Katauhan ni Jalosjos hihimayin ng korte
MAAARING ipatawag ng korte si Ofelia Gabais-Gardoce, ang katulong na umano'y ginahasa ni Congressman Romeo Jalosjos, upang magbigay ng testimonya sa katauhan ng kongresista.
Dumating bandang alas-7:00 kagabi sa Maynila si Melchor Gabais, anak umano ng katulong kay Jalosjos. Sa isang panayam, muli niyang iginiit na sabik na siyang makita ang kanyang ama. Dalawampu't-walong taon na si Melchor. Hindi ito ang unang pagkakataong hinanap niya ang kongresista sa Maynila. Ngunit nabigo siyang makita ang sinasabing ama.
Sa panayam ng dzXL sa ina ni Melchor, sinabi nito na ginahasa siya ni Jalosjos at nalaman ito ng kanyang live-in partner na si Nida Blanca. Nakita sa pinagtabing larawan na magkahawig sina Melchor at Jalosjos.
Ayon kay State Prosecutor Eric Mallonga, maaaring tumestigo ang ina ni Melchor laban kay Jalosjos. Aniya, importante ang kanyang testigo upang lumakas ang ebidensiya laban sa kongresista. Sinikap makuha ng ABS-CBN News ang panig ni Nida Blanca, pero di nito tinugon ang mga tawag mula pa kahapon. Ayon sa kanyang katiwalang si Linda Perez, nag-"out-of-town" si Nida kasama ang kanyang mister na si Rod Lauren.
Nakiusap naman sa media ang beteranang aktres na si Caridad Sanchez, na huwag nang isangkot si Nida sa isyung Jalosjos dahil sarado na ang kabanatang ito sa kanilang buhay. Naging instrumental si Caridad sa relasyong Nida-Jalosjos na nagkasira noong dekada '70s.
Jalosjos binisita ng kanyan ina sa Makati City Jail
SA UNANG pagkakataon matapos nitong makulong, nagkita sina Congressman Jalosjos at kanyang ina. Dumalaw ito sa loob ng Makati City Jail bandang alas-12:00 ng tanghali.
Naging madamdamin ang pagkikita ng dalawa dahil sa ito ang unang pagkakataon na nagkita sila makaraang makulong ang mambabatas. Kasama ang dalawa niyang anak na sina Cesar at Celia ay pinilit ng pamilia na umiwas sa media nguni't hindi nila napigilan ang iba.
Kasunod nito ay pansamantalang nagkaroon ng tensiyon nang harapin ni Cesar ang mga humahabol na mediamen. Nang malaman ng kongresista ang nangyari ay tumaas ang presyon nito at biglang nakansela ang naka-schedule nitong pagharap sa mga mamamahayag.
Hindi pa malaman kung ito ay makakadalo sa nakatakdang arraignment bukas. Bagama't masama ang kanyang pakiramdam ay patuloy pa rin itong tumatanggap ng mga bisita na ang iba ay galing pa sa mga probinsiya, katulad nina Russell Adasa at Boy Perez. Inasahan ding bibisita sa Makati City Jail ang umano'y anak ni Congressman Jalosjos na si Melchor Gabais, upang magpakilala sa ama nguni't nabigo itong magpakita roon.
Samantala, bukod sa pagkakasibak sa tungkulin, dagdag pang problema ang kakaharapin ni Chief Supt. Manuel Pepino. Ayon kay Interior Secretary Robert Barbers, posible pang sampahan ng kasong kriminal si Pepino dahil sa "obstruction of justice."
Tigdas patuloy na lumalaganap
TATLUMPU'T-WALONG bagong kaso na naman ng tigdas ang tinanggap ng San Lazaro Hospital. Sa nasabing mga bagong kaso, 12 dito ay mayroon nang pneumonia. Muling namang binatikos ni Senator Juan Flavier si Health Secretary Carmencita Reodica sa pagtanggi nitong mag-deklara ng epidemya.
Daan-daang mga ina ang dumagsa ngayon sa mga health centers upang pabakunahan laban sa tigdas ang kanilang mga anak. Ngunit kahit puspusan na ang kampanya laban dito, patuloy na tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit. Pinag-utos na ng pamahalaang lokal ang house-to-house immunization lalo na sa mga kritikal na lugar. Humingi na ng tulong si Pangulong Ramos sa National Disaster Coordination Council para puksain ang tigdas sa bansa.
