JALOSJOS NANGIBANG BANSA NA
Naka-puslit na umano palabas ng bansa si Congressman Romeo Jalosjos. Ito ang ibinunyag ngayon ni Dapitan City Mayor James Adasa matapos maka-usap ang isa umanong mapagkakatiwalaan niyang impormante sa kampo ni Jalosjos. Sinabi ni Adasa sa Radyo dzMM na nag-barko si Jalosjos patungong Dumaguete City sa Negros Oriental, noong Pasko. Kinabukasan, isang pribadong eroplano aniya, ang sinakyan ni Jalosjos patungo sa isang bansa sa Asya.
Nakatakda namang ipalabas ng Air Transportation Office (ATO) sa Lunes ang listahan ng lahat ng mga umalis na private planes mula Dumaguete sa petsang binanggit ni Adasa.
Samantala, nabigo ang ikalawang pagtatangka ng National Bureau of Investigation (NBI) na madakip si Jalosjos sa Pacific Place condominium. Kasama ang mga mediamen, ilang oras na binantayan ng magkasamang puwersa ng NBI at Pasig police ang Pacific Place. Naka-abang naman sa harap ng Tektite Building ang mga armadong SWAT teams. Bandang alas 12:15 ng tanghali ng sapilitang pasukin nila ang ilang units sa Pacific Place. Unang pinuntahan ang unit 407 na pag-aari ni Atty. Vicente Balisado, isa sa mga abogado ni Jalosjos. Si Balisado ang pinaghihinalaang nagtatago sa kanya. Sumunod dito ang unit 411 na pag-aari ni Congressman Manuel Villar. Kinailangan pa ng martilyo at kung ano-ano pang gamit upang mabuksan ang unit 405 na noo'y wala ang may-ari.
Galit na galit naman ang Greek expatriate na naninirahan dito sa unit 307 na umano'y nawalan ng pera ng pasukin ang kanyang unit. Tanging ang unit 311 lamang ang nasira ang pinto ng pagsisipain ito ng mga agents. At dahil sa wala silang nakita, nagdesisyon na lamang na umalis NBI. Ilang minuto lamang, dumating naman si Atty. Balisado kasama si Atty. Alfredo Lazaro.
Kahapon, sinabi ng Malakanyang na dapat si Interior and Local Governments Secretary Robert Barbers na ang mamuno sa operasyon. Maaalalang kay Barbers nagpadala ng "surrender feelers" ang kongresista. At kung patuloy na iiwas sa hustisya si Jalosjos, di malayong gumawa ng aksyon ang Kongreso laban sa kanya.
MAYOR GALVEZ NO COMMENT SA DOJ MOVE
"No comment" pa rin si San Ildefonso Mayor Honorato Galvez nang tangkain siyang kausapin ng ABS-CBN News ukol sa apila ng Department of Justice (DOJ) sa kanyang kaso. Patuloy naman ang pagdarasal ng mga Vinculados na maging pabor sa kanila ang desisyon ng Supreme Court. Bagamat nagkaroon ng pag-asa ang mga Vinculados sa pagkakabinbin ng kanilang kaso ngayon sa Supreme Court, nadismaya naman si San Ildefonso Mayor Honorato Galvez sa pag-aakala niyang natapos na ang kaso noong ika-3 ng Oktubre 1996.
Tumangging humarap sa media ngayon si Mayor Galvez para magbigay ng kanyang reaksyon sa apila ng DOJ na bawiin ang kanyang "acquittal". Ayon sa mga bodyguards, ayaw umanong magambala ng mayor. Ayon naman kay Atty. Alfredo Lazaro, abogado ni Galvez, hihintayin na lang muna nila ang desisyon ng Korte Suprema bago sila gumawa ng kaukulang hakbang.
Ayon naman sa mga Vinculados, ang pagtanggi ng mayor na humarap sa media ay nagpapatunay lamang nang kanyang kakulangan ng sinseridad. "Akala niya siguro tapos na 'yung problema niya. Hindi pa siya ligtas doon sa nagawa niyang kasalanan," sabi ni Miguel Vinculado, isa sa mga biktima. Bagamat umaasa ang mga Vinculados na magiging pabor sa kanila ang desisyon ng Supreme Court, nakahanda sila sa anumang magiging desisyon nito. "Lagi kaming nakahanda. Ang naging aral namin, una, noong i-"bail" si Mayor, na-shock kami. Sa pangalawang pagkakataon, acquitted siya," dagdag pa ni Miguel Vinculado. May P8 milyon na umano ang nagastos ng mga Vinculados mula ng insidente. Kasama na dito ang mga bills sa ospital, bayad sa abogado at sa mga papeles, at mga loan sa bangko. Natigil din ang pinag-kakabuhayan nila ng magsimula ang kaso.
