Double murder
ISA NA namang karumal-dumal na krimen ang naganap sa Calamba, Laguna. Dalawang magkapatid na babae ang natagpuang tadtad ng saksak at patay na sa loob ng tahanan nila.Patay na ng makita ng mga kaklase ni Barbara Mulinyawe, 16, at ang ate nitong si Zosima Castillo, 28, dakong alas-5:30 ng umaga sa loob ng kanilang tahanan. Si Barbara ay nagtamo ng 13 saksak sa leeg at katawan, samantalang si Zosima naman ay may 14 na tama sa leeg at kamay.
Batay sa insiyal pulis report, ang dalawa ay maaring pinatay ng dalawa o mahigit pang mga suspek. Na-recover ang dalawang kutsilyo sa tabi ng mga bangkay ng biktima at isang sapatos ng lalaki, at dalawang magkaibang paris ng tsinelas.
Ayon sa mga awtoridad, hindi maaring pagnanakaw ang motibo ng patayan dahil walang nakuhang kagamitan sa mga biktima. Malabo rin daw ang rape dahil nakasuot pa ng mga damit ang biktima. Wala pa ring lead sa motibo ng pamamaslang. Wala pa ring mga suspek ang pulisya.
Huling nakita ang mga biktima ng kanilang kapatid na si Maricris, bandang alas-2:00 ng hapon. Si Mulinyawe at Castillo ay magkapatid sa ina na nasa Kuwait hanggang ngayon.
Masusing iniimbistigahan ngayon ng Calamaba Police ang nasabing kaso. Naniniwala ang mga awtoridad na maaaring kilala ng mga biktima ang mga suspek dahil wala daw mga signs ng forcible entry sa nasabing tahanan.
Sa Tondo, Maynila, tatlo katao ang namatay sa isang "crime of passion" kaninang umaga. Tatlong babae ang sangkot sa pag-ibig ng isang junk shop owner na ex-convict. Ang insidente ay nauwi sa pagpapakamatay ng lalaki.
May 10 taon nang nakalalaya si Guillermo de Lima, matapos pagdusahan sa Muntinlupa ang kasong homicide. Sinuwerte sa negosyo. Apat ang katulong sa bahay nguni't lingid sa asawa ay nagkaroon ng relasyon sa dalawang katulong.
Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon ng komprontasyon sina Guillermo at asawa, kasama ang apat na katulong. Dito nabunyag ang pagdadalantao umano ni Girlie Minoza. Nabunyag pa na may relasyon din si Guillermo at Vicky Pugales.
At sa pagtatalo, binaril ni Guillermo si Girlie sa ulo, pati na rin si Vicky. Nagkagulo sa loob at nakita na lamang ang bangkay nina Guillermo at Vicky, samantalang sa ospital namatay si Girlie. Hinahanap pa ng mga awtoridad ang isang Senior Police Officer 1 Perez, kamag-anak ng mga De Lima, na siyang sinasabing kumuha ng baril na ginamit ni Guillermo. Hindi pa tinitiyak ng pulis na suicide ang nangyari kay Guillermo. Bagama't tiniyak nilang binaril ni Guillermo sina Girlie at Vicky.
3 kidnappers hinatulan ng kamatayan
LIBO-LIBONG mga residente ng Angeles City, ang nagpista nang hatulan ng kamatayan ng korte ang tatlong kalalakihan na kumidnap at pumaslang sa isang 14-taong gulang na estudyante.
Habang binabasa ang desisyon ni Angeles City Judge Eliezer de los Santos kina Melvin Espiritu, Nixon Catli at Rommel Deang, pinsang buo ng biktima na si Arthur "Jay-Jay" Tanjeuco Jr., tahimik na nakikinig ang mga kamaganak, kamagaral at supporter ng biktima sa labas ng court room. Luha ng kagalakan ang umagos sa mukha ng magulang ng biktima. Hindi naman makapaniwala ang pamilya ng mga sentensiyado.
Ayon sa hukom, umapaw ang mga ebidensiya laban sa tatlo. Malaking bagay din ang testimonya ni Benito Catli, dating akusado na naging state witness.
Ayon sa court records, pinatawag muna ni Rommel Deang ang kanyang pinsan papalabas ng Chivalier School at pilit isinakay sa puting awto. Humingi ng P3 milyong ransom ang mga suspek na bumaba sa P1.4 milyon.
Subalit matapos maibigay ang pera, hindi nabawi ang bata. At makalipas ang 10 araw, natagpuan ang bangkay nito sa isang bangin sa Laurel, Batangas.
Subalit isang buwan bago ito nalaman ng pamilya. Nagbigay ng lead sa kaso ang mga tawag sa telepono na na-trace ng ama ng biktima. Isang araw bago ang hatol, nakiusap pa umano sa magulang ng biktima ang pamilya ng mga akusado na patawarin na ang mga ito.
Naniniwala ang pamilya ni Jay-Jay, na nagsasaya rin ito sa kabilang buhay.
