Jalosjos Hindi Nakalabas Ng Bansa
Nasa Zamboanga del Norte pa rin si Congressman Romeo Jalosjos. Ayon sa NBI Region 9, malamang na hindi ito nakalabas ng bansa dahil may mga nakakita sa kongresista sa Zamboanga City nitong nakaraang Linggo. Ngunit sa isang panayam, sinabi ni Rosegildo Lim, NBI regional officer ng Region 9, na 100 percent sure silang wala na sa Zamboanga City si Jalosjos.Aniya, mahigpit nilang binabantayan ang galaw ni Congressman Jalosjos, maging ang bahay ng kanyang ina dito sa Zamboanga City. Ngunit nitong Lunes lamang, a-30 ng Disyembre, naka-usap ng ABS-CBN Zamboanga ang isa sa katulong sa bahay ng ina ng kongresista dito sa siyudad. Ayon dito, kaa-alis lamang ni Jalosjos nuong umagang iyon. Ngunit isang katulong pa ang dumating at nagsabing hindi totoo ang sinabi ng unang maid.
Kinumpirma naman ng lokal ng NBI na mayroon ngang ulat na nagtungo sa Zamboanga City si Jalosjos, ngunit lumalabas na hindi umano totoo. Malamang anya, na nananatili sa kanyang beach resort sa Dakak, Zamboanga del Norte si Jalosjos. May report na nakita dito si Jalosjos sa Dapitan City sa Zamboanga del Norte. Binabantayan ngayon ng NBI ang staffhouse ng Congressman sa Dakak Beach Resort dahil sa naturang ulat. Pinapaligiran na rin ng NBI teams ang resthouse mismo ng Congressman na nasa isang maliit na isla sa naturang resort.
Jalosjos Accuser Tinatakot
Patuloy umanong tinatakot ng kampo ni Congressman Jalosjos ang batang babae na nagsampa ng kasong rape laban sa kanya.Ayon sa abogado ng bata na si Katrina Legarda, nawawala pa rin ang tinuturing na kapatid ng biktima na maaaring dinukot ng mga alagad ng kongresista. Ayon kay Atty. Legarda, isang tawag ang tinanggap ng biktima mula sa kanyang tinuturing na kapatid noong Linggo ng umaga habang ito'y nasa Department of Social Welfare and Development (DSWD) office sa Legarda, Manila. Subalit nagtataka ang abogada kung papano nasusundan ng kampo ni Jalosjos ang mga kilos ng bata. Anya, maaaring may nagbibigay ng impormasyon sa kongresista sa mga taong nakakaalam ng iskedyul nito.
Sa ngayon, tanging ang Department of Justice (DOJ) at DSWD lamang ang nagtatakda ng mga lakad ng biktima. Binatikos din ni Legarda ang NBI dahil sa hindi nito pagkilos upang masagip ang kapatid ng biktima na nasa kamay ng kaibigang bugaw ng ama-amahan ng biktima, samantalang matagal na nilang alam kung saan matatagpuan ito. Itinanggi naman ng abogado ni Jalosjos na alam niya kung nasaan ang kongresista. Nanawagan ito kay Jalosjos na sumuko na.
Gov't Set To Freeze Jalosjos' Assets
Umaabot sa P32 milyong halaga ng mga ari-arian ni Congressman Romeo Jalosjos na posibleng i-freeze ng gobyerno dahil sa patuloy nitong pagtatago. Batay ito sa idineklarang assets ni Jalosjos sa Kongreso noong Abril, 1996.Sa kanyang Statement of Assets and Liabilities para sa taong 1995 na nakuha sa Kongreso, lumalabas na P26 milyong piso ang "networth" ni Congressman Jalojos. Sa bahagi ng "real properties", isang condominium unit sa Ritz Towers sa Makati, dalawang bahay sa Dipolog City at Silinog sa Zamboanga del Norte, at iba't-ibang lupain sa Taguilon, ang idineklara ni Jalosjos, na sa ngayo'y nagkakahalaga ng P25 milyon. Deklarado din ang mga business interests ng kongresista sa Dakak Beach Resort Corporation, at sa Television and Production Exponents. Hindi idineklara ni Jalosjos ang condominium unit nito sa Pacific Place sa Ortigas Center sa Pasig, na ni-raid noong nakaraang linggo. Ilan ito sa mga assets na pinag-iinteresan ngayon ng gobyerno, lalo na't isang "fugitive" na si Jalosjos sa batas.