6 SINAMPAHAN NG KASO SA BERBON MURDER
Sinampahan na ng kasong murder ang anim na suspects sa pagpaslang kay ABS-CBN Deskman Bert Berbon. Dalawa ang positibong kinilala sa anim, habang hindi pa ibinubunyag ang mga pangalan ng apat na maaring siyang mastermind. Ayon sa pulisya, drugs at may kinalaman sa activities ng FEJODAC (Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of Cavite) ang maaaring motibo sa krimen.
Tiyak si Ginang Sabina Berbon na si Sotero Paredes, isang jailguard, ang isa sa bumaril ng kanyang asawa noong Disyembre 15. Isa pang gunman, si Ronaldo Aranzaso ang kinilala ni Mrs. Berbon. Arestado si Paredes. At-large naman si Aranzaso. Pinabulaanan ni Paredes ang akusasyon. Hindi umano sa kaniya ang "get-away vehicle" tulad ng sinasabi ng PNP. Walang piyansa ang inirekomenda sa anim na suspects. Nguni't si Paredes, na pangunahing suspect, ay nananatiling hindi nakaposas. Si Danilo Espineli ang unang lumilitaw na suspect. Bagama't hindi kinasuhan ay nakasuporta kay Paredes. Samantala, sa isang follow-up raid ng magkasanib na puwersa ng NBI at PNP-CIG nadakip si Gerry Alindog, isang umano'y drug pusher, sa kaniyang tahanan sa Barangay Pansol, Imus, Cavite.
Si Alindog ay tauhan umano ng drug lord na si Don Pepe Oyson, kaibigan ni Aranzaso at isang drug pusher sa Cavite. Nakuha sa kanya ang dalawang baby Armalite, isang M-14 rifle, granada, bala, shabu at mga paraphernalia nito. Ipaba-balistics ang mga baril na nakuha upang ikumpara sa mga balang na-recover naman kay Bert Berbon.
Sa sunud-sunod na pangyayari, lumalakas ang mga kaso ng mga pulis laban sa mga suspects at hindi magtatagal anila, ay lalabas din ang mga masterminds.
AMERIKANONG AMONG RAPIST PINAGHAHANAP
Isang 50-taong gulang na Amerikano ang pinaghahanap ngayon ng pulisya matapos nitong gahasain ang kanyang Pilipinang katulong sa loob ng tirahan nito sa Barangay Valenzuela, Makati City.
Ayon kay Rosana, 21, habang siya'y nag-iisa, bigla na lamang siyang hinatak ng kanyang among si Raymond Armstrong, patungo sa guest room kung saan siya hinubaran at paulit-ulit na ginahasa. Tinutukan pa umano siya ng baril ni Armstrong at tinakot na papatayin kung magsusumbong. Dahil na rin sa takot na mawalan ng trabaho dulot ng tinding kahirapan ng buhay sa Leyte, nanahimik na lang si Rosana.
Nguni't, nang hindi na makatiis si Rosana sa ginagawang kahalayan ng amo, nagsumbong ito sa ibang miyembro ng pamilya subalit mabilis na nakatakas ang suspek. Si Armstrong ay iniwan ng kanyang misis kamakailan. Madalas umano niyang bugbugin ang asawa.
Samantala, isa namang menor de edad ang naging biktima pa rin ng rape. Ang itinuturong suspect: isang 71-taong gulang na lolo. Si Mang Ben Macato ay ikinulong sa sumbong na paggagahasa ng isang 11-taong gulang na dalagita. May kaunting diperensiya sa pag-iisip ang bata subalit malinaw na naikuwento ang pangyayari.
Ayon naman kay Mang Ben, hindi na daw niya kayang makipagtalik dahil na rin sa kanyang katandaan. Subalit, sa kabila ng pagtanggi ng suspect, idinidiin siya ng isa sa umano'y nakakita sa aktuwal na panggagahasa sa loob ng isang sasakyan. Mga bakas na lamang ng insidente ang makikita sa loob ng sasakyang pinangyarihan ng krimen. Sakaling mapapatunayan na nagkasala ang suspect, papasok ang kanyang asunto sa kategoryang statutory rape na maaaring patawan ng parusang kamatayan.
3 BABAENG CONVICTS KASAMA SA DEATH ROW
Tatlong babaeng bilanggo ang dumagdag ngayon sa talaan ng may parusang kamatayan bagamat ina-apila pa ang kaso sa Korte Suprema. Higit sa 500 ang mga babaeng bilanggo sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City. Kabilang dito sina Adoracion Sevilla, Marife Bello-Rosco, at Violeta Gaddao. Sila ay mga sintensiyado ng parusang kamatayan. Kabilang din si Magdalena Magno, subalit ibinaba na lamang ang kanyang sintensiya sa habangbuhay na pagkabilanggo.
