Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 02/21/97
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

Isang pamilya natupok ng apoy
Maganto pina-i-imbistigahan ng DOTC
Colorum tow-trucks pina-i-imbestigahan ng MMDA
Marquez susunugin ang aircon jeepney
Lagdameo, handang magpakulong
Miriam susuportahan ng Senado
Marker ng lumubog na Airlink, nawala
Sikat na violinist naaksidente
Rebidding sa bentahan ng Manila Hotel
Pasig River tambakan ng ilang ospital sa Metro Manila
Gerry Penalosa, ang bagong bayani
Ritchie Padilla, babago sa image ng pamilya


Isang pamilya natupok ng apoy

ISANG PAMILYA ang natupok ng apoy sa kanilang tahanan sa Mandaluyong kaninang madaling araw. Ngunit hinihinala ng mga awtoridad na pinatay muna ang mga ito bago sinunog.

Hindi na makilala ang mga biktima dahil sa tindi ng pagkasunog ng mga ito. Si Loreto Tatoy, ang houseboy ng mga biktima, ang siyang nagbigay ng mga pangalan sa awtoridad.

Ang mga biktima ay sina Victor Tan, 36 anyos, ang asawa nitong si Lydia, tatlumput-anim na taong gulang, at ang tatlo nilang anak na sina Cherry, 14, Epifania, 10, at Daisy, three-years-old. Ang panganay na anak ng mga biktima ay nakaligtas dahil nasa Cavite ito. Batay sa report nag-umpisa ang sunog dakong alas dos-singkwenta'y singko ng madaling araw.

Subalit, ayon sa pulisya hindi ito aksidente at maaaring kagagawan ng isang tao. Isa sa mga biktima ay may basag sa ulo. Idineklarang fire-out ang sunog bandang alas tres kinse ng umaga. Ayon kay Tatoy, nasa beerhouse siya ng maganap ang nasabing incidente.

Masusing paiimbistigahan ng mga awtoridad ang sunog. Ayon na rin sa kanila, nakapagtataka raw ang posisyon ng mga bangkay sa loob ng tahanan ng matagpuan ang mga ito at ang ingay na narinig bago pa man maganap ang nasabing sunog.

Back to Top


Maganto pina-i-imbistigahan ng DOTC

PINA-I-IMBISTIGAHAN ni Department of Tranportation and Communication Secretary Amado Lagdameo si Metro Manila Developmental Authority Executive Director Romeo Maganto para malaman kung puwede itong kasuhan ng "Conflict of Interest".

Ito'y matapos aminin ni Maganto na pamilya niya ang may-ari ng Mersan Bus Lines na lumalabag umano sa Anti-Colorum Campaign ng D-O-T-C.

Malaki ang iniluwag ng Edsa matapos maglunsad ng malawakang kampanya ang D-O-T-C laban sa mga colorum na bus.

Sa limampung bus na na-impound kahapon, karamihan ay Mersan bus na pag-a-ari ni Mercelita Sta. Maria, asawa umano ni M-M-D-A Traffic Director Romeo Maganto.

Sinikap ng ABS-CBN News na kunin ang panig ni Sta. Maria ngunit wala ito sa kanyang tanggapan sa Pleasant Hill Subdivision sa Bulacan. Galit na galit namang humarap si Maganto nang unang kunan siya ng panig. Gayunman, pumayag din itong makapanayam ng media sa bandang huli.

Aniya, di kasalanan ng kanyang pamilya kung out-of-line ang mga biyahe nito. Ipinaliwanag din ni Maganto na walang plaka ang mga bus dahil naka-pending pa ito sa L-T-O. Wala rin naman masama kung siya'y tumayong "Legal Adviser" ng Mersan.

Nauna rito, hindi napigilan ni Magantong magalit sa programang Alas Singko Y' Medya sa mga humuling tauhan ng D-O-T-C.

Ayon naman kay Lagdameo, Si M-M-D-A Chairman Prospero Oreta ang dapat umaksyon sa kaso ni Maganto.

Back to Top


Colorum tow-trucks pina-i-imbestigahan ng MMDA

PINA-I-IMBESTIGAHAN NAMAN ni Metro Manila Developmental Authority Chairman Prospero Oreta ang mga colorum na tow-trucks na iligal na nag-o-operate.

