Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 02/19/97
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

Pagsasa-pribado ng MWSS, tuloy na
Hatol sa tatlong death convicts pinagtibay ng Korte Suprema
Batang Ni-rape, Kinain?
Santiago, 90 araw na suspindido sa Senado
Pag-amyenda ng Konstitusyon pansamantalang ipinagpaliban
Pambabato ni Coseteng kay Alvarez, pagpupulungan sa CA
Bangkay ni Llamas natagpuan sa Tanza
PNP gustong si Cong. Jalosjos sa Bicutan
Halina't magtampisaw sa Ilog Pasig


Pagsasa-pribado ng MWSS, tuloy na

ISANG taon makaraang ilunsad ang "Piso para sa Pasig", binisita muli ng TV Patrol ang makasaysayang ilog.

Nananabik ang lahat sa pagsakay sa ferry boat. Bata, matanda, lalaki, babae, ay nag-uunahan para saksihan ang ipinagbago ng Ilog Pasig.

Sa halagang piso bawa't pasahero, tatahakin nila ang kakaibang karanasan mula sa Plaza Bonifacio sa Maynila, at hanggang sa Mandaluyong. Sa halagang piso, malalanghap nila ang amoy langis na hangin.

Nilalayon ng "Piso para sa Pasig" na manumbalik ang napakalinis na tubig sa ilog, ang mga nakahilerang puno sa gilid ng ilog na nagpapabawas ng polusyon sa kapaligiran, ang mga shellfish na sumasagupa sa agos ng alon, ang mga naglalakihang isda, at ang mga ibong nagtatampisaw sa ilog.

Nilalayon din na maging kaaya-aya sa paningin ang mga tulay at magkaroon ng puwang sa puso ng mga kabataan ang Ilog Pasig.

Back to Top



Pagsasa-pribado ng MWSS, tuloy na

ITINULOY na ang pagsasa-pribado ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System. Ibinasura ngayon ng Court of Appeals ang petisyon nina retired General Lisandro Abadia at limang iba pa laban sa pribatisasyon.

Sa siyam na pahinang desisyon, inalis ng Court of Appeals ang temporary restraining order (TRO).
Anila, hindi inabuso ni Manila Regional Trial Court Judge Inocencio Maliaman ang kapangyarihan
nito nang tanggihan niyang pigilin ang pagbebenta ng MWSS gaya ng hinihingi nina Abadia.

Back to Top



Hatol sa tatlong death convicts pinagtibay ng Korte Suprema

PINAGTIBAY ng Korte Suprema ang hatol sa tatlo pang death convicts. Ito'y sina Dante Piandiong, Jesus Morallos at Archie Bulan. Sila'y napatunayang pumatay at nagnakaw kay PO1 Jerry Perez sa Kalookan noong 1994.

Samantala, sa Davao City, isang ama ang nadagdag na naman sa pila ng mga nahatulan ng kamatayan dahil sa pangre-rape sa sarili niyang anak.

Napatunayan sa korte na paulit-ulit ginahasa ni Eusebio Traya ang kanyang 16 anyos na anak hanggang sa mabuntis ito noong Disyembre.

Sa iba pang mga balita, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Leo Echegaray na malulusutan niya ang parusang kamatayan. Muling nagsampa ng pangalawang Motion for Reconsideration sa Korte Suprema si Echegaray sa tulong ng Free Legal Assistance Group o FLAG.

Ayon sa FLAG, dapat nang palayain si Echegaray dahil ang mismong anak na nito na kanyang ni-rape ang gumawa na ng sulat para patawarin ang kanyang ama.

Back to Top



Batang Ni-rape, Kinain?

PATULOY pa rin ang mga karumal-dumal na krimen sa kabila ng pag-iral ng death penalty.

Sa Zambales, isang katutubo ang pinugutan ng ulo, pinagtataga sa iba't-ibang parte ng katawan at hinihinalang kinain pa ang laman ng mga "killers".

Disi-sais anyos lamang si Didith Ignacio,isang katutubo.Nanirahan siya sa Botolan Resettlement area matapos silang salantahin ng bulkang Pinatubo noong 1991.