Si Aling Adoracion, 52, ay convicted sa kasong drug traficking. Siya ay halos isang taon ng nakakulong. Siya'y may sakit na kanser at aniya, handa na siyang mamatay. Si Violeta naman ay nahulihan ng pitong kilong marijuana. Subalit idinawit lamang daw siya ng mga pulis. Lima ang kanyang anak at natatakot siyang harapin ang parusang kamatayan. Si Marife Bello ay nasangkot sa robbery with homicide noong July 1995. Maging ang kanyang asawa ay sintensiyado rin ng bitay. Sila ay nagkaroon ng isang anak. Magkagayunman, naniniwala pa rin si Marife sa hustisya. Galak naman si Magdalena Magno sapagkat nakatakas siya sa parusang kamatayan.
Naniniwala naman ang opisyal ng CIW na posibleng bumaba ang hatol sa kanila. Si Yolanda Garcia, isang wardress at 30 taon na sa correctional ang nagsabi. Kadalasan ay compassionate ang hustisya sa mga kababaihan. Sa ngayon, mayroong 250 mga bilanggo ang nahahanay sa death row. At ito ay patuloy na nadaragdagan. Gayunpaman, marami sa kanila ang umaasa sa pag-rebisa ng kaso ng Korte Suprema na mabago ang kanilang sintensiya.
ERAP HANDANG HARAPIN SI DE VILLA SA 1998
Hindi uurungan ni Vice President Joseph Estrada si Defense Secretary Renato de Villa sa 1998 Presidential elections. Ayon kay Estrada, kahit suportado pa ng mga negosyante si De Villa, kaya itong tapatan ng mas malawak na suporta sa kanya ng masa. Nguni't, iginiit naman ng Makati Business Club na wala itong ini-endorsong kandidato.
Kabado si Senador Blas Ople na baka gamitin lang ng administrasyon ang naturang pondo para sa 1998. Kahit matunog ang balita na maaaring si De Villa ang piliin ng Pangulo, ayon kay Ople si "De Villa is a long way from upsetting Jose de Venecia." Itinanggi naman ngayon ng Makati Business Club na inendorso na nila si De Villa bilang kandidato. Sinabi ni Ricardo Romulo, chairman ng Makati Business Club, na kahit kailan, hindi pa nag-endorso ng kahit sinong kandidato ang kanilang grupo. "The Makati Business Club, as a matter of policy does not endorse anyone for public office," says Romulo. Handa naman si Vice President Estrada na kalabanin si De Villa. Aniya, si De Villa ay suportado ng mayayaman na higit na mas kaunti kaysa sa masang sumusuporta sa kanya.
Minungkahi rin ni Ople ang pagtatayo ng opposition council na kabibilangan nina Senador Ernesto Maceda, Edgardo Angara, Ernesto Herrera, Miriam Santiago, at dating Ambassador na si Eduardo Cojuangco. Ang Council, aniya, ang bubuo ng nationwide alliance. Ngunit, malabo daw ito, ayon kay Maceda.
1997 BUDGET DEADLOCK DAHIL SA "PORK BARREL"
Malamang na ang napagtibay na budget ng bansa nuong 1996 ang gamitin ng pamahalaan sa taong 1997. Hindi pa rin magkasundo ang Senado at Kamara kung kaninong "pork barrel" ang babawasan o tuluyang tatanggalin.
Nagmamatigas pa rin ang mga Senador na panatilihin ang kanilang "insertions" na P9 bilyon bawat isa sa 1997 budget. Ayon kay Senate President Ernesto Maceda, ang Kamara ang dapat magbigay. Subalit, ayon kay House Speaker Jose de Venecia, ipokrito ang mga Senador. Aniya, gusto nilang bawasan ang Countrywide Development Fund o CDF, ng 20 porsiento pero ayaw naman nilang alisin ang kanilang "insertions". Sa Malakanyang, kung hindi mare-resolba ng Kongreso ang isyu, nakahanda itong gamitin ang 1996 budget.
Ngunit, nabahala naman si SPCPD chairman Nur Misuari. Aniya, hindi pa kasama sa 1996 budget ang pondo para sa Southern Philippines Council for Peace and Development. Nababahala din ang ilan na kung matutuloy ang paggamit muli ng 1996 budget, maaaring gamitin ng Commission on Elections ang pondo para sa isang plebisito para muling makatakbo ang Pangulong Ramos. Batay sa 1996 General Appropriations Act, walang pumipigil sa Comelec na gamitin ang pondo sa isang plebisito.
