Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 02/18/97
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

RAMOS: "TAMA NA ANG ANIM NA TAON"
ISA PANG BANGKAY SA PLANE CRASH, NATAGPUAN
PANANABOTAHE SA KASO NI BISHOP NEPOMUCENO ISINASANTABI
60 ARAW NA SUSPENSIYON NI JALOSJOS, PINAGTIBAY NG ETHICS COMMITTEE
PHILCONSA DESIDIDO SA PAG-AMYENDA NG KONSTITUSYON
BATUHAN NG BASO SA SENADO
PANAWAGAN PARA SA PROTEKSIYON NG MGA PINOY OCWs
RE-ELECTION, HINILING NG MGA TAGA-CALOOCAN


Ramos: "Tama na ang anim na taon"

SINISI ngayon ni Pangulong Ramos ang mga nag-aambisyong kumandidato sa pagkalat ng balitang plano niyang mag-kudeta. Aniya, tama na ang anim na taon sa Malacanang. Binigyang-diin ito ni Pangulong Ramos sa harap ng mga pagdududa tungkol sa kanyang mga intensiyon matapos ang 1998.

Ikinasiya naman ito ni Defense Secretary Renato De Villa, isa sa mga presidentiables.

Samantala, nais ni Senador Raul Roco na sagutin ni Pangulong Ramos ang tanong kung nasaan ito noong mga panahong idineklara ang martial law. Ibinalik naman ito ng Pangulo sa Senador sa pagkukuwestiyon kung nasaan ang Senador noong mga panahon ng Edsa Revolution.

Handang magbitiw si Executive Secretary Ruben Torres kung hihilingin ito ng Pangulong Ramos. Gayunman, kung si Senate President Maceda lang aniya ang nagpapabitiw sa kanya, hindi niya gagawin ito. Muli niyang nilinaw na ang kanyang pahayag noong sabado ay personal lang niyang opinyon.

Back to Top


Isa pang bangkay sa plane crash, natagpuan

ISA pang bangkay ang na-recover sa karagatan ng Corregidor mula sa bumagsak na eroplano ng Airlink.

Nakuha rin ng mga tauhan ng Navy at Coast guard ang ilang pira-pirasong bahagi ng katawan ng isa pang biktima.

Alas singko ng madaling araw nang muling magpatrolya ang Philippine Navy at ang Coast guard upang ipagpatuloy ang rescue operation para sa bumagsak na six-seater Beechcraft ng Airlink noong Huwebes.

Unang na-recover ng mga divers ang isang ulo at isang braso dakong alas otso ng umaga. Kasunod na natagpuan ang katawan ni Alfredo Uy, isang estudyante ng CEU.

Si Uy ay ang pangatlong biktimang na-recover ng mga divers. Nauna nang nakuha ang mga katawan nina Arvin Banigued, ka-klase ni Uy, at Rosielyn Manalo, staff ng naturang airline.

Nakuha din sa nasabing lugar ang isang bank book, electronic dictionary, mga prayerbooks, at ilang bahagi ng parte ng eroplano.

Sinikap iahon ng Navy ang buntot ng eroplano subalit nabigo ang mga ito dahil sa sobrang bigat ay kinakailangan pa ng isang crane.

Hanggang sa ngayon ay di pa rin malinaw kung anong dahilan ng aksidente.

Back to Top


Pananabotahe sa kaso ni Bishop Nepomuceno isinasantabi

SA PAUNANG report ng fact-finding team na tumungo sa Jolo, isinasantabi ng ATO ang anggulong pananabotahe.

"Pilot error" ang itinuturong dahilan ng pagbagsak ng eroplanong sinakyan ni Bishop Nepomuceno.

Ayon sa source ng ABS-CBN news, nakasarado ang airport ng mga oras na iyon subalit pinilit pa ring lumipad ni Captain Jesus Biana kahit wala itong clearance mula sa tower.

