Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 01/27/97
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

PALASYO PUMAYAG NA SIBAKIN SI PEPINO
MEASLES OUTBREAK ISINISI KAY FLAVIER
KATIWALIAN NG MONEY CHANGERS LAGANAP
SERBISYO SA TUBIG PAG-IIBAYUHIN
MULING PAGTANGGAP NG MWSS EMPLOYEES PINAG-AARALAN
2 SURVEYOR NG PNOC HAWAK PA RIN NG MGA KIDNAPPERS
HIMPILAN NG PULISYA SA LOS BANOS SANGKOT SA SALVAGING
UNGGOY NA MAY EBOLA DAPAT PATAYIN - DOH
SISTEMA SA ELEKSIYON GAGAWING MODERNO
MGA BAGONG ESTUDYANTE AABOT SA 2.7 MILLION
HOT AIR BALLOON SHOW SA CLARK, TAGUMPAY
AUTISTIC CHILDREN MAY KARAPATANG MANGARAP - ASP


Palasyo pumayag na sibakin si Pepino

INAPRUBAHAN na ng Malakanyang ang rekomendasyon ng liderato ng PNP na sibakin sa serbisyo si Chief Superintendent Manuel Pepino.

Kaagad namang bumuo ng five-man panel si PNP Chief, Recaredo Sarmiento, para masimulan kaagad ang summary dismissal proceedings laban sa dating Mindanao Task Force Chief. Ang kaso ni Pepino ay kaugnay ng kanyang kontrobersyal na pahayag na naging dahilan pa ng kaguluhan sa "manhunt" operations kay Congressman Romeo Jalosjos. Sinabi ni Pepino na nakatanggap siya ng intelligence report na sa Manado, Indonesia, si Jalosjos nagtatago.

Samantala, duda si Jalosjos sa ulat ng isang lalaking nag-aangking ama niya ang kongresista. Nabigla ang kongresista sa balitang may anak siyang lalaking may edad 28 sa Iloilo.

Sa isang press conference kanina, sinabi ni Jalosjos na maaring "gimik" lamang ito ng prosekusyon.

Sa isang interview, sinabi ni Melchor Gabais-Gardoce na siya'y anak ni Jalosjos sa dating nilang katulong ni Nida Blanca. Siya ngayo'y isang tricycle driver sa Iloilo. Aniya, ginahasa ni Jalosjos ang kanyang ina noong 15 taong gulang pa ito.

Ayon naman sa kongresista, dadalawin ng lalaki ang kongresista sa kanyang selda, bukas. Itinanggi naman ni Nida Blanca ang akusasyon. Aniya, hindi na menor-de-edad ang nasabing ina ng lalaki nang manilbihan ito sa kanila.

Samantala, umaasa si Jalosjos na mapapawalang-sala ng Court of Appeals. Nakiki-usap siyang ipagpaliban muna ang arraignment niya sa a-29, at hintayin ang desisyon ng Court of Appeals sa kanilang "motion to quash".

Back to Top


Measles outbreak isinisi kay Flavier

ISINISI ni Health Secretary Carmencita Reodica ang measles outbreak sa pagpalpak ng dating ipinatupad na National Immunization Day ni dating Health Secretary Juan Flavier.

Habang nagbabatuhan ng sisi, patuloy naman ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng tigdas kung saan umabot na sa 44 ang bilang ng mga namatay sa loob lamang ng buwang ito. Mahigit 30 mga bata ang nasa kritikal na kalagayan ngayon sa San Lazaro Hospital. Walumput limang porsiyento ng kabuuang bilang ay may edad limang taon pababa at ang mga ito ay mga taga- Metro Manila. Dalawampung porsiyento sa mga naospital na mga bata ay wala pang siyam na buwang gulang at 82 porsiyento ng kabuuang bilang ng dinapuan ng tigdas ay hindi pa nababakunahan.

Ayon sa mga magulang ng mga bata, nagkataon daw na may sipon at ubo ang kanilang mga anak at natakot sila na baka kontra dito ang bakuna. Hindi rin daw dapat magpanik at kailanangang ipa-ospital ang batang may tigdas.

Gayunman, otomatikong kino-confine ang mga batang may tigdas na wala pang siyam na buwang gulang at yung may mga kumplikasyon. Ang sanggol na si Rowell Canete ay apat na buwang gulang lamang at dalawang linggo na siyang naka-confine sa San Lazaro. Tataas pa umano ang bilang ng kaso ng tigdas sa susunod na dalawang buwan.

