Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 01/10/97
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

"MORO-MORO" MANHUNT VS. JALOSJOS
BARBERS PERSONAL NA TUTUGIS KAY JALOSJOS
ANO ANG NASA SA ISIP NG ISANG FUGITIVE?
NATIONAL ID SYSTEM LABAG SA KONSTITUSYON
REVAMP SA DOTC IPATUTUPAD
MNLF INTEGRATION SA PNP PANSAMANTALANG SINUSPINDE
DALIRI NG BLACK NAZARENE, NAWAWALA
KLASIPIKASYONG X-RATED PINANINDIGAN NG MTRCB


"Moro-Moro" Manhunt Vs. Jalosjos

Protektado umano si Congressman Romeo Jalosjos ng kanyang mga nasasakupan, partikular sa Zamboanga del Norte. Bukod sa marami siyang "supporters" sa larangan ng pulitika at negosyo dito, marami rin sa mga pulis na siyang nagsasagawa mismo ng "manhunt" ay kumpadre ng kongresista.

Alas 3:30 ng hapon nang marating ng mga tauhan ng PNP Zamboanga Provincial Command ang isla ng Selinog. Dito, ayon kay Dapitan Mayor James Adasa huling nakita si Congressman Romeo Jalosjos. Ngunit nang pasukin ng mga pulis ang Sultan House ni Jalosjos, walang bakas na iniwan ang kongresista dito.

Nagdududa naman ang ilang lokal na mamamahayag sa operasyon na isinagawa ng mga pulis sa isla ng Selinog. Anila'y di naman binuksan ng pulis ang ilang kuwarto at malalaking cabinet na maaaring pinagtataguan ni Jalosjos. Nuong gabi rin bago isinagawa ang raid, may 10 tauhan ang PNP na pumasok sa bahay ni Jalosjos. Ayon sa mga local reporters, maaaring binalaan na ng mga ito si Jalosjos.

Samantala, tumatanggi pa rin ang mga kapatid ni Jalosjos na humarap sa media. Isang nakababatang kapatid na si Cely Jalosjos Carreon ay inabutan lamang ng ABS-CBN News sa airport ngunit biglang nagtago nang makita ang camera.

At kahit ang kura paroko ng Dapitan City, Zamboanga del Norte, ay sang-ayon sa ginagawang pagtatago ni Jalosjos. Halos 40 taong nanilbihan sa pamahalaan si Fiscal Hermogenes Balisado. Siya rin ang ama ni Vicente, abogado ni Jalosjos sa Rosalyn case. Inaamin nilang mahilig talaga sa babae si "Nonong". Ang mga babae naman daw ang lumalapit sa kanya.

Gayunman, marami ang naniniwalang malamang na ang tunay na salarin sa kaso ni Rosalyn ay ang nakababatang kapatid ng congressman na si Dominador Jr. Si dominador ay nasangkot sa ilang kasong pagpatay tulad ng pananambang kay Mayor Robert Poculan at pag-masaker sa tatlong kabataan nuong taong 1984. Si Dominador, anila'y kamukhang-kamukha ni Congressman Jalosjos.

Back to Top


Barbers Personal Na Tutugis Kay Jalosjos

Personal na tutugisin ni Interior Secretary Robert Barbers si Congressman Romeo Jalosjos kapag natukoy ang kinaroonan nito. Nananatiling malabo ang kinaroonan ni Jalosjos sa kabila ng maraming impormasyon na nakita siya sa iba't ibang lugar.

Sinabi kahapon ni Zamboanga Task Force Jalosjos commander, Chief Superintendent Manuel Pepino, na nuong Disyembre a-26 pa umalis mula sa Dakak si Jalosjos patungong Indonesia. Kaagad ipinatawag ni Barbers si Pepino upang kumpirmahin ang ulat. Samantala, hindi makatuwiran na i-freeze ng Department of Justice ang lahat ng ari-arian ni Congressman Jalosjos.