Noong isang linggo,siya ay nakitang patay sa bukid malapit lamang sa resettlement area.Nang makita dito ang kanyang bangkay,nawawala ang ilang parte ng kanyang katawan.Naniniwala ang kanyang mga kamag-anak na ito ay kinain ng mga killers.

Ayon sa pulisya,ang mga suspek ay pawang mga teenagers kung saan thrill killing ang motibo.Dalawa sa mga ito ay isang Joven, 14 anyos lamang at isang Dennis Dumlao,16.Dalawa sa barkada ng mga suspek ang nagsabing magkakasama lamang sila bago ang naganap p agpatay.

Ngayon, natatakot ang mga magulang ng mga suspek na binabalikan umano sila ng mga kamag-anak ni Didith.

Back to Top



Santiago, 90 araw na suspindido sa Senado

IPINASUSPINDE na ng First Division ng Sandiganbayan si Senadora Miriam Defensor-Santiago ng siyamnapung araw.

Nanlisik ang mga mata ni Senadora Santiago at sinisi si Pangulong Ramos na may pakana sa utos ng Sandiganbayan na suspindehin siya.Siyamnapung araw siyang sinususpinde ng Sandiganbayan dahil sa kasong katiwaliang isinampa sa kanya noong siya pa ang hepe n g Bureau of Immigration and Deportation (BID).

Dalawang taong nabinbin ang desisyon sa kaso ngunit ayon kay santiago,habang suspindido siya at hindi nakaupo bilang chairperson ng Committee on Constitutional Amendments,planong gapangin ng Malacanang ang resolusyon para sa Constituent Assembly sa Senado .

Inatasan na ng Senado ang Committee on Rules and Ethics na pag-aralan kung may paglabag sa separation of powers ang utos ng Sandiganbayan na masuspinde ang isang senador.

Back to Top



Pag-amyenda ng Konstitusyon pansamantalang ipinagpaliban

NAGKASUNDO ang Malacanang at Kongreso na isantabi muna ang planong amyendahin ang Konstitusyon.

Ipatatawag ng Senado si Executive Secretary Ruben Torres kaugnay sa pag-amin nito na nasa likod siya ng planong pag-amyenda sa konstitusyon ng mga opisyal ng Partido Lakas.

Ayon kay Senador Francisco Tatad, kailangang malinawan kung ano talaga ang kinalaman ng Malacanang sa naturang plano.

Inihayag ngayon ni House Speaker Jose De Venecia na hindi na isusulong ng Partido Lakas NUCD ang anumang pagbabago sa Saligang Batas. Kinumpirma ito ni Lakas Vice President at Executive Secretary Ruben Torres.

Inaprubahan ni Pangulong Ramos ang desisyon ng kanyang partido. Aniya, matagal na siyang hindi pursigido na amyendahin ang Konstitusyon, lalo na't hinggil sa pagpapalawig ng kanyang panunungkulan.

Sinabi ni Senate President Ernesto Maceda na dapat na lamang ipaubaya sa susunod na administrasyon ang panukala sa pagbabago ng Saligang Batas.

Tiniyak naman ni Presidential Political Adviser Gabby Claudio na hindi makikialam ang Lakas sa Peoples' Initiative for Reform , Movement and Action (PIRMA) patungo sa pagpapalawig ng termino ni Pangulong Ramos. Subalit duda si Senador Maceda sa sinseridad ng Malacanang. Mayroon umanong impormasyon na minamadali ng Lakas ang pangangalap ng mga lagda para sa isang Peoples' Initiative.

Bagama't ipinahihinto na ng Malacanang at Kongreso ang kampanya para amyendahin ang Saligang Batas, kailangan pang makuha ng Lakas ang desisyon ng mga miyembro nito sa iba't ibang lalawigan.

Hindi pa rin nakakatiyak ang Malacanang kung kikilingan ng mayorya ng partido ang desisyon na huwag munang galawin ang 1987 Constitution.

Back to Top



Pambabato ni Coseteng kay Alvarez, pagpupulungan sa CA

PUPULUNGIN ni Senate President Ernesto Maceda ang mga miyembro ng Commission on Appointments para pag-usapan ang pambabato ng baso ni Senadora Nikki Coseteng kay Senador Heherson Alvarez.