Taliwas sa report ni dating Health Secretary Juan Flavier na matagumpay ang kanyang mga National Immunization Day, lumabas sa istatistika ngayon ng DOH na 64 porsiento ng mga bata ang hindi nabakunahan. Hinarap ni Reodica ang lahat ng health officials sa Metro Manila. Aniya, base sa istatistika, maaaring ibaba ang edad ng batang puwedeng bakunahan. Muli ring itatakda ang isang National Measles Immunization Day.

Back to Top


Katiwalian ng money changers laganap

NAGBABALA ang mga awtoridad sa publiko hinggil sa paglaganap ng panloloko ng mga money changers sa Ermita, Manila. Kagabi, umabot sa P80,000 ang nawala sa dalawang customers sa loob lamang ng isang oras. "Kotong" ang tawag ng mga pulis kapag sinadyang kulang ang ibinigay na pera ng mga money changers sa kanilang mga customers. Araw-araw, isa hanggang dalawa katao ang nabibiktima sa palitan ng pera sa Ermita.

Si Helen Bondoc at Yolly Belocora ay nabiktima ng "kotong" kagabi. Kulang ng P50,000 ang ibinigay ni Reynaldo Cajeda, ng Jocel Money Changer, kay Bondoc, sa ipinapalit nitong dolyar. Nadiskubre ng biktima na P140,000 lamang ang ibinigay sa kanya sa halip na P190,000, pagdating na lamang nito sa bahay.

Si Yolly Belocora naman ay binigyan lamang ng P35,800 sa halip na P61,800 ng RBL Money Changer. Ngunit itinanggi ito ng money changer. Subalit, ibinalik nito ang pera ni Bondoc matapos puntahan ito ng ABS-CBN News team.

Sa kabila ng paglaganap ng mga panloloko ng ilang mga money changers dito sa Maynila, wala pa ring aksiyon ang mga awtoridad. Ayon sa ilang sources ng ABS-CBN News, isang Noli Mendoza at isang police official ang mga umano'y protektor ng mga nasabing establisamento.

Back to Top


Serbisyo sa tubig pag-iibayuhin

TINIYAK ng Malakanyang na mapag-iibayo ang serbisyo sa tubig habang mapapababa pa ang singil rito sa ilalim ng pribatisasyon. Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Renato Cayetano, hindi rin dapat mangamba ang publikong makapagdidikta ng mataas na singil ang Benpres at Ayala dahil sa bubuuing Regulatory Body.

Binabatikos ni Senate President Ernesto Maceda ang magkaibang pricing scheme ng Ayala Consortium at Benpres. Aniya'y labag ito sa "equal protection clause" ng Konstitusyon. Ngunit sinabi naman ni Cayetano na walang nilabag sa Konstitusyon ang naturang bidding. Siniguro naman ni Executive Secretary Ruben Torres na pag-aaralan pa muli ng Malakanyang ang kontrata ng dalawang grupo bago ito aprubahan ni Pangulong Ramos.

Back to Top


Muling pagtanggap ng mwss employees pinag-aaralan

PINAG-AARALAN ng Benpres at Ayala ang posibilidad na makuha lahat ng kasalukuyang mga empleyado ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS). Kasabay nito, nangako rin ang dalawang kompanyang masisiyahan ang publiko sa serbisyo sa tubig sa sandaling mapaghati na ang sakop ng MWSS.

Ayon kay Benpress Chief Executive Officer Jose Javier Gonzales, maaasahan ng publiko ang mas magandang serbisyo sa mas mababang halaga dahil sa pagsasapribado ng operasyon ng MWSS. Dahil sa nangyaring bidding, bumababa sa kalahati ang water tariff ng halos P5.

Inamin ni Gonzales na tataas ito base sa inflation. Ngunit sulit pa rin ito, ayon kay Tony Aquino ng Ayala Property Management. Anila, magiging kampante ang publiko na malinis ang tubig na kanilang iniinom at 24 oras nang magkakaroon ng tubig.

Ayon sa Ayala, pipilitin nilang walang matatanggal sa mga empleyado. Pinag-aaralan naman ng Benpres kung ilan ang kaya nilang kunin.

Back to Top


2 surveyor ng PNOC hawak pa rin ng mga kidnappers

NANANATILI pa rin sa kamay ng mga kidnappers ang dalawang surveyor ng Philippine National Oil Company (PNOC). Pinalaya na kagabi ng mga kidnappers ang tatlong kontraktuwal na empleyadong kasamang dinukot noong nakaraang linggo. Humihingi ng P5 milyong ransom ang mga kidnappers kapalit ng kalayaan ng mga surveyors. Patuloy pa rin ang negosasyon ng Task Force Tabang para mailigtas ang mga surveryors.