Ayon kay Senador Flavier, indikasyon na umano ito na malaki na ang krisis. Ngunit tulad ng sinabi ni Senator Flavier, kanya-kanya umanong "style" ang mga miyembro ng gabinete. At kung si Secretary Carmencita Reodica ang tatanungin, "normal" pa rin ang ganitong situwasyon.
Sang-ayon si Congressman Claudio ng House committee on health. Aniya, pan-demic pa ito, hindi epidemic.
Ebola carriers na mga unggoy, hindi natuloy katayin
HINDI itinuloy ng Department of Environment and Natural Resources ang pagpatay sa mahigit 600 unggoy sa Ferlite Farm kaninang umaga.
Ingay at hudyat na ligtas na sila. Walang naging pinakamasaya sa lugar ng Barrio Baniadera kaninang umaga kundi ang mahigit 600 unggoy na nakatakda sanang katayin ng DENR. Umatras sina DENR Region 4 Director, Antonio Principe dahil sa walang sapat na incinerator na magamit. Maliit ang nasa Ferlite Farm.
Maagang dumating ang mga veterinaryo, animal technicians, at taga Wildlife Bureau. Malungkot ang mga unggoy, tila alam ang kanilang kasasapitan. Maging ang mga caretaker ay hindi na nag-ta-trabaho. Hindi nila maatim na sila pang nag-aalaga ang papatay sa mga unggoy.
Nguni't ayon sa Department of Health, kailangan talagang patayin ang mga ito ngunit sa makataong pamamaraan. Mahigit 100 buntis na unggoy ang nasa Ferlite Farm, samantalang halos 80 ang bagong panganak. Sinang-ayunan ni Nita Lichauco, pangulo ng grupong tumutulong sa mga naulilang hayup, ang proceso ng euthanasia.
Sa ngayon, walang tiyak na petsa kung kailan babalik ang mga magsasagawa ng "mercy killing.. Muling tumahimik at tila natuwa ang mga alaga rito matapos umalis ang mga taga DENR. Nguni't katulad ng inaasahan ng mga caretakers, pansamantala lamang ito at anu mang oras, ay maaring oras na nila.
Bus nahulog sa bangin, 19 patay
LABING-SIYAM na katao ang namatay at mahigit sa 30 ang sugatan nang mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus sa Labo, Camarines Norte.
Bandang alas-7:00 ng gabi nang makarinig ng malakas na pagkalabog ang mga taga Sitio Kabungahan, Barangay Kabatuhan sa Labo. Nang kanilang siyasatin, isang pampasaherong bus ang nakitang sumadsad sa gilid ng bangin.
Ang Coreses Bus Lines, na pag-aari ni Pioquinito Coreses, ay nagmula sa Pilar, Sorsogon, at patungo sa Maynila nang maganap ang madugong aksidente. Ito ay may tinatayang 60 pasahero.
Sa 19 na kumpirmadong patay, walo pa lamang ang nakikilala. Karamihan sa sugatan ay isinugod sa Camarines Norte Provincial Hospital. Marami ang nabalian ng buto at nagtamo ng mga pasa sa iba't-ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa mga survivors, karamihan sa mga pasahero ay natutulog ng maganap ang aksidente. Ang pamilyang Llorca ay kabilang sa mga biktima. Katabi ni Aling Purisima ang kanyang tatlong anak at hinahanap ang asawa. Ang hindi alam ni Aling Purisima, isa ang kanyang asawa sa mga nasawi.
Bilang ng krimen bumaba nuong 1996 - PNP
BUMABA daw ang bilang ng mga krimen nuong taong 1996. Ito ang inilabas na estatistika ng Philippine National Police, sa kabila ng mga krimeng nai-uulat araw-araw. Naki-pagpulong ang liderato ng PNP sa mga executives ng iba't-ibang pahayagan, telebisyon at radyo kanina bilang paghahanda sa ika-anim na taong anibersaryo ng PNP sa Huwebes.
Ayon kay PNP Chief Recaredo Sarmiento, bumaba ng dalawang porsyento ang crime rate, kumpara sa taong 1995. Inamin naman ni Sarmiento na dumami ang mga kaso ng kidnapping nitong nakaraang taon. Ngunit anya, tumaas lamang ito ng tatlong kaso.
Samantala, matapos ang pahayag ni Sarmiento, isang empleyada ng Philippine Chamber of Commerce and Industry and nai-ulat na kinidnap matapos holdapin ng tatlong armadong kalalakihan sa Maynila.