Samantala, sumuko na ang apat na kilabot na kidnaper sa Central Mindanao sa Department of Interior and Local Governments. Ayon kay DILG Secretary Robert Barbers, ang mga sumuko ay nakilalang sina Ali Musa, Jordan Sulaiman, Omar Daud at Nasser Abubakar.
Sinabi ni Musa, lider ng grupong "Moses", na dati silang miyembro ng Moro National Liberation Front o MNLF. Idinagdag pa niya na isang grupo ng mga police officers ang namumuno sa limang kidnapping syndicates sa Central Mindanao. Anya, sila lamang ang tagapagtago sa mga biktima. Hindi muna ibinunyag ang pangalan ng mga sangkot na pulis.
Pagsiklab ng kaharasan sa Binondo pinangambahan
NANGANGAMBA ang mga senador na posibleng sumiklab ang karahasan sa Chinatown kasunod ng muling pagbubuhay ng mga vigilantes doon.
Ito ang naging sagot ng Filipino-Chinese community sa sunud-sunod ang karahasan sa Binondo, Maynila. Sa halos lahat ng kanto sa Binondo, makikita ang mga pulis. Isa ito sa mga solusyon ng Western Police District sa lumalalang kriminalidad sa Binondo.
Ayon naman kay Teresita Ang-See ng Movement for the Restoration of Peace and Order, ito anya ang dahilan sa muling pagbuhay ng vigilante group sa Chinatown. Ikinatuwa ito ng ilang residente. Ang vigilante group ay hindi armado bagama't eksperto sa martial arts. Ilan sa mga residente ang gustong makasiguro na kanilang mapapangalagaan ang ari-arian at buhay ng pamilya.
"Big Fish" isinalba sa kasong coddling kay Jalosjos
PAWANG maliliit na isda ang kinasuhan ngayon ng Department of Justice sa salang pagkakanlong kay Congressman Romeo Jalosjos. Nahaharap ang siyam na umano'y "coddlers" ni Jalosjos, sa anim na taong pagkabilanggo sakaling mapatunayan ang akusasyon sa kanila.
Matapos masabit ang pangalan ng kung sino-sinong malalaking tao, lumabas ngayon na mga drayber, misyonaryo, bodyguard, at mga kaibigan lamang ang kakasuhan ng obstruction of justice.
Ang mga nahaharap ng kasong "obstruction of justice", ay sina Elizabeth Dimaano-Sunga, farm owner; Fred Llamoso, farm caretaker; Malou Rivera, kaibigan; Dindo Rivera, kaibigan; Reno Ghent, isang missionary; Armand Hamac, bodyguard; Lito Gadiola, driver; Juvy Alaro, driver; at isang nagngangalang Efren, isa ding driver.
Si Sunga ang may-ari ng farm sa Batangas, kung saan nagtago si Jalosjos. Sina Dindo at Malou, ang tumulong para siya makapunta doon habang sina Ghent at Hamac, ang sumama sa kongresista sa Bataan.
Sinabi ni Justice Secretary Teofisto Guingona, na patuloy pa ang imbestigasyon ng NBI, upang matukoy ang iba pang nagkanlong kay Jalosjos. Sinabi naman ni Chief State Prosecutor Jovencito Zuno, na maaari ring masangkot ang mga abogado ni Congressman Jalosjos.
Samantala, sa Lunes, tatlong oras na makakalabas ng piitan si Jalosjos. Inatasan ni Judge Roberto Diokno ang Makati City Jail na mahigpit na pabantayan si Jalosjos kapag nagtungo ito sa kanyang dentista sa Forbes Park.
Go Back To News Service Index
Melchor meets Daddy
NAGKITA na rin sina Melchor Gabais at ang kanyang tinatawag na daddy, si Congressman Romeo Jalosjos. Ayon kay Melchor, naging madamdamin ang tagpo.
Makaraan ang may 27-taong pagkakawalay sa kanyang itinuturing na "daddy", nagkaroon na ng pagkakataon si Melchor Gabais na makita ng personal si Congressman Jalosjos.
Pinayagan siyang dumalaw kay Jalosjos sa Makati City Jail dakong alas-12:40 ng gabi. Aniya, ayaw na sana niyang abalahin ang kanyang daddy dahil alam niyang may problema ito.
Ngunit nanaig sa kanya ang lukso ng dugo. Hindi lang minsan siyang itinatwa ng kanyang itinuturing na ama, pero para kay Melchor, hindi mahalaga ito. Mayroon din namang ipagmamalaki si Melchor.
At dahil lumaki ang kanyang pangalan, nais ni Melchor na sundan ang yapak ni Jalosjos. Tatakbo siyang barangay councilman sa darating na Mayo.
Matapos dalawin ni Melchor ang itinuturing niyang ama, naglilitawan na rin ang iba pa umanong mga anak rin ni Jalosjos. Tatlong babae ang dumalaw rin kanina kay Jalosjos sa selda. Isa sa mga ito ay nag-aangking si Jalosjos din ang kanyang ama. Hindi sila pinapasok sa piitan.