Samantala, isang ceasefire agreement ang pinirmahan kanina ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front sa Maguindanao. Layon ng ceasefire agreement na wakasan ang higit isang linggong labanan sa pagitan ng MILF at Army sa bayan ng Buldon. Ayon sa kasunduan, babaklasin ng MILF ang mga checkpoint nito. Samantala, iaatras naman ng Army ang mga tropang ipinadala nito sa Buldon noong kainitan ng labanan.

Naniniwala ang mga Muslim na bukas ang pintuan ng langit sa sino mang mamatay na ipinaglalaban ang Islam, lalo't ngayon ay panahon ng ramadan. Ito ang sermon ng Ustadz sa mga rebeldeng MILF, bilang paghahanda sa posibilidad na ang labanan sa Buldon ay kumalat sa ibang lugar. Mula sa kampo nito sa Darul Aman sinabi ni Al Hadj Murad, Vice Chairman ng MILF, matagal nang balak pasukin ng militar ang bayan ng Buldon, bilang bahagi ng strategy nitong paligiran ang pinaka headquarters ng MILF sa Camp Abu Bakr.

Dahil dito, duda si Murad sa sinseridad ng gobyernong pumasok sa peace talks. Sa kabila ng pahayag ng dalawang panig, walang ceasefire sa Buldon. Umabot na sa libu-libo ang tropa ng army at MILF dito. Marami na ang mga nasasawi, sundalo, rebelde at sibilyan. Inamin ng isang opisyal ng army, na patakaran nila na paligiran ang kampo ng MILF. Pero wala silang balak lusubin ang Camp Abu Bakr. Ang patuloy na labanan sa Buldon ay patunay lamang na ang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at MILF ay hindi sapat para matiyak ang kapayapaan sa Mindanao.

Back to Top


Himpilan ng pulisya sa Los Baņos sangkot sa salvaging

ISANG buong himpilan ng pulisya sa Los Baņos, Laguna ang umano'y sangkot sa "salvaging" sa isang suspect na naunang inaresto matapos ang isang drug raid. Si Emil Cordova ay napatay ng Los Banos Police noong Nobyembre 1996, sa bahay na pina-uupahan ng kanyang magulang sa Sta. Rita Subdivision.

Ayon sa pulisya, nang-agaw ng baril si Cordova at nagtangkang tumakas, matapos mahuli sa isang drug raid sa Los Banos. Ngunit ayon sa mga testigo't pamilya ng biktima, si Cordova ay sinalvage.

Ayon sa isang witness, nang huling makita si Cordova, ito'y naka-posas, may nagbabantay na dalawang pulis, at mayroong kausap na isa pa sa loob ng isang kotse. Matapos ang ilang segundo, tatlong putok ang nadinig na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Base sa ulat ng mga testigo, napadaan lamang si Cordova sa bahay ng isang kaibigan sa Sta. Rita ng madaling araw. Biglang dumating ang mga pulis at nang-halungkat ng gamit kahit na walang search warrant. Lahat ng lalaki'y pinosasan at dinala sa presinto. Si Cordova lamang ang iniwan. Pinatay umano ito sa harap ng kotse ng hepe ng pulisya. Ang operation ay pinangunahan nina PO3 Nestor Katimbang at isang Garcia.

Ayon sa magulang ng biktima, personal ang motibo ng pagpatay sa kanilang anak. Pinagbibintangan umano si Cordova ni PO3 Katimbang na pumatay sa isang kamag-anak. Mula pa noong 1988, si Cordova'y isinangkot sa iba't-ibang kaso ng homicide, murder at serious physical injuries. Hindi lamang mapatunayan ng pulis.

Back to Top


Unggoy na may ebola dapat patayin - DOH

IGINIGIIT ng Department of Health na dapat patayin ang mga unggoy sa Ferlite Farms ngunit sa paraan na tahimik at walang kalupitan. Ito rin ang hinihingi ng Philippine Animal Welfare Society. At dahil lahat ng mga unggoy sa Ferlite ay mayroon nang Ebola, mas mabuti anya na patayin ang mga ito, ngunit dapat sa pinaka-makataong pamamaraan.

Sang-ayon si Nita Lichauco, presidente ng isang organisasyong tumutulong sa mga na-ulilang hayop. Lalo na't makakasama sa maraming tao ang dala nilang sakit.

Ayon sa DOH, hindi lamang Ebola ang dapat katakutan ng mga tao. Hinihinala na ang AIDS ay galing sa isang uri ng unggoy na kumalat sa mga tao, gayun din ang marami pang nakaka-matay na sakit.

Sa ibang balita, pinabulaanan ni MMDA Chairman Prospero Oreta na ipinasisibak niya si Executive Director Romeo Maganto, dahil hindi na naman niya makuha ang kooperasyon ng heneral sa bagong eskima ng trapiko na ipinatutupad sa Edsa. Hindi umano nagustuhan ni Maganto nang ipagbawal ni Oreta ang pagdaan ng mga bus sa fly-over. Sinabi ni Oreta na nagkasundo na sila ni Maganto sa puntong ito.