Ang Runway 09 na paakyat ng bulubundukin ang dinaanan nito imbes na ang Runway 27 na patungong tubig. Nawalan ng kontrol ang piloto nang sumabit sa mga puno ang eroplano. Ang teoryang ito ay taliwas sa imbestigasyon ng Aircraft Owners Pilots Association (AOPA).

May limang daang metro na rin ang taas ng eroplano sa lupa bago ito bumagsak kung kayat imposibleng sumabit pa ito sa mga puno at hindi rin anya pilot error.

Back to Top


60 araw na suspensiyon ni Jalosjos, pinagtibay ng Ethics Committee

PINAGTIBAY ng House Ethics Committee ang nauna nilang rekomendasyon para sa animnapung araw na suspensyon ni Congressman Romeo Jalosjos dahil sa pagtatago sa batas.

Kailangan na lang makakalap ng two-thirds na boto mula sa mga kongresista para mapagtibay ang rekomendasyon.

Ala sais pa lamang ay umalis na ng selda si Jalosjos para sa hearing. Doon, nabigyan ng pagkakataon ang kongresista na linawin kung bakit siya nagtago.

Sinabi ni Jalosjos na hindi siya inabisuhan ng kanyang staff na may balak ang Ethics Committee na imbestigahan siya. Ito ang naging dahilan para irekomenda ng komite ang kanyang suspension.

Sa panahon ng kanyang pagtatago,inasahan ni Jalosjos na maaaksyunan ng Court of Appeals ang kanyang petisyon na naglalayong ipawalang-bisa ang warrant of arrest laban sa kanya.

Nagdebate rin ang mga mambabatas kung pagsasalitain ang mga abogado ni Jalosjos. Nang pumayag si Chairman Bondoc na baguhin ang "rules" ng komite, pahapyaw nang binalangkas ni dating Justice Manuel Lazaro ang kaso kahit na nasa korte ito.

Tatlumpung minutong nagpulong ang komite sa executive session. Majority ang naging desisyon: huwag baguhin ang rekomendasyon.

Pinag-aaralan ng panig ng prosekusyon ang posibleng pagsasampa ng "subjudice" laban sa abogado ni Congressman Jalosjos na humarap sa Ethics Committee kaninang umaga.

Ayon kay Atty. Lourdes Cruz-Matters, walang karapatan si Atty. Manuel Lazaro na ikuwento ang buod ng kaso sa kongreso.

Naniniwala naman si Atty. Katrina Legarda na balewala ang naging desisyon ng Ethics Committee sapagkat hindi ito kailanman susuportahan ng buong kongreso.

Back to Top


Philconsa desidido sa pag-amyenda ng konstitusyon

PORMAL nang hiniling ng PHILCONSA sa kongreso na magpasa ng resolusyon tungo sa pagbuo ng Constitutional Convention bilang paraan sa pag-amyenda sa konstitusyon.

Pinal nang napagkasunduan ng labindalawang opisyal ng PHILCONSA na tanggapin ang hamon ng Pangulong Ramos na pamunuan ang pag-amyenda sa Saligang Batas at pamunuan ang paglunsad ng kampanya para sa Saligang Batas.

Sa pulong ngayong hapon, hiniling nila sa kongreso na magpasa ng batas para sa isang Constitutional Convention. May isang kundisyon: Hindi dapat ipagpaliban ang halalan sa 1998.

Ihaharap na ni Congressman Ralph Recto sa kongreso ang panukalang pagtatakda ng petsa para sa eleksiyon ng mga delegado sa Concon.

Hindi naman magarantiya ni Maceda na hindi magbabago ng posisyon ang mga senador.

Suportado ng liga ng mga barangay ang Concon. Ito'y matapos na lang ang 1998. Ayon kay Alex David hindi pa raw matatag ang ekonomiya.

Tuloy-tuloy ang signature campaign ng liga na nakakalap na ngayon ng dalawang milyung lagda.