Ayon naman sa Malakanyang, dapat i-suspend na talaga ng Kongreso si Jalosjos. Batay sa rules on criminal procedure, maaaring hilingin ng prosekusyon na i-freeze ng korte ang mga ari-arian ni Jalosjos. Dalawa ang dahilan: upang hindi maibenta o maitago ni Jalosjos sa ibang pangalan ang kanyang mga ari-arian; at pati para may pambayad sa biktima sakaling mapatunayang nagkasala si Jalosjos.
Presyo Ng Langis Tataas Muli
Malakas ang posibilidad na tataas na naman ang presyo ng lahat ng produktong petrolyo.Ayon sa Energy Regulatory Board (ERB), ito ay bunga ng malaking pangangailangan ng mga European countries sa langis dahil sa patuloy na paglamig ng panahon. Ito ang ika-anim na pagtataas ng presyo ng langis simula ng ipatupad ang Oil Deregulation Law.
Ayon sa ERB, mula Disyembre hanggang ngayon, patuloy na tumataas ang presyo ng produktong petrolyo sa Singapore Posted Price. Ang liquefied petroleum gas (LPG) ang may pinakamalaking pagtataas na 88 sentimo kada litro. Ang aviation turbo naman ay itataas ng 38 sentimo. May 33 na sentimong dagdag bawat litro sa kerosene; 32 sentimo naman sa diesel oil; 14 na sentimo sa premium gasoline at thinners; 15 sentimo sa unleaded gasoline; at 20 sentimo naman sa regular gasoline. Sinabi pa ni ERB chairman Bayani Faylona, na sasaluhin ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF) ang 38 sentimo na increase sa presyo ng LPG.
Ang OPSF ay higit na lamang sa P250 milyon nitong katapusan ng 1996. Sa kabila nito, umaasa pa rin ang ERB chief na ang lahat ay ayos na sa Marso para sa pagpapatupad ng full deregulation sa oil industry. Kung hindi magbabago ang kalakaran sa Singapore Posted Price, na siyang basehan sa pagtataas ng presyo ng langis, aabutin sa 22 sentimo ang kabuuang dagdag sa presyo ng lahat ng produktong petrolyo.
Galvez Inakusahan Ng Illegal Possession Of Firearms
Pormal nang isinampa ng pamilya Vinculado sa National Bureau of Investigation (NBI) ang reklamong illegal possesion of firearms laban kay San Ildefonso, Bulacan Mayor Honorato Galvez.Batay sa reklamo, hindi lisensiyado ang baby Armalite ni Galvez na ginamit umano sa pamamaril at pagkakapatay kay Alvin Vinculado at pagkakasugat ng kanyang kambal na si Levi at tiyuhin nilang si Miguel Vinculado. Umaasa ang pamilya Vinculado na ang panibagong kasong ito ang magdidiin kay Galvez para makulong.
Samantala, babasahan sa Lunes ng kasong rape with homicide ang tatlong tricycle drivers sa Calumpit, Bulacan. Sila Arnel Gonzales, Econgco Magno alias "Momoy", at Catalino Faustino ang mga akusado sa pang-aabuso at walang awang pagpatay sa isang 17 taong gulang na first year Computer Engineering student sa Bulacan.
Disyembre 18, nang umalis ng bahay si Karen Christine Macapagal papasok sa Bulacan State University at paghahandaan ang Christmas party. Hindi na siya nakauwi. Sa imbestigasyon nina Calumpit Police Chief Reynaldo Orante, hinarang ang biktima ng tatlong tricycle driver habang papauwi nuong gabi ring iyon.