Back to Top


Sistema sa eleksiyon gagawing moderno

MALAPIT nang palitan ang lumang sistema ng prosesong elektoral sa bansa.

Kanina, idinaos ang Symposium on Asian Elections, na ang layunin ay magkatulungan ang mga bansa sa Asya sa paghahanap ng mga paraan para gawing moderno ang sistema sa eleksiyon. Sa talumpati ni Pangulong Ramos, binigyan niya ng importansiya ang kahalagahan ng modernisasyon. Papalitan nito anya ang batik na dulot ng mabagal na proseso ng halalan sa demokrasyang umiiral sa bansa.

Ayon sa Pangulo, kung oras lang ang kailangan sa ibang bansa para malaman ang resulta ng eleksiyon, inaabot pa rin ito sa Pilipinas ng ilang linggo. Ayon naman kay Chairman Bernardo Pardo ng Comelec, malapit ng matamo ang hinahangad na modernisasyon ng sistemang elektoral.

Back to Top


Mga bagong estudyante aabot sa 2.7 million

NAGING maayos at matagumpay ang ginawang pagpapatala ng mga batang papasok sa susunod na taon. Ayon sa Department of Education, Culture and Sports (DECS), aabot sa 2.7 million ang mga batang papasok sa susunod na taon.

Alas 6:00 pa lamang ng umaga, nagsimula na ang mga public schools para ilista ang mga batang mag-aaral sa susunod na taon. Ito ay bilang pagtugon sa National School Enrolment Day.

Ayon kay DECS Secretary Ricardo Gloria, higit sa dalawang milyon ang mga batang mag-aaral sa susunod na taon. Ito ay tatlong buwang mas maaga kaysa sa actual enrolment upang matugunan ang mga pagkukulang bago ang pasukan.

Ayon kay Gloria naging maayos naman ang pagpapatala ng mga bata. Isa na rito ang Pateros at Taguig na may 17 libong mag-aaral ang papasok sa susunod na taon.

Ayon sa DECS inumpisahan ang programang ito noong 1995. Layuning mabigyan ng maagang edukasyon ang mga bata, tulad ng ginagawa sa ibang bansa. Sa ngayon P1 bilyon ang kakailanganin para sa programang ito DECS, bukod sa kakulangan sa pasilidad, kapos din sa mga guro na umabot sa 13,000, kung hindi ito matutugunan ayon sa DECS, umaasa sila sa tulong ng pribadong sektor.

Back to Top


Hot air balloon show sa Clark, tagumpay

TAGUMPAY ang ginanap na Fourth Philippine International Hot Air Balloon sa Clark Air Base. May 30 balloonists mula sa Europa at Asya, ang sumali sa rito.

Iba't-iba ang hugis ng mga hot air balloon. May korteng bote ng beer, mayroon namang napakalaking stuffed toy, may bahay at mayroon pang korteng fried chicken. Inaasahan ng Philippine Tourism Department na marami pang sasali sa susunod na taon.

Samantala, "ballroom dancing" umano ang sagot para muling magkalapit ang mga mag-asawang may problema. Ito ang inihayag ng "dancing" Congressman na si Jose Carlos Lacson. Napadaan si Lacson sa isang ensayo ng mga empleyado ng Kongreso para sa kanilang valentines program, at natuwa siya at napaindak Dating miyembro ng Bayanihan Dance Troupe si Lacson noong dekada 60. Bagamat kaunti lang ang panahon niya para sa ballroom dancing, maganda umano ito para sa pamilya.

Back to Top


Autistic children may karapatang mangarap - ASP

SI Magiting Gonzales ay isa sa libo-libong Pilipinong "autistic", mga batang may kabagalang matuto, mahirap magsalita at makisama sa kapwa dahil may sarili siyang mundo.

Noong bata si Magiting, akala ng mga magulang niya ay bingi siya. Hindi siya makatingin ng diretso, at di makapagsalita ng maayos. Ngunit hindi nababawasan ang talento ng isang batang "autistic."

Sa tulong ng yumaong national artist na si Cesar Legaspi, nabuo ni Magiting ang "painting" na ito, at sinundan ito ng marami pang iba. Nakapag-aral si Magiting sa OB Montessori. Ngayon ay nagta-trabaho siya sa University of the Philippines (UP). Ngunit di lahat ng "autistic children" ay kasing-palad ni Magiting. Itinatag ang Autism Society of the Philippines para sa mahihirap. Ipinaglalaban nilang magkaroon ng programa ang mga public schools para sa mga "special" children.

Back to Top

Go Back To News Service Index