Ayon kay Professor Alfredo Tadiar ng UP College of Law, posible lamang ang pagpi-freeze sa assets ni Jalosjos dahil sa "civil liability" niya sa naturang kaso. Sinabi rin ni Professor Tadiar na maaaring makakuha ng immunity sa pag-aresto si Jalosjos pagkaraan ng 20 taon niyang pagtatago sa batas. Gayunman, kailangan anyang narito lamang si Jalosjos sa Pilipinas o sa ibang bansang may extradition treaty ang ating pamahalaan.

Back to Top


Ano Ang Nasa Sa Isip Ng Isang Fugitive?

Dahil hindi pa rin makita si Congressman Romeo Jalosjos, minabuti ng ABS-CBN News na kausapin ang isang psychologist upang malaman o hulaan man lang kung ano ang nasa sa isip ng isang nagtatago sa batas.

Masikip ang daigdig ng isang fugitive. Ayon kay Dr. Tina Jayme-Montiel ng Ateneo de Manila University, para sa isang fugitive na katulad ni Congressman Jalosjos, walang ibang mahalaga sa kanya kung hindi ang kanyang kaligtasan kahit patalsikin pa siya sa Kongreso. Ayon kay Montiel, kakaunti lamang ang pinagkakatiwalaan at pinagkukunan ng impormasyon ng isang fugitive dahil hindi maaaring magkamali. Kritikal ang ganitong sitwasyon, dahil nagdudulot ito ng sobrang tensyon sa isipan ni Jalosjos. Gagamitin niya ang lahat ng "resources" upang makaiwas sa batas.

Hindi lang ang 11 anyos na batang ni-rape daw niya ang biktima sa kasong ito. Hanggang kailan nga ba magtatago sa batas si Romeo Jalosjos? Ayon sa mga psychologists, susuko lang ang isang fugitive kapag naubusan na ito ng tinatawag na material at emotional resources, at kapag ang mismong mga malalapit sa kanya ang mag-aapela para siya ay sumuko.

Back to Top


National ID System Labag Sa Konstitusyon

Kailangang dumaan sa approval ng Kongreso ang National ID System. Ito ang iginiit ngayon ni Congressman Edcel Lagman.

Samantala, hiniling ng Commission on Human Rights na malathala ang kabuuan ng direktiba upang mapawi ang pangamba sa National ID System. Iginiit ngayon ng mga human rights groups na hindi bababa sa limang probisyon ng Konstitusyon ang nilabag ng national ID system. Ito ay ang right to travel and liberty of abode, right to privacy, right against self-incrimination, right to dissent, at right against unreasonable searches without probable cause.

Ayon naman kay Congressman Lagman, kailangang dumaan sa Kongreso ang panukalang ito sapagkat aabutin ng bilyon ang maaring gastusin para dito. "There are funds to be used, and you can't just source the funds from the existing budget of participating agencies because that would be depleting them of money for programs already earmarked," says Lagman.

Ayon naman kay Executive Secretary Ruben Torres, handang kausapin ng Malakanyang ang mga mambabatas na tumututol sa national ID system. Ayon naman kay Satur Ocampo, hindi maitatanggi na ang unang naging layunin ng panukalang batas na ito ay upang talasan ang seguridad ng mga militar. Matatandaang unang iminungkahi ito nuong Chief of Staff pa lamang ang Pangulong Ramos nuong 1988. Ayon sa Integrated Bar of the Philippines, kapag naipatupad ang national ID system ay maari nang masilip ng gobyerno ang mga pribadong transaksyon ng bawat indibidwal.

Sa kabilang dako, deadlock ulit ang Senado at ang Mababang Kapulungan sa 1997 budget. Ayon kay finance committee chairman Ernesto Herrera, gusto ng Mababang Kapulungan na ilagay muli sa item na Countrywide Development Fund ang 40 percent ng pork barrel na napag-usapan nilang ilaan para sa "hard infrastructure."