Sa loob pa lamang umano ng tricycle ay pinukpok na ang ulo ni Karen at halinhinang inabuso saka sinakal hanggang sa mamatay. Sa isang ilang na bukid sa Barangay Calumpang, Calumpit, Bulacan, pagkatapos ng isang linggong paghahanap kay Karen, nakita ang kanyang naagnas na bangkay na halos hindi makilala. Nakilala lamang si Karen sa ID na naiwan sa lugar ng krimen. Sa otopsiya ay napatunayang inabuso si Karen at nilaslas ang kanyang tiyan.
Nahuli sina Gonzales, Magno, at Faustino, mga tricycle drivers sa Calumpit, Bulacan. Isang testigo na kasama ng mga suspect ang nagbulgar ng lahat. Sinabi nitong inilawan pa niya ang mga umano'y lasing na suspect habang ginagawa ang krimen. Wala itong nagawa dahil sa banta ng mga suspect. Isinampa na ang kasong rape with homicide, isang heinous crime. At ayon kay Chief Inspector Orante, sigurado na sila sa mga suspect at umaasa silang kamatayan ang magiging parusa sa mga ito.
Samantala, isa ring menor de edad ang pinatay matapos pagtangkaang gahasain ng tatlong lalake na wala sa katinuan ang pag-iisip sa Binan, Laguna. Labing-apat na taong gulang lamang si Ritchelle Benjamin. Walang maisip na dahilan ang mag-asawang Benjamin kung bakit ang anak pa nila ang dumanas ng kalunos-lunos na trahedya.
Noong a-3 ng Enero, nakita na lang patay si Ritchelle. Tadtad ng saksak ang iba't ibang parte ng katawan at may indikasyon na ito'y tinangkang gahasain. Sa kuwarto ni Harold Amatorio, isang kapitbahay, nakita ang bangkay ng bata. Sa kanya rin nakuha ang patalim na ginamit. Itinuro naman ni Harold ang kaibigan, si Jessie Mahalin, na siyang may kasalanan. Iniimbistigahan ngayon ng pulisya ang anggulo na may isa pang sangkot din sa krimen.
Kidnapping Cases Hindi Tumataas - DILG
Itinaggi ngayon ng Department of Interior and Local Governments (DILG) na tumaas ang bilang ng kidnapping sa bansa noong nakaraang taon.Ngunit batay sa report ng Citizens Action Against Crime (CAAC), malaki ang itinaas ng kidnapping cases noong 1996, at paborito pa ring biktimahin ng mga kidnappers ang mga negosyanteng Intsik. Halos tatlong taon nang minamanmanan ng CAAC ang insidente ng kidnapping sa bansa.
Ayon kay Teresita Ang-Sy, isa sa mga opisyal ng grupo, nitong nakaraang Nobyembre, halos araw-araw ay may naki-kidnap. Sa talaan nila Ang-Sy, umabot sa 147 ang bilang ng mga kinidnapping incidents noong isang taon. Karamihan ay dinukot sa Metro Manila. Ilan rito'y mga negosyanteng Tsino.
Ngunit ayon kay DILG Secretary Robert Barbers, hindi sapat na batayan ang listahan ni Ang-Sy upang sabihing gumagrabe ang kidnapping sa bansa. Paniwalaan man o hindi ang kanilang listahan ng mga biktima ng kidnapping, sinabi ni Ang-Sy na hindi lamang ang Filipino-Chinese businessmen ang takot, kung hindi pati malalaking negosyante sa bansa dahil sa banta ng mga sindikato.
Aniya, nananatili pa rin ang banta ng mga negosyanteng Tsino na umalis na sa bansa kung walang gagawin ang pamahalaan upang pigilan ang problema sa kriminalidad.