GRP-MILF TALK PEACE
Nagtungo na sa Cotabato si Ambassador Fortunato Abat, chairman ng GRP panel, para sa pagsisimula ng peacetalks sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Enero 7. Ayon kay Abat, wala siyang nakikitang balakid para hindi magtagumpay ang usapang pangkapayapaan. Bumuo ng dalawang komite si Abat na siyang bubuo ng mga "ground rules" para sa pormal na usapan.
PBA RIGODON
Kung may rigodon sa pulitika, mayroon din sa PBA. Malaki ang pagbabagong makikita sa mga teams sa darating na All-Filipino Conference ng Philippine Basketball Association. Marami ang naalis at napalitan, hindi lang mga players, pati na rin ang mga coaches.
Nagulat ang lahat ng basketball fans nang magbitiw si Norman Black bilang coach ng San Miguel Beer para lumipat sa Mobiline. Pinalitan ni Black si Yeng Guiao na mag-a-anchor nalang ng PBA. Inaasahang makakabangon ang Mobiline sa pamumuno ni Black.
Ayon sa sources, lilipat sa Mobiline sina Glenn Capacio, Alvin Teng, at Eric Reyes. Si Eugene Quilban at Jack Tanuan ay lilipat naman sa Sunkist. Hindi lang si Black ang lumipat ng koponan. Si Chot Reyes ng Purefoods ay coach na ng Santa Lucia. Ang bagong coach ng Purefoods ay si Eric Altamirano.
Samantala, si EJ Fiehl ng Ginebra ay balitang inaakit ng ibang team gaya ng Purefoods at Shell. Si Alvin Patrimonio naman ay hindi pa nakakapirma ng kontrata sa Purefoods. Ganoon din sina Allan Caidic at Samboy Lim ng San Miguel. Tanging ang Alaska na siyang paborito pa rin para sa titulo, ang hindi magbabago ng line-up.
PHASE-OUT NG LUMANG BARYA EXTENDED
Humihingi pa ng 30 araw na ekstensyon si Senador Blas Ople bago tuluyang i-phase-out ang mga lumang barya. Nanawagan din siya sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na palawakin pa ang kampanya sa pagpapalit ng mga bagong barya upang hindi malito ang publiko. Nilinaw naman ng Bangko Sentral na maari pa ring tanggapin sa mga tindahan ang mga lumang barya na gawa bago mag-1995. Ito'y upang maiwasan ang pila at siksikan sa mga bangko.
Ayon kay BSP officer-in-charge Lorenzo Zafico, mas mabuti ang mga may-ari na lang ng tindahan ang magpapalit ng mga bagong barya sa mga bangko.
MAY TOPAK NA GINANG NANUNOG
Sampung kabahayan ang tinupok ng apoy sa Juan Luna Street, Tondo, Maynila kagabi. Hindi aksidente ang nangyari kundi sinadyang sunugin ng isang ginang na galit na galit sa naghihiwalay na mag-asawa.
Ang separasyon nina Vic Sotto at Dina Bonnevie ilang taon na ang nakararaan ang umano'y nagresulta rito. Sampung kabahayan ang na-abo. Hindi akalain ng mga nakatira rito na sasadyaing sunugin ito ng kanilang kapitbahay na si Elvira Catle. Napanood sa TV ni Elvira si Vic. Agad nagpaalala sa kanya ang masaklap na sinapit ng relasyon nito sa idol na si Dina. Gusto niya pa rin si Dina para kay Vic.
Lumabas ng bahay si Elvira. Iniwan ang mga anak sa di kalayuan at bumalik ng bahay. Sinindihan ni Elvira ang kumot at nagtatakbo palabas. Agad na kumalat ang apoy. Sinisi ng mga residente si Elvira. Galing raw sa ito sa mental hospital. Si Vic pa rin ang sinisi niya kaya siya na-mental. Asar raw siya sa mga magsing-irog na naghihiwalay. Tulad ni Dina, hiwalay rin sa asawa si Elvira. Nang tanungin ng ABS-CBN News kung sino ang kanyang asawa, sagot ni Elvira ay si Cesar Montano. Si Elvira ay nakatakdang dalhin muli sa mental ospital.
Go Back To News Service Index
LUNAS PARA SA IMPOTENCE NADISKUBRE
Para sa mga kalalakihan ang istoryang ito. Nagkakaproblema ba kayo sa inyong pagkalalaki? May nadiskubre nang gamot para sa impotency o walang kakayahang makipag-talik. Tinatawag itong Medicated Urethral System for Erection o "Muse". Ipinapasok ito sa urethra sa may dulo ng ari ng lalaki.
Sa isang pagsusuri ng halos 2,000 lalaki na may edad 27 hanggang 88-taong gulang, napatunayang epektibo ito mula 30 hanggang 60 minuto. Sinasabing napakahina ng side effects ng gamot na ito. Ang medisina ay maaring mabili sa Estados Unidos anumang araw mula ngayon.