Ayon kay Maceda, hindi dapat basta balewalain ang naturang batuhan. Aniya, hindi na makikialam sa insidente ang Senate Ethics Committee kung sisiyasatin na ito ng CA.

Back to Top



Bangkay ni Llamas natagpuan sa Tanza

NATAGPUAN ng mga mangingisda ang bangkay ni Capt. Christopher Llamas, isang biktima sa pagbagsak ng eroplanong airlink beechcraft baron sa Tanza, Cavite.

Ang bangkay ni Llamas ay positibong kinilala ng kanyang mga kamag-anak nang dalhin ito sa Tres Amigos Funeral Homes.

Samantala, nagpadala ng lima-kataong team ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Patikul, Jolo upang imbestigahan ang pagbagsak ng eroplanong sinakyan ng nasawing si Bishop Antonino Nepomuceno at apat na iba pa.

Ang grupo ay binubuo ng tatlong NBI agents, isang chemist at isang ballistician. Titingnan ng grupo ang anggulong pananabotahe sa pagbagsak ng eroplano.

Gayunman, inamin ni NBI Director Santiago Toledo na mahihirapan silang siyasatin ito dahil posibleng wala na sa lugar ng pinagbagsakan ng eroplano ang mga kailangan nilang ebidensiya.

Nakatakda namang ilipat sa mga pagamutan sa Iloilo City ang ilan sa apat-napu't pitong pasahero ng Ceres Bus Liner na nahulog sa bangin sa Antique.

Kulang umano sa mga gamot at blood supply ang Angel Salazar Memorial Hospital sa San Jose, Antique, kung saan unang isinugod ang mga biktima.

Siniguro naman ng kinatawan ng bus company na sasagutin nila ang lahat ng magagastos ng mga pasaherong naaksidente.

Back to Top



PNP gustong si Cong. Jalosjos sa Bicutan

KINAKAILANGANG ilipat si Congressman Romeo Jalosjos sa Metro Manila Rehabilitation Center sa Bicutan upang mapangalagaan ang kanyang seguridad at para magkasya ang tambak na bisita nito.

Ayon kay jail National Capital Region Chief Josue Engganio, napakasikip na ng Makati City Jail. Pabor din na panukalang ito si Jail warden Pepe Quiones.

Nangangamba naman si Senior State Prosecutor Paulita Villarante na maging dahilan ito upang makatakas si Jalosjos dahil sa layo ng rehabilitation center sa Makati Regional Trial Court, kung saan ginagawa ang pagdinig sa kaso nito.

Nakatakdang magsampa ng pormal na oposisyon ang prosecution kay Judge Roberto Diokno.

Samantala, inilibing na kahapon ang yumaong aktor na si Miguel Rodriguez sa Saint Jerome Church sa Alabang, Muntinlupa.

Ito'y sa gitna ng patuloy na espekulasyon tungkol sa tunay na pagkamatay ng dating Bise Gobernador ng Zambales.

Pawang mga kamag-anak at mga kaibigan lang ang dumalo sa libing.

Back to Top



Halina't magtampisaw sa Ilog Pasig

ISANG taon makaraang ilunsad ang "Piso para sa Pasig", binisita muli ng TV Patrol ang makasaysayang ilog.

Nananabik ang lahat sa pagsakay sa ferry boat. Bata, matanda, lalaki, babae, ay nag-uunahan para saksihan ang ipinagbago ng Ilog Pasig.

Sa halagang piso bawa't pasahero, tatahakin nila ang kakaibang karanasan mula sa Plaza Bonifacio sa Maynila, at hanggang sa Mandaluyong. Sa halagang piso, malalanghap nila ang amoy langis na hangin.

Nilalayon ng "Piso para sa Pasig" na manumbalik ang napakalinis na tubig sa ilog, ang mga nakahilerang puno sa gilid ng ilog na nagpapabawas ng polusyon sa kapaligiran, ang mga shellfish na sumasagupa sa agos ng alon, ang mga naglalakihang isda, at ang mga ibong nagtatampisaw sa ilog.

Nilalayon din na maging kaaya-aya sa paningin ang mga tulay at magkaroon ng puwang sa puso ng mga kabataan ang Ilog Pasig.

Back to Top

Go Back To News Service Index