Ayon sa report, mga impluwensiyal na opisyal ang mismong nagmamay-ari ng mga ito. Pagkatapos ng colorum buses, colorum tow-trucks naman.

Dumarami ang reklamo sa mga abusadong tow trucks. Pansamantalang ipinasasara daw ng M-M-D-A ang apat na mga impounding areas sa Metro Manila.

May color coding din sa mga tow-trucks, berde sa letre impounding area, orange sa ultra pasig, dilaw sa C-C-P Complex, at pula sa S-M impounding area. Nag-operate lamang ito sa mga naturang lugar.

Nguni't higit dito pina-iimbestigahan din ni M-M-D-A General Maganto ang nakadududang operasyon ng mga ito. Tatlo na ang hinuli n M-M-D-A.

Ayon sa isang M-M-D-A insider ilang pulis at MMDA officials ang nagmamay-ari ng mga towing services, kaya walang patawad kung bumatak.

Nguni't minsan mismong driver naman ang nang-aareglo sa mga tow-trucks. 1,400 pesos kada hila sa ordinaryong sasakyan higit na mataas kung malalaking sasakyan. At pagminamalas, kapag hindi nabantayan sa impounding area ubos ang accesory mo sa loob.

May 25 accredited towing services ang M-M-D-A, puro pribado. Nguni't 200 piso lamang ang porsiyento ng M-M-D-A sa bawa't na-iimpound.

Back to Top


Marquez susunugin ang aircon jeepney

ITUTULOY ni Orlando Marquez ang banta niyang susunugin na lang niya ang inasembol niyang aircon-jeepney kung hindi ito bibigyan ng prangkisa.

Nauso ang aircon jeepney sa Makati dahil sa kakulangan sa sasakyan. Ito ang itinapat sa Tamaraw FX taksi na ginagawang shuttle. Subalit hanggang ngayon ay kolorum pa rin ang aircon jeepney, pagkat wala pa itong frankisa mula sa Land Transportation Franchising Regulatory Board.

Inakusahan naman ng Makati Jeepney Operator and Driver's Alliance. Ang LTFRB na anti-poor at nagbantang magsusunog ng jeepney.

Ayon kay L-T-F-R-B Chairman Dante Lantin, wala siyang pinapaboran, sa ngayon higit sa isangdaan ang ruta sa mga bus at jeepney sa Metro Manila. Ayon kay Lantin wala aniyang dapat bawasan kundi ang mga pribadong sasakyan. Sinabi pa ni Lantin na sakaling tuluyang hindi mabigyan sila ng prankisa puwede naman itong shuttle...

Muling nagbanta si Marquez na kanyang susunugin ang aircon jeepney sa miyerkules, sakaling wala pang desisyon ang DOTC kung sila ay bibigyan ng prankisa o hindi.

Back to Top


Lagdameo, handang magpakulong

BINIGYAN NA ni Pangulong Ramos ng go-signal si Executive Secretary Ruben Torres na humarap sa question hour ng Senado upang linawin ang tunay na posisyon ng Malakanyang sa pag-amyenda sa Konstitusyon.

Inihayag ni Torres kamakailan na suportado ng Partido Lakas na mapahaba ang termino ni Pangulong Ramos. Subalit ayon sa Pangulo, personal na opinyon lang ito ni Torres.

Handa namang magpa-aresto at magpakulong si Transportation Secretary Lagdameo kung si Senate President Ernesto Maceda ang lalagda ng Warrant of Arrest laban sa kanya.

Tugon ito ni Lagdameo sa banta ng Senado na ipahuhuli siya kung patuloy nitong i-isnabin ang imbitasyon para sa imbestigasyon ng P-E-A/Amari Landscam.

Ayon kay Lagdameo, nakahanda rin niyang dalhin sa Korte Suprema ang banta sa kanya. Aniya, isinasaad sa Saligang Batas na bilang cabinet member, hindi siya maaring puwersahin na humarap sa Senado, bagamat pinagbigyan na niya ang mga naunang imbitasyon.

