay aliwan ang natumbok ng Mayor.

Matagal ng pini-petisyon ng mga parishioner ng Sacred Heart Parish ang pagpapasara sa mga night spots na nagtatanghal ng mga malalaswang palabas. Sinisisi ng mga residente ang mga lokal na opisyal sa umano'y pagbubulag-bulagan ng mga ito sa paglaganap ng lewd shows sa lungsod.

Marami ang nakakapuna na ang kampanya laban sa mga night clubs na nagtatanghal ng malalaswang palabas ay kahalintulad ng larong "Patintero". Sara-bukas, bukas-sara. Pero, ayon kay Mayor Mathay, umpisa na ito ng matinding kampanya laban sa mga nabanggit na establisimiento. Ayon pa kay Mathay, ipasasara niya ang lahat ng night spots na hindi sumusunod sa ordinansa.

Back to Top


2-taong gulang na mountaineer!

ISANG dalawang-taong gulang na bata ang nakaakyat na ng maalamat na bulkang Pinatubo kung kaya't itinuring na pinakabatang mountaineer sa bansa. Siya si Legion Maria Hilbero.

Sumama siya sa kanyang ama, tinahak nila ang ilog ng Pasig Potrero, kasama ang kanyang inang Aleman at ilang kaibigan. Matapos ng kala- hating araw, ito ang kanilang naratnan, isang malaking lawa sa bunganga ng bulkan. Madalian silang bumaba sa loob at doon ay nag-picnic.

Ang ilan ay nagpahinga sa matinding pagod, ang iba naman ay nagpa- cute at nag posing sa camera. Samantalang naligo agad si Legion at itinuring na kauna-unahang bata na naligo sa lawa ng Pinatubo. Kaya ng pauwi na sila, unang pumalag si Legion.

Masasabing kasama na si Legion sa alamat ng bulkang Pinatubo. Sa kanyang murang edad ay maipagmamalaki na niya ang kanyang karanasan, kahit sa kanyang mga magiging anak.

Back to Top

Go Back To News Service Index