Cabinet Revamp Iginiit
Iginiit ni Senate President Ernesto Maceda na balasahin ni Pangulong Ramos ang gabinete kaugnay ng naging resulta ng survey ng Transparency International, kung saan lumabas na ika-11 ang Pilipinas sa mga pinaka-corrupt na bansa.Sinabi ni Senador Maceda na matindi na ang corruption sa gobyerno. Base sa kanyang mga dokumento, ibinunyag niya ang 10 pinaka-corrupt na ahensiya ng gobyerno. Nangunguna sa kanyang listahan ay ang Department of Education, Culture and Sports; pumapangalawa ang Department of Transportation and Communications. Sumusunod naman ang Department of Public Works and Highways, Public Estates Authority, at Bureau of Customs.
Dahil dito, lalo nang dapat balasahin ang gabinete. Bukod kay DOTC Secretary Amado Lagdameo, dapat na aniyang sibakin na rin sina Education Secretary Ricardo Gloria at Public Works Secretary Gregorio Vigilar. Idinagdag niya na maraming "talents" na puwede sa gabinete.
Sec. Roberto De Ocampo Para Pangulo Sa 1998?
Nagiging matunog ngayon ang pangalan ni Finance Secretary Roberto de Ocampo sa 1998 elections.Samantala, nakakita na umano ng running mate si Vice President Joseph Estrada. Unang nabalitang pinipilit ng mga malalaking negosyante si De Ocampo na kumandidato bilang pangulo. Kamakailan, nililigawan din umano siya ng Bise-Presidente para maging running mate. Ngunit ayon sa Secretary of Finance, hindi muna niya nais isipin ang mga ito. Gayunman, hindi rin niya sinasara ang posibilidad. "I'd like to focus on work and not think of politics. But I'm keeping the door open," says De Ocampo. Maaalalang pinangalanang "Finance Minister of the Year" si De Ocampo ng isang sikat na German magasin. Kahapon, pinuri ni Pangulong Ramos ang magandang performance nito.
Ngunit, ayon sa kampo ni Estrada, maaring si Senador Orlando Mercado ang maging running mate ng Bise-Presidente sa 1998. Si Mercado ay sumapi na sa Partido ng Masang Pilipino (PMP).
Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station, si Senador Gloria Macapagal-Arroyo pa rin ang nangunguna sa mga senador na pinaka-kuwalipikadong maging presidente ng bansa. Pumapangalawa naman si Miriam Defensor-Santiago. Sa kabila nito, ayon kay Governor Nur Misuari ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), wala pa ring kuwalipikadong pumalit kay Pangulong Ramos.
Arraignment Ni Rommel Padilla Ipinagpaliban
Ipinagpaliban ni Judge Martin Villarama ng Pasig Regional Trial Court, ang pagbasa ng kasong illegal possesion of firearms laban sa aktor na si Rommel Padilla. Ang arraignment ay muling itinakda sa a-7 ng Pebrero.Samantala, ipinapapapigil ni Senador Orlando Mercado ang pagpapalipad ng mga natitira pang F-5 fighter planes ng Philippine Air Force. Ito'y matapos mag-crash kahapon ang isang F-5 jet sa Pampanga kung saan dalawang katao ang namatay.
Ayon kay Mercado, dapat pag-aralan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang plano na bumili ng secondhand na F-5, na ayon sa kanya ay hindi na pwedeng pang air defense. Sa ngayon ay mayroon pang pitong F-5 ang Air Force, at dalawa dito ay hindi na puwede.
Go Back To News Service Index
3 Options Pinag-Aaralan Ng Alaska Hinggil Sa Isyu Ni Cariaso
Kinumpirma ni Alaska team manager Joaqui Trillo na tatapatan nila ang P14.4 milyong offer sheet ng Mobiline kay Jeffrey Cariaso.Pero ayon kay Trillo, mayroon silang tatlong options na pinag-aaralan. Una, i-trade si Jeffrey kapalit ng dalawang players. Pangalawa, panatilihin si Cariaso sa team. At ang ikatlo, ay ipaubaya si Cariaso sa Mobiline. Ngunit kahit saan mapunta si Cariaso, ang suweldo niyang mula P90,000 ay tiyak na tataas sa P400,000 kada buwan.