Back to Top


Miriam susuportahan ng Senado

SUSUPORTAHAN ng Senado si Senador Miriam Defensor Santiago sa kanyang planong pigilan ang Suspension Order sa kanya ng Sandiganbayan.

Pinaa-alalayan ng Senado sa kanilang mga batikang abogado si Santiago, na nagsampa ng apila sa Korte Suprema.

Ayon kay Senate Pro Tempore Blas Ople, hindi maaaring suspindihin ng Sandiganbayan ang isang Senador dahil ito'y labag sa Constitutional Provision on Separation of Powers.

Ngunit ayon sa Malacanang, may karapatan ang Sandiganbayan na magsuspinde ng isang Mambabatas at ang desisyon ay dapat igalang ng Senado.

Back to Top


Marker ng lumubog na Airlink, nawala

NABIGO ANG Philippine Navy na ma-i-ahon ang eroplano ng Airlink na bumagsak sa dagat malapit sa Corregidor nitong nakaraang linggo. Maaga pa lang ay pumalaot na ang grupo ng Philippine Navy at Coast Guard para sa pagkuha sa lumubog na eroplano ng Airlink.

Isang malaking barko na may crane ang gagamitin sanang panghatak sa eroplano. Ang problema nawala ang inilagay na marker nito na palatandaan kung saan lumubog ang eroplano.

Hinihinalang ito'y pinag-interesan ng mga mangingisda o kaya'y nasagasaan ng mga barko.

Ginamit na ang malaki at ang maliit na teleskopyo subalit talagang wala. Kaya't ipinatawag muli ang mga divers ng navy para hanapin ang eroplano.

Sa unang dive ginalugad ang lalim na 140 feet subalit negatibo. Inulit sa ibang lokasyon ang pagsisid subalit wala pa rin kaya't inihinto na ang paghahanap.

Ayon sa navy, itutuloy na lamang ang paghahanap sa eroplano kapag kalmado na ang dagat. Suma-tutal, kakamot-kamot ng ulong nag-uwian ang mga sumama sa operasyon.

Back to Top


Sikat na violinist naaksidente

ISINUGOD SA U-E-R-M hospital kagabi ang sikat na "violinist" na si John Lesaca at ang asawa nitong si Marilou Arroyo matapos mabundol ang kanilang sasakyan ng isang trak sa Katipunan Ave, Quezon City.

Nagtamo ng bali sa tadyang at mga galos sa katawan ang mag-asawa. Pauwi na sila dakong alas onse trenta nang mabundol ang kanilang Nissan Sentra ng isang Canter Truck.

Ang driver ng trak na si Jessie Abrea ay nagtamo lamang ng galos. Nagpapagaling ngayon ang mag-asawa sa nasabing ospital.

Samantala, kinumpirma na ng N-B-I na "bangungnot" ang talagang ikinamatay ng aktor na si Miguel Rodriguez. Ito'y batay sa awtopsiya na isinagawa ni Dr. Ruperto Sumbilon, Jr.

Ayon kay N-B-I Assistant Director Diego Gutieerez, isina-ilalim din nila sa poison, drugs at alcohol tests ang labi ni Rodriguez subalit lumitaw na negatibo sa kanyang katawan ang alin man sa mga nabanggit na kemikal. Inilibing ang aktor kahapon.

Back to Top


Rebidding sa bentahan ng Manila Hotel

HINILING ngayon ng Committee on Privatization sa Korte Suprema na magkaroon ng rebidding sa pagbenta ng Manila Hotel. Kasunod ito ng pag-uutos ng Korte Suprema na ibenta ng G-S-I-S sa Manila Prince Hotel ang 51 percent shares nito sa Manila Hotel sa kabila ng pagkapanalo sa bidding ng Malaysian Firm Renong Berhad.

Sa isang 31-pahinang petisyon, sinabi ni Solicitor General Silvestre Bello III. Na kung hindi babaguhin ng Korte Suprema ang desisyon nito, hihilingin nilang magrebidding kung saan bibigyang-prayoridad ang mga karapat-dapat na Pilipino.

Samantala, bagama't nanlumo sa desisyon ng Korte Suprema ang mga negosyanteng Malaysian, tiniyak ng mga itong hindi pa rin nila aalisin ang kanilang puhunan sa pilipinas.