Back to Top


Batuhan ng baso sa Senado

LUMIPAD ang baso sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) nang mapikon kay Senador Heherson Alvarez si Senador Nikki Coseteng sa isyu ng "infidelity".

Nakasalang sa CA ang appointment ni Major General Jose Lapus at inungkat ni Coseteng ang umano'y pagtataksil nito sa kanyang asawa.

Sinabi ng mga impormante na nagka-initan ang dalawang senador ng magturuan kung sino ang loyal at hindi loyal sa kani-kanilang asawa.

Ayon kay Coseteng, nabastusan siya kay Alvarez kaya't na-ibato niya ang baso na may lamang tubig. Ngunit ang natapunan ng tubig ay si Congressman Antonio Cuenco.

Muling nagkita ang dalawa sa Senators' lounge at tinangka silang biruin ng kapwa nila senador.

Back to Top


Panawagan para sa proteksiyon ng mga Pinoy OCWs

SA pagdiriwang ng National Migrants Week, tumanggap na naman ng papuri ang mga OCWs. Ngunit ano nga ba talaga ang nangyayari sa tinatawag na mga bagong bayani?

Ayon sa ulat, tumataas ang bilang ng mga nasasawing OCWs. Nitong Enero lamang, limampu't apat na mga OCWs ang inuwing patay sa Pilipinas.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration, doble ang itinaas ng bilang ng mga namamatay na OCWs sa taong ito. Sa kabila nito, kasama na rin ang hirap at lungkot, marami pa ring nakikipagsapalaran.

Ang Kuwait at Saudi Arabia ang may pinaka-maraming bilang ng mga tumatakas na Pilipino. Karamihan sa mga kaso ay pang-a-abuso ng mga employers.

Sa ngayon, si JKohn Aquino ang pinagkakaabalahan ng embahada sa United Arab Emirates. Maaari siyang mailigtas sa kamatayan matapos ang pagpatay niya sa isang Bumbay nuong 1995. Ang susi: ang kapatawaran ng pamilya ng biktima. Hindi sila naniniwala sa blood money, hindi gaya ni Flor Contemplacion. Masuwerte si Sarah Balabagan at naasikaso ng husto ng embahada.

Nanawagan si Cebu Archbishop Ricardo Cardinal Vidal sa gobyerno upang bumuo ng batas para sa proteksyon ng mga Pilipinong OCWs.

Sa misa sa pagdiriwang ng ika-siyam na National Migrant Workers Sunday, sinabi ni Vidal na hindi na dapat tawaging "bayani" ang mga pinoy OCWs kung hindi rin lang napapangalagaan ang kanilang mga karapatan.

Back to Top


Re-election, hiniling ng mga taga-Caloocan

NAGKILOS protesta sa harap ng Korte Suprema ang may apatnapung residente ng Calookan City. Pinamamadali nila ang pagdedesisyon sa kaso ng Recall Election sa Calookan.

Pinigil ng Supreme Court ang Recall Election na itinakda ng Comelec noong ika-14 ng Disyembre sa naturang lungsod. Ayon kay Conrado Cruz, Executive Vice President ng liga ng mga Barangay, hiniling nila ang re-election dahil wala na silang tiwala kay Mayor Rey Malonzo, bunga ng umano'y pagiging corrupt nito.

Samantala, kakasuhan pa rin ng grupong Justice for Ozone Victims si Quezon City Mayor Ismael Mathay. Sa isang prayer meeting, sinabi ng mga pamilya at kaibigan ng mga biktima na mag-iisang taon na,subalit, wala pa ring nakakamit na hustisya.

Bukod kay Mathay, kakasuhan din nila ng paglabag sa Anti-Graft Law sina City Engineers Alfredo Macapugay at Olegario Tabernilla sa Marso 19. Magsasagawa ng prayer rally ang mga pamilya ng biktima sa Timog Avenue bilang paggunita sa kanilang mga mahal sa buhay.

Back to Top

Go Back To News Service Index