Sa ganitong sistema, ang mga kongresista ay magkakaroon pa rin ng kontrol sa CDF. Nais ni Herrera na i-distribute sa mga ahensiya ng gobyerno ang 40 percent ng CDF. Ngayon ang huling pag-uusap ng dalawang mambabatas bago magkaroon ng bicameral meeting sa susunod na linggo.

Back to Top


Revamp Sa DOTC Ipatutupad

Napipinto ang pagbabalasa sa mga opisyales ng Department of Transportation and Communication (DOTC) bunga ng katiwalian. Tinukoy ni DOTC Secretary Amado Lagdameo ang ilang mga opisyales nito na nakipagsabwatan sa mga suppliers.

Dahil dito, lumaki ang presyo ng mga telecommunication spare parts sa halagang P20 milyon. Hiniling na rin ni Lagdameo na imbestigahan ng Commission on Audit ang Telecommunications Office at ang DOTC Communications Project Management Office.

Back to Top


MNLF Integration Sa PNP Pansamantalang Sinuspinde

Itinigil muna ang pagsasanib ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front sa Philippine National Police sa kahilingan na rin ni ARMM Governor Nur Misuari. Hiniling ni Misuari kay DILG Secretary Robert Barbers na pag-aralang mabuti ang record ng mga aplikante. Nangangamba si Misuari na mapasanib sa pambansang pulisya ang mga Muslim na hindi tunay na miyembro ng MNLF. Ang pagsasanib ng 5,000 MNLF members ay bahagi ng napag-kasunduan sa peace talks.

Back to Top


Daliri Ng Black Nazarene, Nawawala

Nawawala ang isang daliri ng Nazareno sa Quiapo matapos ang prosisyon sa pista kahapon. Sa prusisyon kahapon ng imahe ng Black Nazarene ng Quiapo, marami ang nadismaya hindi lamang dahil sa kaguluhan kung saa'y marami ang nasaktan. Ang labis na ikinalulungkot ng mga deboto, naputol at ngayo'y nawawala ang isa sa mga daliri sa kanang kamay ng Nazareno.

May 400 taon na ang imahe ng Nazareno. Ayon sa mga deboto, nakapanghihinayang kung hindi maibabalik ang nawawalang daliri. Halos limang beses kamuntik ng bumagsak ang imahe ng Nazareno. Hindi nakontrol ng mga organizers ang mga tao kaya't hindi rin natapos ang buong prusisyon. Pati ang krus na pasan ng Nazareno ay napinsala.

Ayon sa mga volunteers ng simbahan, minsan ng nawala ang daliri ng imahe subalit naibalik rin. Ang korona nito ay pinag-interesan na rin noon subalit nasira umano ang ulo ng nagnakaw. Sa loob ng mahabang panahon, maraming pagsubok na ang pinagdaanan ng mahal na Nazareno ng Quiapo gaya ng mga nagdaang digmaan. Dahil dito, lubos na umaasa ang mga devotees na maibabalik ang nawawalang daliri sa lalong madaling panahon.

Back to Top


Klasipikasyong X-Rated Pinaninindigan ng MTRCB

Pinaninindigan ngayon ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB ang desisyon nitong i-ban ang pelikulang "Ligaya Ang Itawag Mo Sa Akin". Dalawang beses ni-review ng MTRCB ang pelikula ni Rossana Roces. Dalawang beses din itong binigyan ng x-rating.

Ayon MTRCB chairman Jesus Sison, "morally objectionable" ang pelikula na nagtatampok sa malaswang eksena ng isang prostitute at pari. Ayon naman sa direktor nito, mahalaga ang lahat ng dialogue at eksena para sa integridad ng istorya. Ang x-rating anya ay paglabag sa freedom of expression. Nakatakdang i-apela ng producer na si Armida Siguion Reyna ang desisyon sa Malakanyang.

Back to Top

Go Back To News Service Index