Binendisyunan na ni Pangulong Ramos ang pagkakaloob ng concession ng M-W-S-S sa Benpres at Ayala Corporation.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Renato Cayetano, wala nang hadlang sa pagsasa-pribado ng M-W-S-S bagama't puwede pa rin aniyang umapila ang mga opositor sa Court of Appeals.

Tiniyak naman ni Augusto Zobel de Ayala na hindi magbabago ang aktuwal nilang singil sa tubig sa orihinal nilang "bid rate." Nangako rin siya ng mas mabuting serbisyo sa tubig.

Back to Top


Pasig River tambakan ng ilang ospital sa Metro Manila

KINUMPIRMA NG Department of Health na may mga ospital sa Metro Manila na hindi sumusunod sa tamang pagtatapon ng kanilang mga dumi. Dahil dito, mayroon pa ring mga "infectious waste" na natatambak kung saan saan.

Mayroong 5 tonelada ng hazardous waste ang nanggagaling sa mga ospital sa Metro Manila araw-araw. Kasama na dito ang mga gamit pang-opera, mga kemikal, at mga parte ng katawan o lamang loob.

Sa pinakahuling pagsusuri ng Department of Health anim na pu't pitong porsyento lamang ng mga hazardous waste ang naitatapon ng tama. Ito lamang ang bilang ng ospital na gumagamit ng incinerator. Ang natitirang tatlumpu't tatlong porsyento ay nagsusunog, naglilibing o isinasama ito sa ordinaryong basura.

Napag-alamang delikado ang paglilibing ng hazardous waste. Sisipsip ito ng lupa at maaring sumama sa tubig na iniinom. May isang tonelada ng hospital waste ang napupunta sa mga "open dumps" araw-araw. Maari itong maging dahilan ng viral at bacterial disease ng mga malapit dito.

Nasa panganib din ang mga nag-aasikaso ng mga basurang ito. Itinanggi naman ni Health Secretary Carmencita Reodica na ginagawang tambakan ng mga ospital ang Pasig River. Ngunit posible umanong dahil sa kapabayaan ay mapunta ang ibang basura sa dagat. Back to Top


Gerry Penalosa, ang bagong bayani

DUMATING NA sa bansa ang bagong bayani ng Philippine Boxing na si Gerry Penalosa. Siya ang itinuturing ngayong hari sa W-B-C Super-Flyweight class.

Inagaw ni Penalosa ang titulo mula kay Hiroshi Kawashima sa kanilang sagupaan sa Japan. Isang pagtupad sa pangakong i-uuwi niya ang ikalawang pandaigdig na titulo ng Pilipinas sa boksing.

Sinalubong si Penalosa ng kanyang mga tagahanga at supporters sa airport. Mula sa N-I-A, tumuloy ang grupo ni Gerry sa Sofitel sa Roxas Boulevard para sa isang selebrasyon.

Back to Top


Ritchie Padilla, babago sa image ng pamilya

KILALA ANG Padilla brothers sa halos walang katapusang kontrobersiya. Pero meron pang isang Padilla na nangangakong pababanguhin na niya ang reputasyon ng kanyang pamilya.

Kaso at kalaboso ang pinaka-ayaw sa lahat ni Ritchie Padilla. Ang pinakahuling produkto ng makulay na showbiz family at ang bunsong kapatid ni Robin na isa nang ganap na singer. Dating certified public accountant, si Ritchie daw ang susunod na sampaguita. Pero ayon sa mga tagamasid, bagay din sa kanya ang bansag na bad girl ng Rock n Roll.

Sa musika ba makikita ang mabuting bunga ng familya Padilla? Gusto nang burahin ni Ritchie ang negatibo nilang image sa publiko.

Dala ng isyung H-World laban kay Royette. Ang conviction ni Robin dahil sa iligal na pag-iingat ng baril at ang paglilitis kay Rommel sa parehong sala.

Gayunman, tumatanaw ng utang na loob si Ritchie sa kanyang pamilya partikular na kay Robin na tumatayong adviser niya kahit ito'y nasa bilibid.

Back to Top

Go Back To News Service Index