Pauwi na si Kristeta Garcia galing sa trabaho nang lapitan siya ng tatlong kalalakihan sa kanto ng Kalaw at Taft Avenue. Aniya, siya'y pinilit na isinakay sa isang kotse at piniringan dakong alas-8:00 ng gabi.
May tangan ang biktima na P14,000 na dapat i-deposito kinabukasan galing sa kanilang opisina. Ayon kay Garcia, kinuha ng mga suspek ang pera sa kanya. Dinala ang biktima sa isang bahay na nakapiring at nakatali ng tatlong araw. Nagtungo sa presinto ang mga kamag-anak ng biktima upang i-report ang kanyang pagkawala. Linggo na lamang ng gabi ng ibaba siya malapit sa kanilang tahanan sa Sampaloc.
Patuloy na pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang mga suspek. Subalit, maaaring matagalan pa ang paglutas ng kaso dahil hindi gaano namukhaan ng biktima ang mga salarin.
Pagsibak ng mga MWSS employees pinabulaanan
HINDI totoong masisibak ang mahigit sa 5,000 empleyado ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System. Ayon kay MWSS Administrator Angel Lazaro, napakagandang "package" ang makukuha ng mga kawani sa huling araw ng pag-se-serbisyo nila sa gobyerno.
Anya, ang 5,400 mga empleyado ng MWSS ay ma-re-rehire ng mga private concessionaire sa Mayo a-7. Bago pa man ito, tatanggap ng "early retirement pay" ang mga ito sa gobyerno. Kung hindi papasa sa screening, kalahating buwan para sa bawat taon ng serbisyo ang matatanggap. At prayoridad sila sa trabaho sa itatayong mga "downstream businesses" ng mga "private concessionaires."
Nilinaw ni Lazaro na ang pag-re-reorganize sa burukrasya ang puno't-dulo ng "privatization". May 65 porsiyento pa lamang ng Kamaynilaan ang sineserbisyo ng MWSS at halos 60 porsiyento ng tubig ang nawawala dulot ng "illegal connection" at tagos sa mga pipes. Ito ang naging batayan ng unang reorganization sa MWSS noong Agosto, kung saan binawasan ang work force ng MWSS ng mahigit 2,000 empleyado.
Ngunit nababahala ang ilang mga empleyado. Ang kinikilalang unyon, ang KKMK, ay kasama sa negosasyon para sa karapatan ng mga manggagawa sa "concession agreements."
Samantala, iligal na bawasan ang pagkaka-iba sa presyong ibi-nid ng Ayala at Benpres. Sinabi ni chief presidential legal counsel Renato Cayetano, na nakapaloob na sa concessionaire agreement ang bid rate. Bagama't maiinit pa rin ang ulo ng ilang mambabatas sa concession agreement, sinabi naman ni Senador Raul Roco na dapat bigyan ng pagkakataon ang mga pribadong kompanya. Gayunman, kailangan aniyang maging "transparent" ang mga proyekto at desisyong makaka-apekto sa supply ng tubig.
Go Back To News Service Index
Walang tax exemption, walang libreng serbisyo - Church
NAGBANTA ang Simbahan na aalisin din nito ang libreng serbisyo sa mga mamayayan kung itutuloy ng gobyerno ang pag-aalis ng kanilang tax exemptions. Ayon kay Monsignor Atemio Baluma ng Catholic Bishops Conference of the philippines, mahihirapan ang gobyernong kunin ang mga taong maapektuhan kung aalisin ng Simbahan ang suporta nito sa mga social services.
Mahigit isang milyong mga estudyante ang nag-aaral sa mga Catholic schools sa buong bansa. Bukod pa rito ang mga ospital at clinics na pinatatakbo ng simbahan.
Samantala, tatlong "presidentiables" ang naninikluhod na sa suporta ng Iglesia ni Kristo. Kabilang dito sina Vice President Joseph Estrada, Speaker Jose de Venecia at Senador Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay dating Justice Serafin Cuevas, ang tatlo ay madalas nang dumalo ng mga pagtitipon ng Iglesia mula pa noong nakaraang taon.
Samantala, pormal nang manunumpa bilang bagong miyembro ng Lakas sina House Deputy Speaker Hernando Perez, kasama ang buong Batangas LDP chapter. Si Perez umano ang siyang mag-i-sponsor sa pagpasok ni Defense Secretary Renato de Villa sa partido ng administrasyon.